Pinoy Weekly

Pahirap hanggang sa pag-uwi

Siyam na inabusong caregiver mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang nakauwi noong Enero 31. Ipinananawagan nila ang kagyat ng pagpapauwi ng mahigit 30 pa nilang kasamahan. (Contributed Photo)

Siyam na inabusong caregiver mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang nakauwi noong Enero 31. Ipinananawagan nila ang kagyat ng pagpapauwi ng mahigit 30 pa nilang kasamahan. (Contributed Photo)

Matapos ang mahabang pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan, makakauwi na rin mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang mahigit 40 overseas Filipino workers (OFW) na biktima ng pang-aabuso.

Isa sa mga nakauwi noong Enero 31 si Teresita Appare, matapos ang halos apat na buwang hunger strike. Naninilaw ang kanyang mga mata, dahil umano sa gutom at sobrang pagkapagod. “Kaya lamang kami nakauwi, dahil sa aming pangungulit at pagmamakaaw sa gobyerno,” aniya sa panayam ng Pinoy Weekly.

Pero hanggang sa pag-uwi, mukhang malabo nilang makuha ang hinahanap na katarungan. Biktima ng contract substitution at pang-aabuso, ilang buwang hindi pinasuweldo ang mga caregiver na ineempleyo ng Annasban Group of Companies. Nagtrabaho rin sila ng hanggang 16 oras sa isang araw.

Gayunma’y nangangamba silang walang mananagot sa paglabag sa kanilang mga karapatan. Pinapirma ng mga opisyal ng gobyerno ang mga OFW sa isang settlement na nagsasaad na hindi na sila maaaring makapaghabol pa sa kanilang reklamo. Kapalit nito ang tiket sa eroplanong gagamitin nila para makauwi, ayon sa kuwento ni Eppie Belarma, tumatayong pinuno ng mga naturang OFW, kay Garry Martinez na tagapangulo ng Migrante International.

Ibig sabihin, hindi na nila mapapanagot ang kompanyang nambiktima sa kanila kahit malinaw na lumabag ito sa kontrata.

Delubyong dinanas

“Alam naming napilitan ang mga OFW (na pumirma) para makawala na sa delubyong dinaranas nila sa loob ng kompanya,” sabi ni Martinez.

Nagsagawa ng hunger strike ang 42 kababaihang OFW simula noong Enero 12 para mabigyan umano ng pansin ng gobyerno ng Pilipinas ang kagustuhan nilang makauwi sa bansa. Huminto na rin sila paggawa noong Oktubre 2009, bilang protesta sa di-makatarungang pagtrato sa kanila.

Kuwento ni Appare, sa panahong naka-hunger strike sila, 14 sa kanyang mga kasamahan ang ikinulong sa isang bus at pinausukan ng mga tauhan ng kompanya sa loob ng apat na oras. Umano’y muntik na silang hindi makalabas nang buhay.

Nagsagawa ang mga caregiver at Migrante International ng isang press conference sa harap ng opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (Contributed Photo)

Nagsagawa ang mga caregiver at Migrante International ng isang press conference sa harap ng opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (Contributed Photo)

“Nakakapanggalit talaga ang gobyerno. Hinintay pa nila na magsakripisyo ng sobra ang mga caregiver,” ani Martinez.

Idinagdag ni Martinez na malinaw lamang na ipinapakita ng mga embahada, Overseas Workers’ Welfare Association (OWWA), at Department of  Foreign Affairs (DFA) na hindi talaga sila nagsisilbi para sa kapakanan ng mga migranteng Pilipino. Umano’y laging idinadahilan ng gobyerno ang kawalan ng pondo kaya’t hindi maasikaso ang pagpapauwi ng mga caregiver.

“Dapat inuuna nila ang proteksiyon at karapatan ng bawat OFW. Dapat manguna sila sa pagbibigay ng hustisya para sa caregivers sa Annasban,” aniya.

Samantala’y nagpahayag naman ng patuloy na paglaban ang mga naturang OFW at kanilang mga kaanak.

“Masaya kaming kasama namin ngayon ang aming mahal sa buhay, pero desidido kaming ipaglaban kung ano ang dapat para sa amin,” sabi ni Appare.

Gayundin ang ipinangako ni Benjie Alcabaza, asawa ng isa sa mga OFW. Naging aktibo si Alcabaza sa pananawagan sa radyo at maging sa mga pagkilos sa lansangan para mapauwi at mabigyan ng hustisya ang kanyang asawa.

“Nagkakasakit na rin ako, gayundin ang iba pang kaanak ng mga biktimang OFW, dahil sa labis na pag-aalala,” aniya.

Tinataya ng  Migrante na hanggang sa ikalawang linggo ng Pebrero pa makukumpleto ang pag-uwi ng mga caregiver.

Samantala, nagbabala ni Joy Flancia sa kanyang mga kasamahan na magiging mahirap ang pagkuha ng mga benepisyo mula sa OWWA, kahit sa kanilang pag-uwi sa bansa.

Kabilang sa naunang batch na nakauwi noong Setyembre 2009, kinuwento ni Flancia kung paano siya halos “magmakaawa” para lamang makuha ang katiting na tulong pinansiyal mula sa OWWA. Hanggang ngayon, hindi pa rin inaaprubahan ang kanilang livelihood loan.

‘Annasban dapat nang i-ban

Nauna nang nanawagan ang Migrante International na pagbawalan nang magrekrut ng migranteng Filipino ang Annasban.

Noong Oktubre 2009, tatlong magkakahiwalay na grupo ng mga OFW na nagtatrabaho sa Annasban ang huminto sa pagtatrabaho bilang protesta sa malubhang paglabag sa kanilang kontrata. Kabilang dito ang mas maliit na suweldo at mas mahabang oras ng paggawa kaysa sa nakasaad sa kontrata, at kakulangan ng iba pang benepisyo.

Nasuspinde na mula 2005 hanggang 2008 ang kompanya dahil sa hindi magandang rekord nito.

Pero ayon sa Migrante, nakatanggap pa rin sila ng reklamo laban sa Annasban kahit sa panahong suspendido ito. Kasama rito ang reklamo ng 137 OFW sa limang magkakahiwalay na kaso, na kinabibilangan ng contract substitution at ilegal na pagpapalawig ng kontrata, gayundin ang labis oras na paggawa at pisikal na ang-aabuso.

Ang Annasban Group of Companies ay isang malaking kompanya na ngayo’y namamahala sa humigit-kumulang 800 manggagawang Pinoy sa Gitnang Silangan.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6096

Posted by on Feb 3 2010. Filed under Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes