Tungo sa pagbuwag ng pribadong hukbo


Mayroong tumupad sa pangako na buwagin ang private armies sa kanayunan–at hindi ito si Pangulong Arroyo, kundi ang mga rebeldeng nagpapatupad din ng sariling gobyerno sa kanayunan.

caption
Alkalde ng Lingig, Surigao del Sur na si Roberto Luna Jr., sa isang press conference bago palayain ng New People's Army. (Contributed Photo)

Sa isang simpleng seremonya noong Mayo 17, pinalaya ng mga rebeldeng NPA (New People’s Army) ang bihag nilang si Roberto Luna Jr., alkalde ng Lingig, Surigao del Sur, kasama ng apat pang POW (prisoners of war) sa isang lugar sa Davao Oriental.

Bago pinalaya, inamin ng naturang alkalde ang pagkakaroon ng private army o pribadong hukbo na binubuo ng mga elemento ng AFP (Armed Forces of the Philippines), PNP (Philippine National Police), at goons. Ang pagkakaroon ng private army na ito ang naging batayan ng pag-aresto sa kanya ng Conrado Heredia Command ng NPA Southern Mindanao at iharap sa tinatawag na ‘Hukumang Bayan.’

Ang pagbuwag ng mga private army ang isa sa mga ipinangako ni Pangulong Arroyo nang maganap ang masaker sa Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23. Ngunit hindi ito isinagawa ng administrasyon, sa kabila ng pagtatayo pa nito ng isang komisyon.

Sa kabilang banda, inako ng NPA ang paghahabol sa mga warlord gaya ni Luna, sa mga erya sa kanayunan na kontrolado nito at nakapailalim sa tinatawag na ‘People’s Democratic Government.’ Umano’y nanggaling mismo sa mga sibilyan ang mga reklamo laban kay alkalde.

caption
Nakipagkamayan sa mga rebelde bago palayain sina (mula kaliwa) Pfc Arnel Dizon, PO3 Alan Dapitanon, at Pfc Jon Rey Abao. (Contributed Photo)

Kabilang sa mga kasong kinakaharap ni Luna ang pagkakapatay kay dating alkalde ng Linging na si Amerosin V. Onsing noong 2001, at sa magkapatid na Suazo sa Brgy. Union noong 2007. Ginamit din umano ni Luna ang kanyang private army sa pangangamkam ng 30-ektaryang lupain ng mga magsasaka sa Brgy. Pagbacatan at Dahican Island, kung saan may pansarili siyang interes sa agri-business at turismo.

Inaresto ng mga rebelde si Luna, kapartido ni Pangulong Arroyo sa Lakas-Kampi, at apat na POW noong Mayo 5 sa Davao-Agusan National Highway sa Pasian, Monkayo, Compostela Valley. Kinumpiska rin ng NPA ang mga armas na dala ni Luna at kanyang mga bodyguard nang maaresto sila.

Pahayag ng NPA Southern Mindanao, ipinag-utos ng People’s Democratic Government ang pagpapalaya kay Luna dahil sa pag-amin niya sa kanyang mga kasalanan at paghingi ng tawad kaugnay mga krimen. Sinuspinde rin ng NPA ang imbestigasyon sa mga kaso ng apat pang kasama ni Luna na sina Pfc John Rey Abao, Pfc Arnel Dizon, P02 Boy de Castro at P03 Alan Dapitanon.

Gayunpaman, inilinaw ng mga rebelde na patuloy na iimbestigahan si Luna, at hindi sila magdadalawang-isip na arestuhin siyang muli kung sakaling masasangkot sa bagong mga krimen.

“Pinapayuhan si Luna na itigil ang anumang mga hakbang na makasasama sa interes ng mga mamamayan, partikular sa mga magsasaka at mga lumad, at igalang ang kanilang mga karapatang pantao,” ayon kay Simon Santiago, political director ng NPA Southern Luzon.

caption
Isinailalim sa medical check-up si Luna (kaliwa) bago palayain. Idineklara ng doktor at bise-alkalde ng Sto. Tomas, Davao del Norte na si Daniel Lu (kanan) na nasa mabuting kondisyon si Luna. (Contributed Photo)

Habang bihag ng NPA sina Luna, istriktong sumunod umano ang mga rebelde sa international humanitarian law, sa Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and Humanitarian Law (CARHRIHL) sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines, gayundin sa mga batayang panuntunan ng NPA at ng People’s Democratic Government.

Binigyan umano ang mga bihag ng medikal na pangangalaga, seguridad, pagkain at iba pang pangangailangan habang nasa loob ng teritoryo ng mga rebelde.

Noong 2006, una nang sinubukan buwagin ng NPA ang private army ni Luna sa pamamagitan ng pag-reyd sa kanyang bahay at sa himpilan ng PNP, kung saan 22 armas ang nakumpiska. Pero ayon kay Santiago, “Nagbingi-bingihan si Luna at patuloy na naghasik ng terorismo sa hanay ng mga mamamayan.”

Nangako ang rebeldeng grupo na ipagpapatuloy ang kanilang komitment na buwagin ang mga private army at iba pang porma ng warlordism, habang nanatiling ‘lip service’ lamang ang parehong pangako na ginawa ni Pangulong Arroyo.