Pinoy Weekly

Pagpinta, ang kabilang mukha ng mga artista

Hindi lang magagaling na artista sa harap ng kamera sina Maria Isabel Lopez, Evangeline Pascual, Heber Bartolome, Cesar Montano, Carmi Martin, Nadia Montenegro, Arnell Ignacio, Marilou Diaz-Abaya, Victor Wood, Andrea del Rosario, Jao Mapa, Mike Austria, Nina Ricci Alagao, Louie Ignacio, Melissa Mendez, Baron Geisler, Ernie Garcia, Criselda Volks, Cris Villanueva, Celso Ad Castillo, Joey de Leon, Rachel Lobangco, Louie Ignacio, Reb Belleza, John Arcilla, Rosanna Roces, Larry Leviste at Ruby Rodriguez.

Sila man ay mahusay rin sa likod ng kamera lalo na sa pagpipinta.

At mapapatunayan nating lahat ‘yan sa ika-16 ng Hunyo, 2010 sa Sining Kamalig Gallery sa Gateway sa kanilang pinagsanib na puwersa na tinaguriang “artists as artists part 3.”

Sa katunayan, madalas mag-art exhibit ang karamihan sa mga bituing ito sa pamamagitan ng The Film Artist Group na itinatag ni Maria Isabel kasama ang dating prodyuser ng “Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa” ni Gloria Diaz na si Natalie Palanca.

Itinatag ang The Film Artist Group noong 2001 at nakakarami na silang mga pagtatanghal.

***

Isang maganda at nakakaintrigang eksena ang pagsasama nina Victor, Lopez, Heber, Melissa, Evangeline at Ernie sa lobby ng National Commission for Culture and the Arts sa Intramuros sa isang pagharap sa media.

Kasama nila sa panel ang tagapangulo ng Character Building Foundation ni Heidi Sison at ang Usec na si Robert Rivera ng “Pilipinas Ngayon Na” ng Nation Broadcasting Network na Channel 4.

Ayon kay Bartolome, ang pagpinta ay pangburgis lamang at hindi pangmahairap.

“Kung gusto kong magpahayag sa masa, hindi painting ang gagamitin ko. Mas maiintindihan ng masa ang isang isyu o usapin kung dadaanin ko sa kanta. Kung pang intelektwal naman ang nais ko, gagawa ako ng literature para sa mga akademiko. At kung pangmasa rin lang naman, dadaanin ko rin sa pelikula o telebisyon at hindi sa pagpinta,” katwiran ni Heber.

Ayon sa kanya, mas pinuputakti sa ibang bansa ang pagpinta kaysa rito sa Pilipinas.

“Naku, pag nag-art exhibit ako sa ibang bansa, mas maraming tao ang dumarating,” wika ni Heber, ang popular na folk singer na naging kasintahan ni Maita Gomez, ang reyna ng kagandahan na naging amasona at nakipaglaban sa mga militar.

***

Kaya sinabi ni Heber na pamburgis ang pagpinta ay dahil sa mataas na presyo ng bawat likha.

“Hindi makakayang bilhin ng mga pangkaraniwang tao ang isang painting kaya hindi ito pangmasa, obviously,” sabi ni Bartolome na isang aktibista sa tunay na kahulugan ng tawag na ito.

Ayon sa mang-aawit, ang pagpinta ay hindi rin dapat na maging hanapbuhay sa Pilipinas dahil matagal ang pagpinta bagamat may mga pintor na nakakatapos ng isang piyesa sa isang upuan lamang.

“Kung minsan, inaabot ng tao ang isang painting para matapos kaya kung aasa ang isang sa kanyang kita rito, walang mangyayari,” sabi ni Heber.

Noon anya ay gutom ang kanyang natikman nang nagsisimula pa siya pagguhit.

“Gutom ang inabot ko no’n. Mabuti na lang at may iba akong alam gawin tulad ng pagtuturo at pagkanta,” dagdag pa ni Bartolome.

***

Gutom din ang naranasan ni Victor noon.

“Nasa may Bustillos pa kami no’n. Do’n kami nakatira. Nagpipinta na ako no’n. Pero ang presyo ng isang painting no’n, may limang piso. Pero ako, hindi man lang ako makabenta.

“Kaya sabi ko, gutom ‘to. Hindi ako tatagal dito. Mabuti pa ‘kako sa sarili ko na ipagpatuloy ko na lang ang pag-aartista ko sa Sampaguita Pictures no’n.

“Kaya ‘yon, nagbalik ako sa showbiz at nagkataon, bumibenta na ang ang mga plaka ko no’n at ang pelikula ko kaya nag-concentrate na lang ako sa showbiz.

“Pero ipinagpapatuloy ko ngayon ang pagpipinta dahil dito ko nailalabas ang lahat ng mga nasasaisip at nararamdaman ko. Marami na rin akong nagawa,” pagtatapat ni Wood.

***

Ngayon ay isang impressionistic na painting ang iginuhit ni Victor na may kaiba at pilipit na mukha ng isang babae.

“Noong una, si Madam Auring ang inspirasyon ko sa pagpipinta ng aking idi-display sa Gateway,” natatawang pahayag ni Wood.

“Pero ngayong bati na kami ni Heidi, si Heidi Sison na ang inspirasyon ko,” pagbabando ni Victor na ikinangiti lang ni Sison.

Dahil may kasaysayan sina Victor at Heidi kaya naman malakas ang loob ng singer na ipagbuyangyangan ang nagaganap sa kanila.

“Maganda pa rin si Heidi Sison,” sabi ni Victor na parang inspiradung-inspirado sa TV hostess.

Ngayon ngang maalingasngas muli ang pangalan ni Madam Auring dahil sa pagbanggit sa kanya ng kahahalal lang na pangulo ng Pilipinas na si Benigno C. Aquino III, talagang pumapalo muli ang karera ni Madam.

***

Sa katunayan, lumipat na si Madam Auring, Aurea Erfelo sa tunay na buhay, mula sa kanyang puwesto sa Gotesco Commonwealth sa Commonwealth Avenue sa Quezon City sa Victory Mall sa Caloocan City.

Ayon sa peryodistang pampelikula na si Chito P. Alcid, nagkaproblema si Madam sa Gotesco kaya napilitang lumipat sa Victory Mall na lalo namang napaganda ang puwesto.

Kasama ni Madam doon ang kanyang anak na si Marilyn na matagal na niyang kasama sa lahat ng mga puwesto niya sa buong Kamaynilaan.

Sinabi ni Madam na siya ang consultant ni Noynoy Aquino sa mga kaso ng pag-ibig.

Talagang sinabi ni Noynoy na ikukunsulta niya kay Madam Auring ang kanyang pag-aasawa at mga personal na kaganapan sa kanyang buhay.

Kaya nga kontrobersyal muli ang manghuhula bukod sa pagiging kontrobersyal din ni Madam Suzette Arandela.

***

Sinabi ni Madam Auring na walang kasalang magaganap sa pagitan ni Noynoy at Shalani Soledad ngayong taong ito.

“Kasi, nang mag-usap kami ni Noynoy nitong lang nakaraan, tinanong niya ako kung ano ang mabuti sa kanya.

“Sabi ko, huwag siyang magpakasal ngayong taong ito dahil masama. Kasi, may dalawang zero ang taong 2010. Kulong kasi ang zero at walang lalabasan.

“Kaya sabi ko na huwag niyang itutuloy ang kanyang balak kung may balak siya. Naniniwala naman sa akin si Noynoy, e. Kasi nga, kinukunsulta niya ako,” paliwanag ni Madam.

***

“One or two years pa bago magpakasal sina Noynoy at Shalani. Pero sila na talaga. Compatible sila at walang dudang mahal nila ang isa’t isa. Kasi nga, mabait si Shalani at very gentlemanly si Noynoy. Walang makakapaghiwalay sa kanila. Kahit ako, nai-excite sa kanila,” natatawang pahayag ng psychic.

“Ngayon lang ay naiilang si Shalani sa mga Aquino pero huwag siyang mag-alala dahil mahal na mahal siya ng mga Aquino. Walang dudang magiging maligaya sila.

“Nag-aasikaso lang si Noynoy ng mga bagay sa kanyang gobyerno. Siyempre, magulo pa lahat ‘yan. Walang makapagsasabi kung ano ang mangyayari. Pero nakikita ko na wala nang corruption sa government ni Noynoy.

“Malaki ang iuunlad ng Pilipinas at marami ang mawawala sa mga kaguluhan. Hindi na tayo magiging kulelat sa mga bansa. Iba kasi ang leadership ni Noynoy, maniwala kayo sa akin,” panghahalina ni Madam Auring.

 

 

readbud - get paid to read and rate articles

 

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=7810

Posted by on Jun 15 2010. Filed under Uncategorized. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Follow and Subscribe

Features

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes