Kalayaan mula sa gutom at lason

Pagsasaka ng palay: naaapektuhan dahil sa matinding paggamit ng pestisidyo. Kalakhan ng mga palay na dinedebelop sa IRRI ay nangangailangan ng pestisidyo. (Karl Castro)
Itinayo noong 1960, layunin ng IRRI o International Rice Research Institute na mabawasan ang kagutuman sa mundo, matiyak na ang produksiyon ng palay ay matatag at sustenable, may maliit na negatibong epekto sa kalikasan at makakasabay sa pagbabago ng klima. Layunin din nitong pabutihin ang nutrisyon at kalusugan ng mahihirap na konsiyumer ng bigas at mga magsasaka.
IRRI ang itinuturing na pangunahing sentro sa larangan ng pananaliksik sa palay. Ipinagmamalaki nito ang makabagong mga pasilidad at siyentista na naglalayong pataasin ang produktibidad ng palay at imodernisa ang agrikultura sa Asya.
Pero 50 taon matapos ang pagkakatatag nito, iba ang pagtingin ng mga magsasaka, na siyang pangunahing kliyente ng IRRI. Sa ika-50 anibersaryo ng naturang institusyon, nais ng mga magsasaka na ipasara na ang IRRI.
Protesta ng Asya
Tinatayang sanlibong magsasaka, agrikulturista, siyentista at mga estudyante mula sa Pilipinas at ilang bahagi ng Asya ang nagprotesta kasabay ng board meeting ng IRRI sa Los Banos, Laguna nitong Abril 12, 2010. Kasabay nito ang kulminasyon ng kampanyang Yora o Year of Rice Action na kinabibilangan ng Pilipinas, Malaysia, India, Sri Lanka, Indonesia, Nepal, Laos PDR, Cambodia, Thailand, Bangladesh at Pakistan.
Layunin naman ng Yora na protektahan ang tradisyunal at katutubong mga klase ng palay laban sa genetically-engineered na klase na itinataguyod ng IRRI at ilang agro-chemical na korporasyon tulad ng Monsanto, Syngenta, Bayer, Dow AgroSciences at BASF.
Mga Asyano ang nagpoportesta laban sa IRRI dahil palay ang pangunahing kinakain sa Asya na mayroong 700 milyong katao na kumikita ng mababa pa sa isang dolyar o mababa pa sa P50 kada araw. Palay rin ang pinagkukunan ng kabuhayan ng milyun-milyong maliliit na magsasaka na siyang nagpapakain sa mamamayan ng daigdig.
Ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, nais nilang iparating sa board of trustees ng IRRI na panahon na para pag-aralan ng naturang institusyon ang pag-iral nito.
“Dapat makinig ang board of trustees sa mga magsasaka na ang mga pananaliksik ng IRRI ay hindi pinakinabangan ng mga konsiyumer at mga magsasaka sa buong daigdig. Ang totoo, ipagdiriwang nito ang ika-50 anibersaryo sa gitna ng pandaigdigang krisis sa pagkain na halos 2.9 milyong katao na ang namatay dahil sa gutom.
Noong 1966, ipinakilala ng IRRI ang Green Revolution na nagpalaganap ng mga high-yielding varieties sa buong Asya. Layunin nito na sagipin umano ang Asya mula sa kagutuman at kahirapan. Pero kahit pa sinasabi ng IRRI na nadoble ang produksiyon ng palay sa rehiyon mula 270 milyong tonelada noong 1966 tungong 600 milyong tonelada noong 2000, ipinakikita naman ng ilang pag-aaral na noong taong 2000, tumaas ng 11 porsiyento ang kagutuman sa mundo simula noong Green Revolution. Ayon pa sa Food and Agriculture Organization, mayroong di bababa sa 963 milyong katao ang nagugutom noong 2008.
Ang KMP ay isa lamang sa nagkampanya ng Yora kasama ang Pesticide Action Network – Asia-Pacific (PAN AP), Resistance and Solidarity against Agro-chem TNCs at Masipag (Farmer-Scientist Partnership for Development) sa Pilipinas; Asian Peasant Coalition, Alliansi Gerakan Reforma Agraria sa Indonesia, All Nepal Peasants Federation, Tamil Nadu Women’s Forum sa India, Vikalpani sa Sri Lanka, at mahigit sampu pang organisasyon sa Asya.
Laban sa kemikal
Nais ng mga magsasaka sa naturang mga bansa na buwagin na ang IRRI para umano maisalba pa ang mga katutubong klase ng palay at mailigtas ang buhay at kalusugan ng mga magsasakang bulnerable sa nakamamatay na kemikal na ipinalalaganap ng IRRI, katulong nga mga transnasyunal na mga korporasyon.
Sa tala ng PAN AP, tinatayang 25 milyong magsasaka kada taon ang nalalason ng mga pestisidyo at pataba dahil sa mga kemikal na nilalangkap sa mga ito. Isinisisi rin ng grupo sa mga palay na inilalabas ng IRRI ang mga kalamidad sa kalikasan at kalusugan, pagkasira ng lupa at paglaganap ng mga peste tulad ng brown plant hopper.
1 2
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=6979













