Uncategorized

Kulay orange ang concert ni Willie Revillame sa MOA


Ngayon ay masasabi muling hindi pigtal ang showbiz at pulitika sa isa’t isa at naganap ito sa Mall of Asia concert grounds kamakailan ang magtanghal si Willie Revillame ng kanyang “Wowowillie meets Rockatropa (Konsyerto para sa Bayan).” Bago ang palabas, dalawa ang imbitasyong natanggap namin kaugnay ng pagtatanghal. Ang una ay mula sa peryodistang si […]

Ngayon ay masasabi muling hindi pigtal ang showbiz at pulitika sa isa’t isa at naganap ito sa Mall of Asia concert grounds kamakailan ang magtanghal si Willie Revillame ng kanyang “Wowowillie meets Rockatropa (Konsyerto para sa Bayan).”

Bago ang palabas, dalawa ang imbitasyong natanggap namin kaugnay ng pagtatanghal.

Ang una ay mula sa peryodistang si DJ Lazaro at ang ikalawa ay mula sa aking patnugot sa ABS-CBN news on line na si Trina Lagura. May mga tagapag-imbita ang konsyerto mula sa hanay ng produksyon.

At nanggaling sa iba’t ibang koneksyon ang paanyaya na kung iisipin ay malaki ang networking nito.

At mukhang hindi lang mga taga-showbiz ang inimbitahan nila.

***

Nang pumasok na ako sa MOA concert grounds, nakaraan naman ako nang hindi sinisita.

Pero may mga ID tag ang karamihan na nakasabit sa kanilang mga leeg.

At take, note, ang kulay ng ID—production staff man, media o security—ay orange.

Nang hapon pa ay nag-aanyaya na si Willie sa kanyang “Wowowee” na manood ng kanyang concert na libre sa MOA.

Idinagdag niyang kukulayan ng orange ang buong lugar.

Teka, anong ibig sabihin nito?

Magwa-one-plus-one ka dahil heto si Revillame, numero unong tagapag-endorso ni Manny Villar sa pagkapresidente ng bansa at ang lutang na lutang, simbolikong kulay ni Villar ay tangerine kaya ano pa nga ba ang ibig sabihin nito.

Kaya hindi na ako nagtaka kung pulitikal ang pagtatanghal na ito dahil ang pagiging pulitikal at pagiging kultural kaya walang sagabal sa obserbasyon sa ngalan ng sentimiyento at pintig ng pagtatanghal na ito.

Walang bago, sa totoo lang.

***

Sa loob ng concert grounds—ang puwesto kung saan nasa likod ng entablado ang mga panauhin na karamihan ay naka-t-shirt ng orange o kaya naman ay naka-pang-itaas na orange.

Basta naka-orange ang mga babaing nakaupo sa mono block chairs sa paligid na tabi ng tanghalan.

Samantala, kumakanta si Cristine Reyes nang dumating ako at pagkatapos niyang umawit ay tinawag naman nina Randy Santiago at John Estrada, kapwa hosts ng gabing ‘yon, si Andrew E.

Ayon kay Andrew, sa pagitan ng kanyang kantang rap, mga one hundred thousand people ang nandoon sa kanyang harapan na mga nakatindig lang sa ilalim ng pusikit na dilim.

Ayon naman sa isang sekyu, nang hapon ay mga trenta mil ang mga nandoong tao sa audience pero habang lumalalim ang gabi ay nadaragdagan.

Sinabi naman ni Reyma Buan Deveza, isa sa mga peryodistang pampelikula ng ABS-CBN news on line na kasama ng Star Patroller ng “Star News” ng “TV Patrol” ng Channel 2 na si Ginger Conehero, na humigit-kumulang sa limampung libo katao ang sumaksi sa pagtatanghal.

Naghahabol lagi ng mga biswal at maiinterbyu si Ginger para sa kanyang segment sa TV show.

Ayon kay Reyma, bigla na lang siyang niyakag ni Ginger para mag-cover ng event nang paalis na siya sa ABS-CBN para umuwi ng bahay.

Kaya ‘yan, nasa MOA na rin si Deveza at naghahanap ng istorya para sa kanyang mga espasyo sa webcast.

***

Hindi nawala ang maraming peryodistang pampelikula sa concert tulad nina Erlinda Rapadas T., Reegee Bonoan, Benjie Felipe, Liza Endaya, Rommel Placente, Beth Galena, Chanchan Torres, Ador Saluta at marami pang iba.

Ang sabi sa akin ni Reyma ay dapat kumuha ako ng ID para hindi na ako mahirapang magpaikut-ikot sa loob ng backstage at nang hindi na ako sinisita ng mga guwardiya.

