Vilma Santos, tumanggap ng Best Actress Award mula sa mga guro
Sampu sampera na ang mga award-giving bodies sa showbiz.
At dahil nasa malaya nga tayong bansa at lipunan kaya may karapatan ang bawat isa na magbigay ng parangal sa kahit na sino kahit na saan at kahit na kailan.
Sa showbiz na lang ngayon, ilan na ang nagagagawad ng parangal sa pelikula?
Sa pelikula lang ‘yan, ha.
May Famas at ang humiwalay na grupo mula sa institusyong ito, ang Maria Clara Awards na noon pa naitatag ng mga unang taon ng 1950s bago ang Famas pero ang mas naging opisyal na grupo ay ang Famas dahil ipinagpatuloy ng mga kasapi at opisyal nito ang pagpaparangal mula noong 1952.
Sumulpot ang Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino noong 1976 na itinatag ng intelektwal at mga may kamalayan panlipunan.
Ang MPP ang naging reaksyon sa Famas.
Nang mabuo ang Film Academy of the Philippines, nagbigay ang akademya ng Academy Awards na hinulma sa Oscar Awards.
Pagkatapos ay nakaisip ang Simbahang Katoliko na maghatag ng awards sa pelikula sa pamamagitan ng Catholic Mass Media Awards.
***
Noon namang mga unang taon ng 1980s ay itinatag ni Oskee Salazar ang Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club.
Ito ay parang lokal bersyon ng Golden Globe Awards sa Hollywood na ang mga movie reporter sa Amerika na mga dayuhan at Amerikano mismo ang nagbibigay.
Nang mamayani ang tinatawag na demokratikong espasyo pagkatapos ng EDSA Revolution, nagsulputan pang parang mga kabute ang iba’t ibang award-giving bodies sa obrang pampelikula gaya ng Young Critics Circle na kapisanan ng mga kritiko mula sa akademya lalo na mula sa UP at Ateneo.
Naunang pangalan nito ang Kritika pero ginawang YCC kinalaunan.
***
Itinatag din ang Pasado na organisasyon ng mga guro sa iba’t ibang paaralan sa Kamaynilaaan ang mga kasapi pero pagkatapos ng ikatlong taon ay umalis ang tagapagtatag nito na si Dr. Romeo Flaviano Lirio at bumubo ng bago, ang Gawad Tanglaw o Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw.
Nag-alsa balutan ang ilang miyembro ng Philippine Movie Press Club at nagtayo ng kanilang bagong samahan na naghahatag din ng mga parangal, ang Enpress o Entertainment Press Society, Inc. na naggagawad ng Golden Screen Awards.
Ang Academy Awards ay pinalitan ang pangalan at ginawang Luna Awards.
Ngayon, pati ang Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB ay namimigay na rin ng awards.
Pati ang mga eskuwelahan sa iba’t ibang dako ng kapuluan ay sumali na rin sa paggagawad ng mga karangalan sa magagaling sa pelikula.
***
Hindi pa nagkasya, pagkatapos na mamatay ng Patas na kilala sa kapani-paniwalang pagpili sa mahuhusay sa telebisyon noong mga huling bahagi ng 1970s ay nagbigay ang PMPC ng Star Awards for Television.
Ngayon ay may mga bahagi at komposisyon din ng telebisyon ang Enpress at ang Gawad Tanglaw.
May AnakTV pa ngayon.
Kanya-kanyang drama.
Pero kailangan bang pagkarami-rami ng awards group na hindi na maintindihan ng mga tao kung ano at alin ang paniniwalaan o ang tingin lang sa mga ito ay pag-iipon ng mga artista para parangalan?
Ano talaga ang mga solidong pundasyon ng bawat award-giving body para makapagbigay ng parangal?
Anu-ano ang mga teoriya o pilosopiya na nakalaan bilang pamantayan ng isang awards group?
Sapat na bang nagbalitaktakan lang nang sumandali sa mga pelikulang pinagdidiskusyunan sa deliberasyon o kailangang mas mahaba at mas matagal ang talakayan sa kung ano ang mga merito at umaayon ba ang bawat panalo sa pag-unlad at pag-usad ng buhay sa lipunang ito?
