Paghihiwalay ng publiko at pribadong buhay ng mga atleta, posible nga ba?
Iba nga marahil ang atletang nakikita sa isinasapublikong palaro. Iba na ang kanilang entablado dahil mas malaking publiko ang nakasubaybay sa kanilang pakikipagsapalaran. At mas madalas, labas pa sa palakasan ang interes ng kanilang tagasubaybay. Maaari, pinangangalagaan nga ng mga kumakatawan sa mga atleta – ang asosasyon na kanilang pinaglalaruan, at marahil kasama ang kanilang […]

Iba nga marahil ang atletang nakikita sa isinasapublikong palaro. Iba na ang kanilang entablado dahil mas malaking publiko ang nakasubaybay sa kanilang pakikipagsapalaran. At mas madalas, labas pa sa palakasan ang interes ng kanilang tagasubaybay.
Maaari, pinangangalagaan nga ng mga kumakatawan sa mga atleta – ang asosasyon na kanilang pinaglalaruan, at marahil kasama ang kanilang PR person – ang kanilang imahe at integridad sa publiko. Ngunit nagiging represibo rin ang mga kinatawan ng sports association, lalu na kung kailangan pa nilang gumawa ng paraan upang hindi magkaroon ng sanction ng mas matataas na sports association.
Nitong Winter Olympics na ginaganap sa Vancouver, umuwi ang isang bronze medalist at hindi na makikita ang closing ceremony ng palaro. Ang isyu: naglipana ang litrato niya na nagdiriwang, at hinahalikan ng isang babae ang kanyang medalya, habang nakalawit ito sa ibaba ng baiwang.
Nagpahayag ang United States Ski and Snowboard Association (USSA) na umuwi ang snowboard halfpipe bronze medalist na si Scotty Lago sa kanyang sariling desisyon, ngunit hindi sang-ayon ang ilan laluna sa source na nakuha ng ilang news services. Humantong na sa pagbibigay ng kanyang paumanhin, ngunit hindi pumayag ang USSA na manatili pa si Lago. Ang press release nila, umuwi siya ng taos-puso. Ngunit ayon sa sources ng news services, binigyan siya ng dalawang pamimilian: umuwi at makipaglaro sa pulitika ng palaro, o sumailalim sa paglilitis at matanggal nang pormal sa palaro. Siyempre, inisip na ng manlalaro ang kanyang magiging paglahok sa susunod na mga taon.
Maaalalang halos parehas ng sinapit ni Lago ang nadanas ni Michael Phelps nang kumalat ang kanyang litratong humihithit ng marijuana. Matapos ang publikong pagpapaumanhin niya, hindi naman siya binawian ng kanyang mga gintong inani sa nakaraang Olimpiyada. Bagkus, umani siya ng mga kritisismo sa midya hanggang sa madla.
Isang linggo matapos umuwi ni Lago, nang tanungin siya ukol sa selebrasyon na ginawa ng Canadian women’s hockey team, kung saan humilata pa sa ice rink ang mga manlalaro matapos ang kanilang tagumpay, at may alak at tabako pang kalahok, natawa siya. Ngunit nang sinabing tumulong pa ang Canadian Olympic Committee sa pagdiriwang na iyon, lalo niyang ikinatatwa ang nangyari sa kanya. “They should’ve had my back a little bit,” ani Lago “Yes, I was not representing my country right at the time (Noong nakunan siya ng litrato na ikinabunsod ng pagpapauwi niya). It’s not like I did it before the contest or leading up into it. I was on my best behavior and all that. I achieved one of the greatest things I ever have, and I wanted to celebrate. I wish they would’ve had my back a little more like Canada.”
Sa situwasyon ni Lago at ng Canadian women’s hockey team, bagaman parehas na liberal ang pagsasagawa, dalawang mukha ng pagdiwang ang maaaninag: Isang nakondona ng kanilang asosasyon at pinangatawanan nag paghingi ng paumanhin, at isang itinago ang tunay na mukha ng kasiyahan sa pagkakapanalo kapalit ng hindi maparusahan ng mas mataas na kinatawan ng palakasan.
Maraming atleta na ang dumaan sa ispekulasyon ng madla na sumusubaybay sa kanila. Bukod pa sina Tiger Woods na gumulo ang pinagsamang publiko at pribadong buhay dahil sa napabalitang pakikipagrelasyon nya sa ibang babae bukod sa kanyang asawa. Hindi na bago ito: dumaan na rin si Michael Jordan at Kobe Bryant sa ganitong eskandalo.
Iba pa rin ang sinasapit ng mga atletang nasangkot sa mga tinitignan na kahiya-hiyang pagkilos, at nakakaapekto ito sa kanilang paglalaro. Sa Philippine Basketball Association (PBA) lang, dinanas ng mga tulad ni Wynnie Arboleda at Marlou Aquino ang pagsasalba sa kanilang imahe nang makipag-pangabot sa mga manonood sa kanila sa live game, at nakita ng mas marami pang sumusubaybay sa kani-kanilang bahay dahil sa pagsasatelebisyon ng laro. Maaari, malinaw ang patakaran nila sa pagdinig ng kaso at pagpapataw ng piyansa sa mga lumalabag sa alituntunin ng liga. Ngunit malaki pa rin ang epekto nito sa imahe ng manlalaro.
Iba pa rin ang mga dinaranas ng mga atletang nasa labas na ng palaruan. Dahil pampubliko na ang kanilang katauhan, madali silang maging biktima ng kantiyaw kapag nasangkot sa mga di-magandang kaganapan Tulad na lang ni Rudy Distrito na sumailalim pa sa kaso nang makapatay siya sa Estados Unidos – at hindi pa nga dahil sa pambabalya sa laro ang dahilan. O sa kontrapunto, ang naging takbo ng buhay ni Gilbert Arenas ng Washington Wizards nang mahulian siyang may puslit na baril sa kanyang sasakyan. Hindi naman siguro ganon kasama ang mga imahe nila bilang manlalaro kung ikukumpara sa mga ikinilos ni Mike Tyson, o kahit ni Rolando Navarette.
Maaaring dehado ang mga atleta sa ganitong mga situwasyon. Naisasapubliko na kasi, at humihina ang pundasyon ng kanilang pribadong buhay sa madla, at hindi na naaalintana ang tagumpay na naabot nila sa kanilang isport. At sa pagsasapubliko ng kanilang mga pribadong pag-aasam – sa loob man o labas ng palaruan, panahon nga siguro ang nagbubura sa pagaalipustang sinasapit ng mga atleta.