Pinoy Weekly

Dagdag-sahod, itinutulak na pangontra sa pagtaas ng presyo at tagtuyot

Kailangan ang makabuluhang dagdag-sahod sa buong bansa para makontra ang epekto ng matinding tagtuyot at sunud-sunod na pagtaas ng mga presyo, giit ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at Anakpawis Party-list.

Nagsagawa ang mga grupo ng rali sa Mendiola noong Abril 9 para tuligsain ang umano’y kawalang-aksiyon ng gobyernong Arroyo sa matagal nang panawagan ng mga manggagawa para sa P125 dagdag-sahod.

“Napatunayan nang mas mabilis ang pagtaas ng presyo sa pagtaas ng sahod,” sabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Ipinunto ng grupo na nagpatupad ang Manila Electric Power Co. ng dagdag na P2.20 kada kilowatt hour sa singil nito sa kuryente sa nakaraang dalawang buwan.

Samantala, apat na beses na ring nagtataas ang mga kumpanya ng langis ng presyo simula Marso.

Nagtaasan na rin ang presyo ng pagkain, lalo na ang mga produktong agrikultural, dahil sa mga suliranin sa suplay dulot ng matinding tagtuyot sa maraming rehiyon.

Sa kabila nito, ayon sa KMU, nakapako ang minimum na sahod sa lahat ng rehiyon sa antas ng 2008.

Binatikos naman ni Anakpawis Partylist Rep. Joel Maglunsod ang pagbara ni Arroyo sa mga pagsisikap na ipasa ang House Bill 345, na magsasabatas sana ng P125 dagdag-sahod sa bansa, sa pamamagitan ng mga alyado nito sa Kongreso.

“Bahagi ng kontra-manggagawang rekord ni Arroyo ang kanyang lantarang pagtutol sa pagpasa ng HB 345,” aniya.

Inaprubahan ang nasabing panukalang batas sa ikatlong pagbasa pero pinaatras sa antas-komite.

Hinamon din ng mambabatas ang mga kandidato na ilahad ang kanilang posisyon sa isyu ng dagdag-sahod at iba pang usapin ng paggawa.

“Dapat magpakita ang mga kandidato ng kongkretong plataporma sa paglikha ng trabaho at matagalang pag-unlad…Ngayong eleksiyon, dapat maging mahusay ang mga manggagawa sa pagpili ng mga iboboto,” sabi ni Maglunsod.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6915

Posted by on Apr 10 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes