Uncategorized

Apo Hiking Society, tagapag-endorso ng kapayapaan sa Mindanao


AMINADO si Annabelle T. Abaya, ang tagapangulo ng Office of the Presidential Adviser on Peace Process o OPAPP, na sinubok din ng kanyang tanggapan ang pagkuha kay Robin Padilla upang maging sugo ng kapayapaan sa Mindanao pero ang aktor ay abala na sa maraming bagay na para rin sa kaunlaran at kapakanan ng kanyang iniisip […]

AMINADO si Annabelle T. Abaya, ang tagapangulo ng Office of the Presidential Adviser on Peace Process o OPAPP, na sinubok din ng kanyang tanggapan ang pagkuha kay Robin Padilla upang maging sugo ng kapayapaan sa Mindanao pero ang aktor ay abala na sa maraming bagay na para rin sa kaunlaran at kapakanan ng kanyang iniisip na pinaghaharian.

Kilala nang panaka-nakang opisyal na negosyador si Robin kahit na impormal para sa kanyang mga ka-Muslim kaya naman ang pag-iisip na kunin siya ay may ambag na kaalwanan pero marami nga siyang pinagkakaabalahan kabilang na ang showbiz na hindi karaka-rakang maiiwan sa anumang sandali dahil ito ay prayoridad rin.

Gusto ng OPAPP si Padilla pero hindi nga ito makapagbibigay ng kanyang buung-buong pagkatao kaya naman nag-isip ang upisina ni Annabelle ng paraan at mga tao na puwedeng kahalili ni Robin.

***

Aba, oo nga pala, ang Apolinario Mabini Hiking Society, mas kilala sa Apo Hiking Society na kinapapalooban nina Buboy Garovillo, Jim Paredes at Danny Javier.

Sinag-ayunan din ito ng mga kinatawan ng iba pang bulsa ng OPAPP kaya naman kinausap na ang Apo sa lalong madaling panahon.

Presto!

Umoo ang Apo.

Ito kahit na ang programa ay sakop pa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na minsan din namang pinagkaunsiyamian ng Apo lalo na ni Jim.

May pagkakataon pa na isinumpa na ni Paredes ang pamamahala sa sambayanang Filipino ng mga pulitiko at imbes na makiisa pa ang mang-aawit ay nagtungo na lang siya sa Australia at sandaling nanirahan doon kasama ang kanyang pamilya.

Pero nagbalik na naman dahil nga mahal niya kanyang bayang sinilangan kahit na maraming kawirwiran.

***

At nakipagmiting na nga sina Danny, Jim at Buboy kay Abaya at preparado na ang lahat.

“Gusto naming makatulong sa pagkakamit ng kapayapaan sa buong bansa at kung maaari nga, sa buong mundo,” sabi ni Jim.

“Matagal na naming advocacy ang peace kaya nga hindi nagdalawang-isip ang grupo na tanggapin ang project na ito,” wika naman ni Buboy.

“Kailangang tulungan natin ang bawat isa sa pagkakamit ng kapayapaan,” pahayag naman ni Danny.

Nagtugma na ang lahat kaya inilunsad na ang programa.

Nag-shoot na ang tatlo ng TV ad na talagang nakakaantig ng damdamin dahil sa mensaheng kaloob nito sa madla.

Gayundin, ang panradyo ay ginawa na rin kaya naman mapupuno ang himpapawid ng mga kataga ng kapayapaan sa Mindanao.

***

Dumating ang alok sa Apo sa panahong hindi na sila madalas magkasama dahil nga madalas na sa Australia si Paredes kahit na siya ay may mga palatuntunan pa sa telebisyon.

Samantala, si Javier ay abala sa kanyang mga negosyo samantalang si Garovillo ay may pagkiling sa batas na puwede niyang pag-ukulan ng panahon dahil ang kanyang mga magulang ay may kinalaman sa batas.

Ang pamagat nga ng kanilang Valentine show sa ika-14 ng Pebrero, 2010 ay “Huling Valentines nAPO namin.”

Ano pa nga ba ang ibig ipahiwatig ng mga katagang ito sa titulo ng kanilang pagtatanghal kundi ang pagkakawatak-watak?

Pero hindi pa malalansag ang Apo hanggang may musikang Fililipo dahil ang himig nila ay Filipino para sa Filipino at para rin sa mga nagmamahal sa kanilang sining anuman ang lahi ng mga ito.

