Uncategorized

Ang pagkikipaglangkap at pakikilangkop ng Repertory Philippines (REP) at Philippine Educational Theater Association (PETA)


Postmodernismo na nga ang nananalaytay na ugat sa kasalukuyang daloy ng buhay sa lipunang ito at sa lahat ng sangay na namamahay sa espasyong ito. Hindi nga ba’t kung kailan lang, parang kahapon lamang, parang ilang taon lang ang nakakaraan, nang mataginting at lumulutang ang pagkakaiba ng Repertory Philippines, kilala rin sa tawag na REP […]

Postmodernismo na nga ang nananalaytay na ugat sa kasalukuyang daloy ng buhay sa lipunang ito at sa lahat ng sangay na namamahay sa espasyong ito.

Hindi nga ba’t kung kailan lang, parang kahapon lamang, parang ilang taon lang ang nakakaraan, nang mataginting at lumulutang ang pagkakaiba ng Repertory Philippines, kilala rin sa tawag na REP at Philippine Educational Theater Association, binansagan at pinaikli ring binyag na PETA?

Malinaw sa bawat isang kumpanya ang mga bisyon at misyon ng kani-kanilang paglikha ng bawat produksyong pang-entablado kabilang ang mga layunin at paglilingkod sa mga tagapanood ng mga ito.

Simula’t simula ay mga dulang nasusulat sa wikang Ingles ang ipinalalabas ng REP mula pa sa naglaho nang Rizal Theater sa Makati City, sa Insular Life Theater sa Ayala Avenue sa Makati City rin, sa Shangrila Plaza sa may Shaw Boulevard, sa Onstage sa Greenbelt.

Pinaninindigan ng REP na ito ang mukha ng tanghalan.

Samantala, ang itinatanghal naman ng PETA ay mga dulang Pilipino na nasusulat sa iskrip na Filipino.

***

Nang buhay pa si Zeneida Amador na siyang nagtatag ng Repertory Philippines kasama sina Baby Barreido, Celia Diaz-Laurel, Joy Virata at iba pa, sinabi niyang nakatutok ang kanilang teatro sa pagtataguyod sa mga dayuhang dula na klasiko at maging ang mga natatanging karapat-dapat, halimbawa’y mula sa Broadway.

Bagamat halatang pinatututsadahan niya ang PETA sa aming panayam sa kanya bilang katunggali sa pagpapalaganap ng kung ano ang diwa at kahulugan ng pagtitiyatro sa bansa, hindi tuwiran ang pagpuna niya sa paraan ng pagsasadula ng PETA.

Mararamdaman na noon ang tensyon at tunggalian sa pagitan ng dalawang higanteng dulaan sa Pilipinas.

“We want to cultivate world drama and show the best of the Western theater,” pahayag ni Zeneida, kilala rin sa tawag na Bibot ng mga panahong kinakapanayam namin siya.

***

Walang lantarang away ang REP at PETA pero sa paglalahad ng kanilang mga pamantayan at adhikain, mahihinuhang may pingkian ang dalawang grupo.

Para sa PETA, ang dula ay para sa pagmumulat ng sambayanan lalo na ng masa na bumubuo ng mas malaking porsyento ng mga tao sa lipunang Filipino.

Para sa bayan ang mga nilalaman ng mga dula at dila ng PETA, para sa paglaya ng inaaping anak-pawis o ng paghahanap ng katarungan sa isang mapang-aping lipunang ang namamayagpag at nagkokontrol ay ang iilang may kapangyarihan at naghaharing-uri.

Para sa pagkandili rin sa masa ang simulain ng PETA kaya ang pang-komunidad na kahalagahan ng dulaan ay pangunahin sa mga layon nito.

Para rin sa makabayang intensyon ang pedagogiya ng PETA at ang pagkontrol ng dayuhan o hindi nasyunalistang diwa ay walang puwang sa organisasyong ito.

***

Walang pakialam ang REP kung kolonyal ang kanilang pinaglilingkuran lalo na sa wika at sensibilidad na ipinamamarali ng mga piyesa nito sa tanghalan.

Kahit ngayon, mas nais ni Joy, ang isa sa mga kasapi sa lupon ng mga direktor nito, na isulong ang pagsulat ng dula sa wikang Ingles na makakatalo hindi man makakapantay sa mga obra ng mga bansang nagluluwal ng mga dulang banyaga, lalo na at Ingles upang maging pandaigdig ang dulang Filipino kabilang ang mga nagsasapuso at gumaganap dito.

***

Samantala, hanggang ngayon, maka-Filipinong likha ang isinisilang ng PETA gayundin ang uri ng sensitibidad at sensibilidad ng mga miyembro nito.

Panlipunang mga isyu kabilang ang mga pulitikal na usapin at kultural na rikotitos at siyempre’y mga may lebel at sumasakop din sa iba’t ibang larangan ng buhay ang paksa ng mga orihinal na dila at dula ng PETA.

Bagamat umaangkat ng mga estilo at nilalaman sa mula sa ibang bansa, Kanluranin man o Silanganin, napapanatili ng PETA ang pagkandili sa karapatan ng bawat Filipino na maging pantay sa kanyang kapwa anuman ang relihiyon, klase ng ekonomikong pamumuhay, paniniwalang pulitikal at samot-saring perswasyon sa mga napapanahong talakayan kahit na halaw pa sa kasaysayan o obserbasyon sa kapaligiran.

May kinikilingan ang PETA sa pagsusog sa mga isyu lalo na at nakasalalay ang pagtataguyod sa higit na nakararami.

***

Gayundin naman ang pananaw ng REP dahil sa pangkalahatang konsiderasyon, ang pagturol sa tama ang higit nitong ipinamamalas sa publiko sa dayuhang dila at dula.

Malawak din ang sinasaklaw na pilosopiya ng samahang ito at mas malalim at mas madawag ding impluwensiya ang nais ilatag nito sa sangkatauhan.

Sa proseso ng kontradiksyon, mainit at makulay na balitaktakan ang umuusbong sa bawat himaymay at pitlag ng mga artistikong pananagutan at karapatan nito sa madla.

Kahit na sabihing elitista lang ang nakakatanggap at nakakaunawa kabilang ang mga propesyunal, sa mga sining nito, patuloy itong gumagawa ng papel sa larangan ng humanidad.

***

Pero propesyunalismo at makasining na mga paglayon ang malinaw na tahakin ng REP at PETA.

Ang kaekselentehan sa bawat dulang ipinamamalas ang puno’t dulo, ang simula at wakas ng kanilang eksistensiya sa negosyo at arte ng dulaan.

Sa anu’t anuman, hindi matitigatig ang mga disipulo ng bawat kampo sa paglilingkod sa kani-kanilang merkado taglay ang magkahiwalay man na mga landasin subalit sa isang sangandaan at hugpungan ay nagsasanib ang mga elementong pagsasaluhan para sa kalayaan, katarungan, kaligayahan at kasiningan ng bawat istasyon ng buhay-dulaan.

***

Ngayong mga panahong ito ay naghuhugpong ang mga landas ng PETA at REP lalo na sa pagdaraos ng ika-2 taon ng Philstage o Philippine Legitimate Stage Artists Group, Inc. Gawad Buhay Award.

Patunay ito na may puwang na ang bawat isa, kabilang ang iba pang kumpanya ng dulaan sa bansa gaya ng Tanghalang Pilipino, TRUMPETS, Musical Theater Philippines, Ballet Philippines, Ballet Manila at iba, sa pakikibahagi sa pagtanaw sa kung ano ang nararapat sa pag-usad ng teatro at mga sining ng pagtatanghal sa bansa sa gitna ng mahigpit na kompetisyon sa elektronikong mga midyum.

Nagpapahayag na si Virata ng kanyang kapahintulutan na makaganap sa mga dulang Filipino pero ang sabi niya ay ibigay ang iskrip sa kanya nang mas maaga para makapagmemorya siya ng kanyang mga linya sa Tagalog, isang lengguwahe na hindi pa siya sanay.

O ang mga taga-PETA ay maramihan na ring gaganap sa REP o ang mga taga-REP ay kuntodo na ring lalabas sa PETA o maghihiraman (at talagang naghihiraman na ang karamihan) ng mga artista ng bawat isa.

