Tortyur sa 43 health workers, umiigting


Nagpatuloy ang tortyur at interogasyon ng 43 doktor at health workers na nakadetine pa rin sa Camp Capinpin sa Taytay, Rizal. Ayon sa ulat ng Health Alliance for Democracy (Head), umigting pa ang pisikal at sikolohikal na tortyur sa mga ito, sa kabila ng bisita ni Leila de Lima, chair ng Commission on Human Rights […]

Nagpatuloy ang tortyur at interogasyon ng 43 doktor at health workers na nakadetine pa rin sa Camp Capinpin sa Taytay, Rizal.

Ayon sa ulat ng Health Alliance for Democracy (Head), umigting pa ang pisikal at sikolohikal na tortyur sa mga ito, sa kabila ng bisita ni Leila de Lima, chair ng Commission on Human Rights (CHR), noong Lunes na nagpatotoo ng tortyur na isinagawa ng mga sundalo ng 202nd Infantry Brigade ng Philippine Army sa mga detenido.

“Bukod sa sleep deprivation, nagaganap din ang tactical interrogation hanggang madaling araw, na naririnig ng mga kapwa nila detenido,” sabi ni Dr. Geneve E. Rivera, pangkalahatang kalihim ng Head.

Napag-alaman ang kanilang kondisyon ng mga kamag-anak na bumisita kahapon, Pebrero 9.

Incommunicado ng dalawang araw ang mga health personnel matapos arestuhin sa isang reyd noong Pebrero 6 sa compound ni Dr. Melecia Velmonte sa Morong, Rizal habang nagsasagawa umano ng health training na inisponsor ng Council for Health and Development at Community Medicine Development Foundation.

Pinagbibintangan ng Armed Forces of the Philippines ang mga inaresto na mga miyembro ng New People’s Army. Itinatanggi ito ng komunidad pangkalusugan at mga kaanak ng mga health worker, na nagsampa na ng petisyon para sa habeas corpus sa Korte Suprema.

Halos hindi makalakad ang isang lalaking health worker at namamaga ang kanan na braso nito nang bisitahin ng kanyang kamag-anak kahapon, ayon sa Head. Namamaga naman ang kanang tainga ng isa pang lalaking health worker at halos hindi marinig ang kanyang ina na bumisita rin.

Samantala, ipapakita sana ng isang babaing health worker ang mga pasa sa kanyang dibdib sa kanyang ina, nang pigilan at ibalik sa selda ng kanyang custodian.

“Dapat matigil na ang mga pang-aabusong ito!” sabi ni Dr. Rivera. “Lalong dapat na silang palayain at bigyan ng atensiyong medikal.”

Nababahala rin ang grupo sa umano’y posibleng pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga health personnel at pagmanupaktura ng pekeng ebidensiya laban sa kanila.

Iginigiit ng Head na itinanim lamang ang mga armas at pampasabog na diumano’y natagpuan sa compound ni Velmonte.

“Ito ang klase ng demokrasya sa ilalim ng gobyernong Arroyo, kung saan ang sistemang hudikatura ay ginagamit para sa pulitika. Ito ang Oplan Bantay Laya, kung saan pinapayagan ang AFP na magsilbing huwes, hurado, at tagapagparusa ng mamamayang Pilipino,” sabi ni Dr. Rivera.