***
Ang ganitong katanungan ay maaari ring ibato sa lahat kabilang ang kapagbibigay lang na Gawad Tanglaw.
Si Vilma Santos ang hinirang na Best Actress samahang ito para sa pelikulang “In My Life” ng Star Cinema samantalang nagtabla sa Best Actor sina John Lloyd Cruz para sa “In My Life” at Allen Dizon para sa “Dukot” ng ATD Entertainment.
Samantala, Best Supporting Actress naman si Maria Isabel Lopez sa dalawang pelikula para sa “Kinatay (The Execution of P)” ng Centerstage Productions at Swift Productions at “Tulak” ng Exogain Productions samantalang nag-tie sa Best Supporting Actor sina Luis Manzano para sa “In My Life” at Roderick Paulate para sa pelikulang “Ded na si Lolo” ng APT Entertainment.
***
Bagamat sa mga indibidwal na pananaw ay may ginamit na panukat ang mga miyembro ng Gawad Tanglaw, walang pangkalahatang pamantayan na isinapubliko para sukatin ang bawat pelikula sa iba’t ibang kategorya.
Ano ang kritikal na gulugod na ginamit ng Gawad Tanglaw sa pagpuna at paghimay sa mga elemento ng isang pelikula?
Ang bawat rebyuwer ay kailangang may malalikm at malawak na teoriyang kritikal anuman ang mga impluwensiyang ‘yon o maaaring maghalayhay at mag-imbento ng mga panukat ang bawat kasapi at sa kabuuan o kalaunan ay may pangkalahatang parametro na ginagamit para sa pagpili sa mga nilalaman at pamamaraan ng bawat pelikula.
Maraming nagkalat na mga kaalaman at karunungan sa pagsipat sa pelikula bilang sining, produktong pansining, pangkomersyo, pampilosopiya, pang-ekonomiya, pangteknolohiya, panlipunan, pampulitikal at iba pang sangay ng buhay sa lipunang ito dahil ang pelikula ay produkto ng isang pangkasaysayang bahagi ng bawat inog ng mundo at sa partikular, sa pandaigdig at panlipunang nasasakop nito gayundin sa personal na pakikipag-ugnayan sa higit na nakararami.
***
Dumalo sa pagtitipon si Vilma kasama ang iba pang may kaugnayan sa proyektong “In My Life.”
Sabay na dumating si Santos kasama sina John Lloyd, Luis, direktora Olivia Lamasan at ang katulong sa produksyon na si Tess Fuentes.
Ayon kay Vi, ikalawang pagtanggap na niya ng parangal mula sa Gawad Tanglaw at ang una’y mula sa “Dekada ‘70” ng Star Cinema.
Inihahandog ng aktres ang kanyang karangalan sa lahat ng nagmamahal sa kanya.
Walang kalaban ang Star for all Seasons sa pagkakataong ito kundi solong-solo niya ang karangalan.
Ayon sa kanya, aariin niyang malaking kontribusyon sa kanyang pag-aartista ang parangal na ito.
Samantala, nais ni Cruz na magpatuloy ng pag-aaral at gusto naman ni Luis na magka-award muli siya dahil sa hosting lang siya nananalo.
***
Mangiyak-ngiyak naman si Maria Isabel sa pagtanggap ng kanyang medalya ng karangalan.
Kasi nga’y hindi lang isa kundi dalawa ang kanyang karangalang nakamit kaya siya anya ay vindicated na sa lahat ng masasamang akusasyon laban sa kanya.
Mula nang malaman niyang kambal ang kanyang panalo sa Gawad Tanglaw ay hindi na siya mapagkatulog dahil saan nga ba siya susuling pa ngayong napatunayan niyang tunay siyang aktres.
***
Sinabi naman ni Roderick na sa entablado ring ‘yon ng JRU siya napagkalooban ng karangalang Most Outstanding Student ng pamantasan kung saan siya nag-elementarya at nagmataas na paaralan.
Si Allen naman bagamat sa De Ocampo Memorial Schools nagkolehiyo ay sanay na sa mga pagtitipong pang-akademya.
Kaya nga sa kanyang pagtanggap ng medalya ay inihandog niya ito sa mga Rizalians ng JRU.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6514