Si Erlinda ang nag-endorso sa akin na bigyan ako ng ID ng isa sa mga miyembro ng press accreditation at nabigyan naman ako ng isang babaing may hawak na paper bag at habang amy dinudukot siya rito at iniabot niya sa akin ang ID na karton na may nakaimprentang “Wowowillie meets Rockatropa (Konsyerto para sa Bayan)” sa mas maraming kulay na orange na nakakabitan ng kulay-orange din na pansabit.

At inilawit ko na sa aking dibdib ang ID at libre na akong magpauli-uli sa kabuuan ng concert grounds.

***

Ipinakilala na nina Randy at John ang Kembot Girls.

At siyempre, kung nand’yan at umiindayog na ang Kembot Girls, hindi malayong nand’yan na rin sa likod ng entablado si Willie.

At siya na nga ang kasunod na tinawag ng mga emcee at binabanggit lang ang kanyang pangalan ay hindi na magkamayaw ang mga tao sa kahihiyaw at kasisigaw na sinasabayan ng pag-indak habang ang musika ng “Giling-Giling” ay umientrada habang gumigiling si Revillame.

Kasunod niya si Bentong na naka-orange din na t-shirt tulad ngkulay ng polo shirt ni Willie.

Marami pang kinanta si Revillame habang naghahagis ng mga jacket ng “Wowowee” sa mga tao at lalo pang nagkagulo ang mga ito sa pag-aagawan sa ipinamimigay ng komedyante.

Hindi pa nagkasya ay dinala ni Willie sa MOA ang “Bigatin” portion ng kanyang “Wowowee.”

Kaya nga ang lahat ay lalo pang naulol sa pagsali at kahit na naiipit na ang mga nais makapasok sa pa-hugis-T na daan sa ibaba ng entablado kung saan ginawa nang espesyal para makakamay at makalapit nang personal si Willie sa mga tao.

***

May isang nanay na kahit na nagkalasug-lasog ay walang pakialam bastat makasama siya sa iindayog at magkakamit ng premyo mula kay Willie.

May isang bading na hinugot ng mga security marshal mula sa siksikang tao pero hindi nawala ang malanding pag-pose ng bakla.

May isang matabang babae na halos mapisa pero hinugot at pinangko ng mga sekyu para lang maitawid mula sa kapal ng tao hanggang sa daan patungong entablado.

Ganyan kapopular at kamakapangyarihan ang presensiya ni Willie para sa mga naghihikahos at makatalamitam man lang siya kahit na konting sandaliu.

***

Maya-maya, habang kumakanta si Revillame ng mga love songs, pumapasok si Manny nang walang kaabug-abog kasunod sina Adel Tamayo at Gilbert Remulla.

Umupo si Villar sa isang monoblock chair na inilaan para sa kanya.

Nang maibulong na kay Willie at napansin din niyang nand’yan na si Manny, bastat desimulado lang ang TV host.

Parang ang drama ng gabing ‘yon ay walang pagbanggit nang pormal o kaya’y tahasang parang nangangampanya para kay Manny.

Kaya nga kahit ang mga nagtanghal na sina Sarah Geronimo, Valerie Concepcion at ang mga paslit mula sa mahirap na Baseco at San Juan at ang mga iskolar ni Villar ay walang sinambit na pangalan ng kandidato sa pagkapangulo ng Pilipinas.

Tanging si Willie lang ang nagpapaalala at nagsasalita nang pagkaikli-ikli kung papuri man o pagkilala tungkol kay Villar pero halatang nag-uumapaw sa pananabik at kaligayahan ang komiko sa pagpapahaging sa kanya at sa mga nagawa nito o gagawin para sa kanyang mga kababayan.

***

Sa panayam kay Manny, sinabi niyang sinadya niyang huwag prumonta sa madla at nagkasya na lang siya sa pagkuha ng kamera sa kanya at itutuhog sa higanteng screen na nakasabit sa tigkabilang sulok katabi ng entablado.

Hindi nga naman pilit na pulitikal ang pagtatanghal pero pulitikal pa rin hindi ito masamang pulitikal dahil maganda ang pulitika kung gagawin lang ang tama sa mga rekotitos nito.

Ang nagsalita lang ay si Camille Villar, ang anak ng senador na siyang prodyuser ng show.

Nagtanghal din ang mga bandang Bamboo, Kamikaze, Sandwich, Parokya ni Edgar at Juan de la Cruz Band.

E, ano naman, Willie, kung pulitikal ito?

Gayunman, alam niya ang batas ng Comele tungkol sa pag-i-endorso ng mga entertainer na tulad niya sa mga kandidato.

Pulitikal na kilos din naman ‘yan kahit na hindi hayagang pangangampanya.