Uncategorized

Tuloy ang laban ng mga artista sa showbiz at pulitika


Bagamat nagbitiw na si Maria Isabel Lopez, aktres at Binibining Pilipinas-Universe noong 1981 at lumaban sa Miss Universe noong 1982 sa Lima, Peru, sa kanyang kandidatura sa pagkakonsehala ng Ikatlong Distrito ng Quezon City, ilang araw bago ang palugit sa opisyal na pagsisimula ng kampanya para sa eleksyon sa ika-10 ng Mayo, 2010, patuloy pa […]

Bagamat nagbitiw na si Maria Isabel Lopez, aktres at Binibining Pilipinas-Universe noong 1981 at lumaban sa Miss Universe noong 1982 sa Lima, Peru, sa kanyang kandidatura sa pagkakonsehala ng Ikatlong Distrito ng Quezon City, ilang araw bago ang palugit sa opisyal na pagsisimula ng kampanya para sa eleksyon sa ika-10 ng Mayo, 2010, patuloy pa ring nakikipagtunggali at nakikibaka si Maria Isabel sa kasamaan ng lipunang Filipino.

Sa maraming antas ng kanyang pagkatao at sa maraming sangay ng lipunang ito, inaari ni Maribel na siya ay mandirigma sa tunay na buhay.

Sa pagganap sa mga papel sa pelikula at telebisyon, nakikipagtunggali ang aktres.

Nang ialok nga sa kanya ang papel ng kakatayin babaing puta na may atrasong pera sa sindikato ng mga drug lord sa paksyon ng militar, inayawan niya sa simula ang direktor ng “Kinatay (The Eexcution of P)” ng Centerstage Productions at Swift Productions na si Brillante Mendoza.

Nagmuni-muni siya, nakipagtunggali sa takbo ng kanyang utak dahil nakapaghubad na siya sa pelikula at mangangailangan muling maghubad siya.

Sa pagtatalo ng isip, sa pakikibaka sa mga balakid ng utak, nanalo ang pagtanggap niya sa papel at hindi nga siya nagkamali sa kanyang pasya sa tunggalian ng mga elemento na kaugnay sa alok na pelikula.

Nakapunta siya sa prestihiyosong Cannes International Film Festival noong 2009 at nagwagi siya kinalaunan ng mga parangal na Best Supporting Actress para sa “Kinatay” sa ika-8 Gawad Tanglaw o Gawad Tagapuring mga Akademisyan ng Aninong Gumagalaw at sa ika-7 Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society, Inc. o Enpress kamakailan.

Nominado rin siya sa prestihiyosong Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino para sa parehong pelikula pero natalo siya rito.

***

Kaya nga patuloy ang buhay sa showbiz at pulitika.

Ang tumuloy sa kanilang kandidatura na kasama sa partido ni Lopez ay sina Ricky Davao, Alfred Vargas, Glenda Garcia, Arnell Ignacio at Roderick Paulate.

Pero hindi lang sila ang nagpatuloy, marami pa.

At sa pagpapatuloy na ito, ginagamit nila ang showbiz upang lagusan din ng kanilang bisyon at misyon sa pulitika at sa mga kaugnay na larangan ng paglilingkod.

Sa panahon ng pulitikal na kampanya, maraming paraan na hindi halata para makapagkampanya kung nahihiya lalo na kung ang okasyon ay parang lumilitaw na panshowbiz lang.

Pero ang mga kabagang nina Ralph Recto at Vilma Santos, nauna nang nagparamdam na ang showbiz at pulitika ay iisa.

Sa pagbibigay-karangalan noong ika-3 ng Marso, 2010 ng Gawad Tanglaw sa Jose Rizal University sa Shaw Boulevard, nagkalat ang mga tagasuporta nina Ralph at Vilma ng mga polyito at pamaymay na nakatapal ang mukha ni Ralph.

Si Vilma naman ang pinarangalan para sa kanyang pagganap sa “In My Life” ng Star Cinema bilang Best Actress at ang pagtayo at pagsasalita niya sa harap ng mga tao, sa gitna ng entablado sa kampus ng JRU ay pagpapamalay na siya ay pulitiko rin at bituin na naghahangad ng suporta kahit na sa Batangas siya kandidato bilang gobernador.

Nandoon naman ang mga TV camera at crew na kukuha sa kanya at maipapalabas sa buong kapuluan at makakarating ang pagbabalita sa buong lalawigan ng Batangas.

Ang midyum ang mensahe, sabi nga ni Marshall McLuhan.

***

Kahit si Roderick, kung sa Quezon City siya kandidato, nahagip naman siya ng kamera o ng mike ng radyo o kaya ay naisulat sa mga lagusang imprinta, aba’y malaking pagbabando na ‘yon kay Roderick bilang pulitikong bagito sa Lunsod ng Quezon.

Kahit na walang minu-minutong patalastas si Paulate sa TV o radyo o magasin at pahayagan, ang paglantad at pagsama niya sa mga okasyong pampubliko ay malaking tulong sa kanyang bisilibidad sa madla upang ipakilalang siya ay pumapasok sa pulitika.

Tumuloy rin sa kanilang kandidatura sa pagkakonsehal ng Quezon City sina Ogie Diaz at Ara Mina gayundin si Dan Alvaro.

