Pagbabalik ng Kamag-Anak, Inc.?


Malinis na paggogobyerno ang ipinangako ng bagong pangulo; pero posibleng mahirapan siyang maglinis sa kanyang sariling bakod at sa kalauna’y pagtaksilan ang interes ng bayan.

Peping Cojuangco: Nakinabang sa pagiging presidente ni Cory?
Peping Cojuangco: Nakinabang sa pagiging presidente ni Cory?

Walang duda na ang pamilya ni Benigno “Noynoy” Aquino III ang pangunahing dahilan ng kanyang pagkapanalo bilang pangulo. Mula sa yumao niyang mga magulang na “simbolo ng demokrasya” at nakaakit sa milyun-milyong botante, hanggang sa mga negosyante at pulitikong ka-uri ng mga Cojuancgo-Aquino, napakinabangan ni Noynoy nang husto ang kanyang pamilya.

Mapakikinabangangan din kaya siya ngayon ng kanyang pamilya?

Cory at kronyismo

Ipinagmalaki ni Corazon Cojuangco-Aquino noong 1987 sa harap ng Filipino-Chinese Federated Chambers of Commerce na isang “mahirap na migrante” ang kanyang lolo-sa-tuhod. Pero malinaw na simula pa noong ika-18 siglo, isa na ang kanyang angkan sa pinakamayaman at maimpluwensiya sa bansa.

Apo si Cory ni Don Melecio Cojuangco, isang asyendero sa Tarlac at miyembro ng Philippine Assembly na itinayo ng kolonyalistang Estados Unidos. Naging gobernador naman ng Tarlac ang kanyang tiyuhin, at naging kongresista ang ama na si Don Jose.

Noong 1967, humalili ang kanyang pinsan at negosyanteng si Eduardo “Danding” Cojuangco bilang gobernador ng Tarlac, sa tulong ni dating diktador Ferdinand Marcos. Kongresista naman ang kanyang nakababatang kapatid na si Jose “Peping” Cojuangco Jr.

Inaasahan noong panahon ni Cory na mawawala ang kronyismo na laganap noong diktadurya. Pero hindi man kasing-tindi ni Marcos, masasabing nag-alaga rin ng mga kroni si Cory, kabilang na rito ang kanyang mga kamag-anak.

Ang yumaong kolumnista ng Philippine Star na si Louie Beltran ang unang gumamit ng terminong “Kamag-Anak, Inc.” para isalarawan ang paggamit umano ni Cory ng kanyang posisyon para paboran ang kanyang mga kamag-anak sa mga desisyon ng gobyerno.

Isa sa pinakakontrobersiyal na isyung kinasangkutan ni Cory ang paglipat sa kanyang bayaw na si Ricardo “Baby” Lopa ng pag-aari ng 39 kompanya ni Benjamin “Kokoy” Romualdez, na kilala bilang First Manila Management Corporations (FMMC).

Noong 1974, lehitimong binili ni Romualdez ang mga kompanya mula kina Lopa at Jose Cojuanco Sr.  Mula 1974 hanggang 1984, lumaki ang FMMC dahil sa impluwensiya ng gobyernong Marcos. Babawiin sana ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang mga kompanya para maibalik sa gobyerno.

Sa halip, pinayagan ni Aquino na bilhin ito ni Lopa sa halagang P5-Milyon lamang, sa katuwirang “nalulugi” ang mga ito. Sa librong Greed and Betrayal na inilabas noong 2000, pinabulaanan ito ng mamamahayag na si Cecilio Arillo. Halimbawa niya, kabilang sa FMMC ang Philippine Nissan, Inc. na nasa Top 1000 Corporations noong 1989.

Pero nang unang ipinutok ng Daily Globe ang isyu, ipinagtanggol ni Cory ang kanyang mga kamag-anak. “If nobody takes charge of management, personnel will lose their jobs,” aniya.

May pagkakahalintulad ang tono ng pahayag na ito sa pangangatwiran ngayon ng pamilya Cojuangco tuwing sinisingil sila sa matagal nang pangakong ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga magsasaka.

Ang Kamag-Anak, Inc. din ang dahilan ng pagkabalaho ng programa sa repormang agraryo na itinutulak ng mga mamamayang nagpatalsik kay Marcos, ayon kay Prop. Luis Teodoro, isang political analyst at editor ng progresibong pahayagang Midweek noong administrasyon ni Cory.