Pinoy Weekly

Pagtaas ng presyo ng asukal, pinaiimbestigahan

Pinaiimbestigahan ni Gabriela Rep. Liza Maza ang pagtaas ng presyo ng asukal bunga ng umano’y “artipisyal” na kakulangan sa suplay nito.

Sa isang pahayag, sinabi ni Maza na dapat ipaliwanag ng Department of Agriculture (DA) kung bakit inirerekomenda nito ang National Food Authority na mag-angkat ng 15,000 metriko tonelada ng asukal para maging istable umano ang presyo ng asukal. Inirekomenda ito ng DA sa kabila ng pahayag ng Sugar Regulatory Administration na normal naman ang lokal na suplay ng asukal.

Sinabi ni Maza na sa halip na mag-angkat ng asukal, “dapat panagutin ang mga responsable sa pagmamanipula sa presyo ng asukal.” Nanawagan siya ng isang kagyat at indipendiyenteng imbestigasyon para dito.

“Kahit nga ang mga manggagawa sa mga pabrika ng asukal, hindi na kayang bilhin ang asukal dahil nakapako ang kanilang mga sahod sa gitna ng pagsirit ng presyo ng batayang mga bilihin,” aniya.

Binatikos din ni Maza ang umano’y kainutilan ng gobyernong Arroyo sa pagmonitor at pagkontrol sa presyo ng batayang mga bilihin.

Samantala, inihayag naman ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, na  isang tanda ng pangangailangan sa “tunay na reporma sa lupa” at “planadong ekonomiya” ang problema sa pagtaas ng presyo ng asukal.

“Hindi naman naaiiba ang sitwasyong ito sa bigas o sa langis–sinasamantala ng mga lokal na producer at distributor ng produkto ang mataas na presyo sa pandaigdigang merkado,” ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay.

“Maiiwasan ito kung ginagamit ang ating mga lupain at likas-yaman para sa ating pangunahing mga pangangailangan, at planado ng gobyerno ang produksiyon, pagsusubi, at distribusyon ng mga ito, para matiyak na laging may sapat na suplay at abot-kaya ito ng taumbayan,” aniya pa.

Siniguro na ng Malakanyang na muling bababa ang presyo ng asukal kapag dumating na ang suplay na iaangkat mula sa ibang bansa.

Pero ayon sa Kadamay, mahirap na nakasandig ang bansa sa importasyon at sa di-kontroladong galawan ng suplay at presyo sa pandaigdigang merkado.

“Ang bawat pagsirit kasi ng presyo, lalo ng pang-araw-araw na mga bilihin, kahit ilang linggo lang ‘yan o ilang buwan, sobrang pahirap na sa mahihirap na hindi na mapagkasya ang badyet sa isang araw,” sabi ni Badion.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6063

Posted by on Feb 1 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

1 Comment for “Pagtaas ng presyo ng asukal, pinaiimbestigahan”

  1. Pahayag sa Midya ng IBON/ 4 Pebrero 2010

    Pagtigil ng pag-eksport ng asukal sa US, iginiit sa gobyerno

    Pinanawagan ng grupo sa pananaliksik na IBON Foundation na itigil na ang pag-eksport ng asukal sa US para tiyakin ang lokal na suplay at mabigyang-proteksyon ang seguridad sa pagkain sa bansa.

    Ipinanawagan ito ng grupo sa gitna ng mga anunsyo ng Department of Trade and Industry (DTI) na nakaambang magkulang ang suplay ng asukal habang may posibilidad na iatras ng mga supermarket ang mga produktong asukal sa mga susunod na araw dahil sa pagtaas ng mga presyo. Nagbabanta rin sa lokal na produksyon ng asukal ang paparating na El Niño, ayon sa DTI.

    Upang gawing estable ang presyo sa lokal na pamilihan, bumaling ang gubyerno sa walang-buwis na pag-angkat ng 150,000 metriko tonelada (MT) ng asukal.

    Subalit sinabi ng grupo na habang nagkukumahog ang bansa na mag-angkat ng asukal mula sa pandaigdigang

    pamilihan, ang Pilipinas ay nakatakda ring mag-eksport ng may 158,906 MT ng asukal sa US sa ilalim ng sistemang quota at upang sunggaban ang pagsirit ng presyo sa pandaigdigang pamilihan bunga ng nauulat na pagbaba ng produksyon ng asukal sa India at Brazil.

    Napupunta ang eksport na asukal ng Pilipinas sa pamilihan ng US sa ilalim ng sistemang Tarrif Rate Quota (TRQ) nito. Batay sa sistemang ito ang pagtakda ng dami ng sariwang tubo galing sa asukal na papayagan ng US na pumasok sa pamilihan nito sa relatibong mababang taripa. Ito’y bahagi ng komitment ng Pilipinas sa ilalim ng mga kasunduan sa Uruguay Round ng World Trade Organization (WTO).

    Ayon sa IBON, kung nagbabanta ang gobyerno na magkakaroon ng pagkukulang sa suplay, ang patuloy na pagtupad ng komitment ng bansang quota sa asukal sa US ay bumabangga sa pambansang interes.

    Kinastigo ng IBON ang hakbang ng gobyerno na mag-angkat ng asukal dahil inaangkupan lamang nito ang epekto sa lokal na suplay habang nagkukumahog ang mga negosyante na mag-eksport at sunggaban ang mataas na presyo sa pandaigdigang pamilihan. Laluna, ang hakbang para mag-angkat ay bigo na benepisyuhan ang mga lokal na mamimili sa usapin ng mas mababang presyo dahil sa pagkakaroon ng kartel sa asukal. Pinuna rin ng IBON ang nagmimistulang sabwatan sa hanay ng gobyerno, mga eksporter at taga-angkat na patampukin ang diumano’y pagkulang ng suplay para panatilihin ang mataas na presyo ng asukal kahit pagkatapos ng mga nauulat na problema sa pandaigdigang pamilihan.

    Sinabi ng grupo na ang pinakamainam na proteksyon laban sa ispekulasyon sa presyo at suplay na namamalagi ngayon sa industriya ay ang tiyakin ang pagkakaroon ng asukal sa pamilihan.

    Binibigyang-matuwid ng interes sa seguridad sa pagkain ng bansa ang pagtigil ng pag-eksport ng asukal. Sa panahon ng matinding krisis pandaigdig sa bigas noong 2008, ang Thailand at India, na mga pangunahing taga-eksport ng bigas, ay tumigil sa pag-eksport. Kailangan lamang tuparin ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang mandato nito na pagkontrol ng pag-eksport ng asukal upang tiyakin ang lokal na suplay.

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes