Pinoy Weekly

Sahod lalong mapapako kapag naging House Espiker si Arroyo -KMU

Nakaamba ang mas mahabang pagkapako ng sahod ng mga manggagawa o wage freeze kapag naipuwesto bilang House Espiker si Gloria Arroyo, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ito ang reaksiyon ng militanteng sentro ng paggawa sa pahayag ni Gob. Ben Evardone ng Eastern Samar na may sapat na bilang na mga tagasuporta ang pangulo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para maupong House Espiker.

Isa si Evardone sa pinakamalapit na alyado ni Pangulong Arroyo, na tumatakbo bilang kinatawan sa ikalawang distrito ng Pampanga.

“Malagim na senyales ito ng mas pinahabang wage freeze at tanggalan para sa mga manggagawa. Mapanganib na indikasyon ang mga iskemang ito ng mas mahabang kalbaryo para sa mga Pilipino,” ani Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Lumahok ngayong araw ang KMU sa martsa ng iba’t ibang maralitang sektor patungong Mendiola para tutulan ang pananatili sa kapangyarihan ni Arroyo nang lampas sa Hunyo 2010.

Ipinaalala ng grupo na mula noong Hunyo 2008, nakapako ang sahod sa lahat ng rehiyon ng bansa, kahit pa sumirit ang presyo ng batayang mga bilihin. Kaya umano malayo ang agwat ng minimum sa sahod sa pang-araw-araw na gastuhin.

“Halimbawa sa National Capital Region, nasa P382 lamang ang minimum na sahod habang nasa P917 ang daily cost of living o ang kailangan para mabuhay ng isang pamilya,” sabi ni Labog.

Mula nang maupo sa puwesto si Arroyo noong 2001, walang naging pambansang pagtaas ng sahod, kundi idinadaan ng gobyerno sa “barya-barya” at “kalat-kalat” na pagtaas ng sahod sa pamamagitan ng Regional Wage Boards, ayon pa sa KMU.

Samantala, sinabi naman ni Anakpawis Partylist Rep. Joel Maglunsod na mula noong ika-13 Kongreso, nanguna ang mga kaalyado ni Arroyo sa pagbasura ng panukalang batas para sa P125 dagdag-na-sahod. Hindi rin ito sinertipika ni Arroyo bilang prayoridad ang panukalang batas na ihihapag ni yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran.

“Mariing tinututulan ng mga manggagawa at mamamayan ang ideya ng pagkakaroon ng isang House Espiker Gloria Arroyo. Ipinapakita ng kanyang rekord na niratsada niya sa Kongreso ang maraming iskema na nagpaliit ng tunay na halaga ng sahod ng mga manggagawa, kabilang ang Extended Value Added Tax,” dagdag pa ng mambabatas.

Ipinanawagan din ng Anakpawis ang diskuwalipikasyon ng ilang “pekeng” party-list na dikit sa Malakanyang, gaya ng Ang Galing Pinoy na nominado ang anak ng pangulo na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo.

“Ang pagpasok nila sa Kongreso ay magbubunsod ng mas malaking pangkatin na haharang sa mga panukalang batas na lubhang kailangan ng mga mamamayan,” ani Maglunsod.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6755

Posted by on Mar 26 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes