Gobernador muli si Vilma Santos at ang iba pang mga artistang nananalo at natatalo sa nakaraang eleksyon
Nagsalita na ang sambayanan tungkol sa mga artistang kandidato sa nakaraang halalan at ang kanilang mga kapalaran sa pulitika ng lipunan sa loob at labas ng showbiz. Humataw pa rin si Joseph Estrada sa pagkapresidente ng Pilipinas pero bigo siyang makahabol kay Noynoy Aquino, ang ikinampanya ni Kris Aquino pero magrereklamo umano nang pormal ang […]
Nagsalita na ang sambayanan tungkol sa mga artistang kandidato sa nakaraang halalan at ang kanilang mga kapalaran sa pulitika ng lipunan sa loob at labas ng showbiz.
Humataw pa rin si Joseph Estrada sa pagkapresidente ng Pilipinas pero bigo siyang makahabol kay Noynoy Aquino, ang ikinampanya ni Kris Aquino pero magrereklamo umano nang pormal ang aktor dahil may mga iregularidad anya ang eleksyong automated.
Nag-concede na ang TV newscaster na si Loren Legarda kay Mar Roxas na asawa ni Korina Sanchez at Jojo Binay na dating meyor ng Makati City nina Maritess Revilla at Tina Revilla sa Dasmariñas Village.
Kung hindi ikatlo ay ikaapat sa pagka-bise-presidente si Edu Manzano na dali-daling umalis ng Kamaynilaan noon ding gabi ng eleksyon dahil sa mga unang bugso ng bilangan na hindi na siya nananalo.
Pangalawa sa kulelat si Jay Sonza sa pagka-pangalawang pangulo.
Nananalo sa pagkasenador sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, Tito Sotto at Lito Lapid at ito ay repleksyon ng popular na media na kanilang nilalagusan.
Pero natatalo sina Imelda Papin, Kata Inocencio at Alex Tinsay.
***
Samantala, naiproklama nang gobernadora muli ng Lalawigan ng Batangas si Vilma Santos at ang kanyang laging leading man na si Christopher de Leon ay nanalong bokal sa lalawigan ding ‘yon kaya laging magkikita sina Vilma at Christopher at ang kulang na lang ay kamera para sila ay mag-shooting sa probinsiya.
At sa mga huling sandali ng kampanya ay pinalitan ni Lucy Torres ang kandidatura ni Richard Gomez sa pagka-congressman ng Ormoc City sa Leyte at sa ginawang ito ni Lucy, panalo siya habang ang disqualification ni Richard ay inaabangan ng marami.
Panalo muli sa pagkakonsehala ng Tacloban City sa Leyte si Cristina Gonzales, ang ST at TF Queen na kilala rin sa tawag na Kring Kring Gonzales.
Masamang kapalaran ang sumapit kay Cesar Montano nang mabigo siyang sungkitin ang pagka-governor ng kanyang minamahal na Bohol.
***
Nagsasaya na si ER Ejercito dahil siya na ang bagong gobernador ng Lalawigan ng Laguna samantalang ang kanyang kapatid sa ama na si Gary Estrada ay nagwagi sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang kandidatura sa lokal na pulitika sa Lalawigan ng Quezon.
Hindi nga ba’t dalawang magkasunod na eleksyon na—2004 at 2007—na kumakandidatong alkalde ng San Antonio, Quezon si Gary pero hindi siya manalo-nalo hanggang yayain siya ni Quezon Governor Raffy Nantes na tumakbo bilang board member sa ilalim ng kanyang partido sa Ikalawang Distrito ng Quezon na kinabibilangan ng mga bayan ng San Antonio, Dolores, Tiaong, Candelaria, Sariaya at Lucena City at ‘yon nanginginig pa sa init ng pagkapanalo ang buong katauhan ni Estrada.
Pati na si Angelica Jones pagtakbo bilang bokal ng Ikatlong Distrito ng Laguna ay nanalo na sa kanyang ikalawang paglaban dahil kung luha ang kanyang itinangis noong 2007 na pakikipagtunggali sa mga kalaban, ngayon ay sumasalipawpaw ang kagalakan ni Angelica.
Naihaghag agad ni Beth Jones kay Obette Serrano ng ABS-CBN na ang kanyang anak ang hinirang na isa sa masusuwerteng tatlong bokal sa distrito.
***
Sa Pangasinan ay nananalo si Gina de Venecia, ang isa sa mga tagapagmana ng Sampaguita Pictures ng mga Vera at Perez, bilang kongresista ng lalawigan.
Nakataas naman ang noon ni Jose de Venecia na kanyang asawa sa tagumpay ng kanyang esposa.
Ang dating young star na si Maybellene de la Cruz ay nanalo ring konsehal sa Dagupan City sa Pangasinan din.
At si Daniel Fernando, aba’y nakadale bilang bise-gobernador ng Bulazan, isang posisyon na matagal na niyang inaasinta noon pa man.
Samantala, bigo si Juan Carlos Castro na maging konsehal sa San Francisco del Monte, Bulacan samantalang magaganda ang kanyang plataporma sa sining at kultura ng bayan.
Ayon sa peryodistang pampelikula na si Chito P. Alcid, nawalan nang gana si JC sa kanyang kabiguan pero patuloy naman ang buhay para sa pogi at machong aktor.