Si Lou Veloso, Jr. na nanalong Pinakamahusay na Aktor para sa pelikulang “Colorum” ng Cinemalaya para sa ika-33 Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino ay malaking publisidad sa kanyang pagkandidato sa konseho ng City of Manila.

Panay rin ang akyat ni Dick sa entablado dahil sa ika-7 Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society, Inc. o Enpress ay Best Actor in a Leading Role siya sa Musical o Comedy sa “Ded na si Lolo” ng APT Entertainment.

***

Nakakuha si Ricky Davao ng libreng airtime ng kanyang paglabas kahit na hindi siya nagpapatalastas sa kanyang kandidatura nang mag-presenter siya kasama ang asawang si Jackie Lou Blanco sa Natatanging Gawad Urian Award ni Armida Siguion-Reyna.

Pati na rin si Armida, nagkampanya para kay Joseph Estrada at sinabi niyang kahit madalas silang mag-away ni Joseph noon ay natutunan niya itong mahalin kaya iboboto niya siyang presidente ngayong eleksyong ito.

Kahit na walang mga poster o naglalakihang billboard sa University of the Philippines Film Institute Cine Adarna, nakapagmalikhain naman si Siguion-Reyna sa kanyang politikalisasyon para kay Erap.

Itinawa lang naman ng busog na busog din sa mga kaalamang pulitikal na si Nicanor G. Tiongson ang inasta ni Tita Midz.

Ang kapwa pulitiko namang si Davao ay napangiti lang dahil nakikibahagi siya sa layon at intesnyon ng kanyang itinuturing na ina-inahan sa showbiz.

***

Sa ika-7 pa ring Golden Screen Awards ay namigay ng mga election paraphernalia ang kampo ni Tito Sotto para senador at dahil siya ay sponsor ng programa, walang tanung-tanong ang kanyang ginawa at naging presenter pa siya.

Hindi na pinagtatakhan ngayon ang pagsasanib ng pulitika at pelikula dahil kahit ang konsepto ng Enpress ay “Pelikula at Politika.”

O, di ba?

Kahit nga sina Roland Lerum at Obette Serrano na mga miyembro ng Enpress, nakipaglibing muna kay Jojo V. Acuin sa San Pablo City at doon ay namalayan nila ang kandidatura ni Angelica Jones bilang bokal sa Ikatlong Distrito ng Lalawigan ng Laguna na kinabibilangan din ng San Pablo bilang bayan at siyudad.

Ang meyor ng San Pablo, si Vic Amante ay kumpare ni Jojo nang binyagan ang kanyang anak na si John Benedict o Acuin JB Acuin katuwang ang aktres na si Ilonah Jean at ang aktor na si Daniel Fernando.

***

Si Gary Estrada ay tuluy-tuloy sa kanyang kandidatura sa pagka-board member ng Ikalawang Distrito ng Lalawigan ng Quezon dahil ang kanyang residensiya ay sa San Antonio, Quezon na sakop ng distrito.

Samantala, bise-gobernador ni Jonvic Remulla sa Cavite si Bimbo Bautista, dating alagad ni German Moreno sa “That’s Entertainment” at kaibigang matalik ng namayapa nang konsehal at bise-alkalde ng Lopez, Quezon na si Andrew C. Gutierrez na peryodistang pampelikula at manaka-nakang aktor din sa pelikula at telebisyon.

Si Cesar Montano, manalo kaya bilang gobernador ng Bohol?

O kaya’y si Dan Fernandez sa Unang Distrito ng Laguna, magwagi kaya?

O si ER Ejercito bilang governor ng Laguna?

Si Cristina Gonzales ay re-electionist bilang konsehala sa Tacloban City sa Leyte.

***

Si Christopher de Leon ay kandidato ring board member sa Batangas samantalang nominee sa party-list na Alyansa ng Media at Showbiz o AMS sina Romy Suzara, Lakay Gonzalo, Manny Calayan at Leo Martinez.

At paano natin makalimutan si Loren Legarda, bituin at aktres sa ABS-CBN, RPN, ABC na kandidatong bise-presidente ng Pilipinas gayundin si Edu Manzano na kanyang katunggali?

Aba’y huwag ding kalimutan si Kata Inocencio at si Alex Tinsay na mga TV news reporter at newscaster na kandidatong senador.

Sino rin ang makakalimot kay Jay Sonza bilang vice-president of the Philippines?

Ang mang-aawit na si Imelda Papin ay tumatakbo ring senador samantalang si Alma Moreno ay lumalabang konsehala sa Parañaque City.

Ang dati niyang asawang si Joey Marquez ay sumusubok ding maging alkalde ng siyudad at si Anjo Yllana ay bise-alkalde naman.

Si Isko Moreno ay pinag-aagawan bilang pangalawang punong lungsod ng Maynila nina Fred Lim, radio announcer din at Sonny Razon na nagpoprograma rin noon sa radyo at telebisyon kaya showbiz na showbiz din sila.

Si Jobelle Salvador, huwag ding kalimutang nagbabaka-sakali sa pagka-bise alkalde ng Makati City at si Marjorie Barretto, konsehala muli ang nais sa Caloocan City kalaban ang kanyang dating mister na si Dennis Padilla.

 

 

readbud - get paid to read and rate articles