***

Totoo na kahit anong oras ay baklas na ang Apo bagamat sa pamamagitan ng “Dialogues Mindanaw” ay buhay na buhay pa rin ang katatluhan nito.

Aminado si Danny na siya ay sa Mindanao na nagpipirmi. Sa General Santos City na nandoon si Javier kasama ang kanyang mga mahal sa buhay.

“Pero taga-Leyte po talaga kami pero ang ganda talaga ng Mindanao kaya kailangang mapangalagaan. Maunlad ang Mindanao kaya kailangang huwag pabayaan,” pahayag ni Javier.

Si Jim, kahit na taga-Luzon, taga-Maynila, Tagalog, ay magsisilbi kahit na saang bahagi ng bansa.

Gayundin si Buboy na ayon kay Danny ay siyang tunay na taga-Mindanao dahil ang kanyang mga magulang ay tubong-Mindanao kaya nagbabalik ito sa kanyang lupang tinubuan kahit na sa isang proyektong konsultasyon sa mga NGO o non-government organization, relihiyoso, akademya, mag-aaral, komunidad, mangingisda, magbubukid, Kristiyano, Lumad, Muslim at iba pang sektor ng lipunan para makamtan ang ibayong kapayapaan sa Mindanao.

***

Ang pagkakamit ng kapayapaan ayon kay Abaya ay hindi natatanto sa maikling panahon lang.

“It takes time to achieve an everlasting peace but to start off achieving it gradually is an achievement already,” pahayag ni Annabelle, dating isa sa mga host ng “Action 9” kasama sina Angelique Lazo, Ramon Tulfo at Rey Langit.

Tatlong buwan pa lang si Abaya sa OPAPP pero nais niyang magmarka ang kanyang pananatili at paglilider doon sa isang maganda at kapaki-pakinabang na pamamahala.

Kaya nga nang maisip niya ang “Dialogues Mindanaw” at wala siyang inindang hirap at alalahanin maiparating lang ang magandang pamamaraan at bunga ng kanyang adhika.

Tatlong daang kinatawan mula sa iba’t ibang larangan ang magtitipun-tipon para makatulong pumayapa ang Mindanao at sa ika-16 ng Pebrero, 2010 ay magsisimula na ang programa sa Bongao, Tawi-Tawi.

***

Tinanong namin si Abaya kung bukas ba ang konsultasyong ito sa mga progresibo ang isip na mga tao lalo na ang mga tamang makapagsatinig ng mga hinaing at suliranin ng mga nasa kinalalagyan ng mga problema?

Ayon kay Annabelle, okey lang na mga iba’t ibang tao ang mga representante ng konsultasyon pero idiniin niyang hindi dapat magdebate sa mga isyu kundi pakinggan lang ang mga masasabi ng mga apektado ng kapayapaan sa Mindanao.

Mula sa mga impresyon na ito ay ipaparating sa mga negosyador ang nakapal na datos at pag-aaralan ng panel na binubuo ng mga kinatawan ng gobyerno at isang mula sa Malaysia na batikan na sa mga usaping pangkapayapaan sa mundo.

Gayunman, mahalaga ang talakayan at pagpapalitang-kuro sa konsultasyon at pulong at ito ang isa sa mga bukal ng katotohanan kung bakit may problema sa kapayapaan sa Mindanao.

Ang mga tamang tao na may tamang pagsasatinig ng mga problema at dalisay ang pagkatao ang kailangang maging kinatawan sa konsultasyon.

Ano namang klaseng mga estudyante, guro, pari o madre, magsasaka, magbubukid, Kristiyano, Muslim, NGO o Lumad ang haharap dito?

Dapat ay ‘yong kritikal sa tunay na nagaganap at may pusong makasama at isip na makabayan at makadiyos at walang iniisip na ganansiya sa konsultasyong ito kundi ang paglaya ng bayan?

***

Sinabi ni Paredes na kung sila ay kailangan sa konsultasyon ay darating sila pero hindi anya nila magagampanan ang labindalawang rehiyon na sakop ng programa.

“Kung hindi kami kailangan sa konsultasyon, puwede kaming kumanta,” pahayag ni Jim na nakatawa.

Pero epektibo lalo ang Apo kung isasamusika nila ang mga mithiin ng kapayapaan.