***
Sa Cavite, nadala ni Bong ang kandidatura ni Lani Mercado bilang congresswoman ng lalawigan.
Si Strike Revilla naman ay mayor uli ng Bacoor, Cavite samantalang nabigo si Bimbo Bautista na makuha ang pagka-pangalawang gobernador ng Cavite.
Gobernador pa rin ang asawa ni Andrea Bautista na si Jun Ynares ng Lalawigan ng Rizal.
Nabigo rin ang TV cameraman ng ABS-CBN at ABC o Associated Broadcasting Corporation o mas kilala ngayon na TV5 na si Ed de Guzman sa pagka-vice mayor ng Gabaldon, Nueva Ecija.
Samantala, ang dating bituing si Guia Gomez na isa sa mga kasintahan ni Erap ay nagwaging mayora ng San Juan samantalang reelectoinist si Darius Razon sa Mandaluyong City.
***
Sa Lunsod ng Quezon, matindi ang labanan sa pulitika at hindi nagkapalad si Aiko Melendez na maging vice-mayor pero umarangkada si Herbert Bautista bilang punong-siyudad ng lugar na ito.
Nabigo rin si Ara Mina na maging konsehala sa Quezon City kahit na nakasandal siya sa pulitikal na kapangyarihan ng mga Mathay.
Hindi rin ipinag-adya sa pagkatalo si Ogie Diaz na lumaban bilang konsehal.
Gayundin, talo sina Ricky Davao, Arnell Ignacio, Jaime Fabregas at Glenda Garcia pero nanalo naman sina Roderick Paulate, Alfred Vargas at Precious Hipolito.
Ayon kay Maria Isabel Lopez na disin sana’y kandidatong konsehala sa Kyusi, mabuti at maaga pa’y naiatras niya nag kanyang kandidatura.
Nagkampanya pa naman si Maria Isabel kay Glenda.
Nakakapanghinayang si Arnell dahil matagal na siyang nagnanais na makapalingkod-bayan pero hindi lagi napapagbigyan.
***
Sa Maynila, kontento sa laban si Isko Moreno dahil landslide siya sa botohan samantalang panalo rin ang mga bituing sina Yul Servo, Lou Veloso, Jr. at Robert Ortega.
Ayon kay Lou, mga programang pang-teatro ang kanyang ihahain ngayon sa mga mamamayan ng kanyang distrito sa Maynila upang makatulong na mailarawan at maintindihang lalo ang ibig sabihin ng buhay.
Mahalaga anya ang dula dahil salamin ito ng buhay at ang pagpapakita ng mga katotohanan sa lipunang ito ay makapagpapabago ng masamang sistema.
Inaasahan ni Veloso na sasama sa kanyang krusada sina Yul at Ortega.
Pinalitan na nga ni Lou ng Manila Mobile Theater ang kanyang Tanghalang Santa Ana bilang pagtalima sa layunin ng sining at arte na makapagbukas ng bagong pananaw sa mga tao, dukha man o may kaya.
Nagsasaya rin ang dating reyna ng Broadcast City noon na si Kitchie Benedicto dahil nasa magandang lagay ang kanyang mga pinsan sa La Union na kadugo rin ni Robert.
Sinawimpalad naman si Joey Marquez na maihalal muling alkalde ng Parañaque City.
***
Muli, kongresista ang action star na si Dan Fernandez sa Unang Distrito ng Laguna na kinabibilangan ng San Pedro, Biñan, Sta. Rosa at Cabuyao.
Itinumba naman ng tagapanagulo ng barangay ng Barangay Valenzuela sa Makati City na si Romulo “Kid” Peña sina Rico J. Puno at Jobelle Salvador bilang mga vice-mayor ng tinaguriang premier city at pinakamayamang lunsod.
Nagwagi naman ang tae kwon do at action superstar na si Monsour del Rosario bilang konsehal ng Makati gayundin si Tosca Puno na anak na singer ni Rico.
Hindi naman nasayang ang puyat, pagod, pera, pawis ng isa sa mga miyembro ng Streetboys na si Jhong Hilario sa pangangampanya para sa kanyang amang si Virgilio Hilario dahil win ito sa Makati council.
Kapangalan lang po ng naging asawa ni Miss Finland sa kauna-unahang Miss Universe na si Armi Kuusela ang tatay ni Jhong.
***
Walang pagkakaiba ang mga taong-showbiz na lumahok sa tunggalian sa pulitika ng eleksyon dahil tao at mamamayan lang naman sila tulad ng ibang pulitiko.
Ngayon ay susukatin lamang naman ang kanilang katapatan at katuturan sa larangang ito, kung sila ay mapalad na nanalo, sa pamamagitan ng tunay at wagas nilang paglilingkod sa bayan.
Hahanapan silang lahat ng mahalagang bagay—ang serbisyo na dapat para sa mga mamamayan.
Bilang pulitiko, mahalaga ang bayan sa kanila at kung kinakailangan na ibuwis ang kanilang buhay ay dapat lang para malaman kung talagang sila ay totoong mga lider na puwedeng magsakripisyo para sa kapakanan ng higit na nakararami sa loob at labas ng showbiz.