***

Ang sabi nga ni Fernando Josef, ang pangulo ng Philstage, imposible ang pagsasama noon ng mga taga-PETA at taga-REP sa isang okasyon pero mula nang itatag ang Philstage, nagsimula nang maging magkatuwang sa paglinang ng kultura ang mga ito.

Nais na ngang maging pambansa ni Fernando ang Gawad Buhay pero kulang pa sila sa lohistika at pundo.

Gayundin, ayon kay Audie Gemora, hindi tinatanggap noon ang pagsasanib ng PETA at REP pero ngayon ay maluwag na ang kalooban ng bawat isa sa kapakanan ng isa pa.

Narito ang kumpletong listahan ng mga nagwagi sa 2nd Gawad Buhay:

  • Best Ensemble Performance in Dance Production—The cast of BP’s “Masterworks”
  • Best Ensemble Performance in Musical Production—tie, the cast of PETA’s “Ismail at Isabel” and PETA”s “Si Juan Tamad, Ang Diyablo at Ang Limang Milyong Boto”
  • Best Ensemble Performance in Play Production—The cast of TP’s “Madonna Grava ng Mindanao”
  • Best Musical Composition—Vincent de Jesus (PETA’s Si Juan Tamad, Ang Diyablo at Ang Limang Milyong Boto”
  • Best Musical Direction—Gerard Salong (REP’s “Sweeney Todd”)
  • Best Set Design—Tuxqs Rutaquio (TP’s “A Streetcar Named Desire”)
  • Outstanding Lighting Design—Katsch Catoy (BP’s “Neo Filipino”)
  • Best Costume Design—Gino Gonzalez (BP’s “Neo Filipino”)
  • Best Sound Design—Aries Alcayaga (PETA’s “Saan Ba Tayo Ihahatid ng Disyembre?”)
  • Best Male Featured Performance in a Dance Production—Lucky Vicentino (BP’s “Neo Filipino”)
  • Best Female Featured Performance in a Dance Production—Marian Faustino (BP’s “Neo Filipino”)
  • Best Male Featured Performance in a Musical Production—Marvin Ong (REP’s “Sweeney Todd”)
  • Best Female Featured Performance in a Musical Production—Liesl Batucan (REP’s “Sweeney Todd”)
  • Best Male Featured Performance in a Play Production—Dido de la Paz (REP’s “Portrait of the Artist as Filipino”)
  • Best Female Featured Performance in a Play Production—Peewee O’Hara (TP’s “Mga Mansanas sa Disyerto/Apples from the Desert”)
  • Best Translation or Adaptation—Alice Reyes (BP’s Amanda in “Neo Filipino”)
  • Outstanding Original Libretto—Vincent de Jesus (PETA’s “Si Juan Tamad, Ang Diyablo at ang Limang Milyong Boto”)
  • Best Original Script—Tony Perez (PETA’s “Saan Ba Tayo Ihahatid ng Disyembre?”)
  • Best Choreography for a Play or Musical—Carlon Matobato (PETA’s Ismail at Isabel”)
  • Best Choreography for a Dance Production—Augustus Damian III’s “Evacuation” (BP’s “Masterworks”)
  • Best Male Performance in Dance Production—Ronelson Yadao (BP’s “Neo Filipino”)
  • Best Female Performance in Dance Production—Candice Adea (BP’s “Neo Filipino”)
  • Best Male Lead Performance in Musical Production—Audie Gemora (REP’s “Sweeney Todd”)
  • Best Female Lead Performance in a Musical—Menchu Lauchengco-Yulo (REP’s “Sweeney Todd”)
  • Best Male Performance in a Play—Lex Marcos (PETA’s “Saan Ba Tayo Ihahatid ng Disyembre?”)
  • Best Female Performance in a Play—Shamaine Centenera Buencamino (TP’s “Madonna Brava ng Mindanao”)
  • Best Stage Direction—Nonon Padilla (PETA’s “Saan Ba Tayo Ihahatid ng Disyembre?”)
  • Best Dance Production—it’s a tie between BP’s “Masterworks” and “Neo Filipino”
  • Best Musical Production—PETA’s “Si Juan Tamad, Ang Diyablo at ang Limang Milyong Boto”
  • Best Play production—PETA’s “Saan Ba Tayo Ihahatid ng Disyembre?”