Uncategorized

Nagso-SONA si Noynoy Aquino habang nakaburol si Redford White


Marahil, sa mga sandaling binabasa ninyo ang kolum na ito ay tapos na ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III sa magkamasa o magkaugnay na sesyon ng Kongreso at Senado sa ika-15 Congress sa kasaysayan ng bansa. Samantalang ang talumpati, madalas ng mga presidente ng Pilipinas sa […]

Marahil, sa mga sandaling binabasa ninyo ang kolum na ito ay tapos na ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III sa magkamasa o magkaugnay na sesyon ng Kongreso at Senado sa ika-15 Congress sa kasaysayan ng bansa.

Samantalang ang talumpati, madalas ng mga presidente ng Pilipinas sa mga ganitong okasyon ay dumadalirot sa matatayog at malalawak na dalumat at mga plano o kondisyon sa ekonomiya, pulitika, estado ng mga ahensiya ng gobyerno, turismo, batas at marami pang pangangailangan sa mas malaking sakop ng lipunan at bansa, may nawawaglit sa mahabang pananalita.

Madalas, ang larangan ng kultura ay hindi nabibigyang-pansin.

Kahit na isa-isahin pa ang mga SONA ng mga nakaraang pangulo, walang malinaw na tunguhin ang kultura kasama ang sining samantalang napakahalaga nitong mga sangay at seksyon ng mga asepto ng buhay ng bawat mamamayan.

***

Matatandaan na noong panahon ng ina ni Noynoy na si Corazon C. Aquino bilang presidente, tahasan niyang sinabing wala sa prayoridad ng kanyang dispensayon ang pagbibigay-pansin nang mas higit sa kultura ng bayan dahil ang dapat unahin ay ang pang-ekonomiya at pagpupuno sa pinalis na mga budget at kaban ng bayan sa panahon ng diktadurya ni Ferdinand E. Marcos.

Sana naman ay hindi ito kopyahin ng anak dahil isa itong malaking kalasanan sa bayan.

Ang kultura at sining ay napakahahalagang katotohanan ng buhay sa lipunang ito upang umunlad ang mga mamamayan dahil sa pamamagitan ng mga sining at kultura, naipaparating ang mga kuntil-butil at edukasyon maliban sa natututunan sa mga paaralan, na makapagpapaliwanag pa sa pakikibaka ng sambayanan laban sa pang-aapi, pagsasamantala, kawalang katarungan, kawalang pakialamanan at iba pang kasamaan.

Kung wala ang pagpipino ng mga sining, walang kahihinatnan ang buhay lalo na kung magaspang na epekto lang ng mga materyal na bagay ang pag-uukulan ng pansin.

***

Mas mahalaga ang humanidad sa pagkakamit ng magandang buhay sa kabila ng pag-asenso sa mga materyal na bagay o kailangang magkapantay ang humanidad habang nagtatagumpay ang bawat tao sa mga materyal na konsiderasyon.

Hindi maaaring mauna ang pagkakamit ng mga materyal na ginhawa nang walang humanidad.

Kahit na sabihin pa ng ibang nakabaling sa makakaliwang panig na hindi makakamtan ang humanidad kung nananatili ang paghihikahos.

Kaya naghihikahos ay ang kawalan ng sapat na kaalaman at karunungan sa humanidad, halimbawa’y ang kaalaman sa mga karapatang pantao na makakamtan sa iba’t ibang porma ng sining o ng hayagan at pormal na pag-aaral ng batas, teoriya, pilosopiya at iba pa at sa pagsasapraktika ng mga ito dahil ang bawat karunungan ay simbolo, para sa kaunlaran at tiyak na ang kakambal ay kabutihan.

***

Bilang taga-showbiz, nagtanong kami ng mga bituin, direktor, mang-aawit, superstar at hot star kung ano ang kanilang inaasahan sa SONA ni Noynoy.

Nakapagtataka na ang lahat sa kanila ay malayo sa kanilang bakuran ang isinasagot.

Ayon sa ilan, repormang pansakahan ang kailangang tutukan ni Aquino at ang iba naman ay nagsabing ang mga plano sa pagpapabuti ng ekonomiya ang dapat pakialaman ni Noynoy.

Tama rin naman sila pero nakakalimutan nila ang tunay na kalagayan ng showbiz dahil tigmak din ito ng mga suliranin na repleksyon ng mas malawak at mas malalim na mga problema ng bayan tulad ng kawalan ng trabaho ng mga artista lalo na ‘yong maliliit at mahina, mababang pasahod, intrigahan para matira ang matibay, palakasan, piyudad na mga relasyon na nagbabagsak ng katinuan at magandang pakikipagsamahan sa kapwa at marami pang alalahanin.

Nasa showbiz sila kaya dapat alam nila na problema ang star system, ang double standard sa sensura o anumang desisyon sa mga nagtutunggaling kaisipan at kalakaran, ”tayo-tayo, sila-sila” sa pagkakamal ng kapangyarihan at hindi naikakalat sa mga maraming trabahador ng showbiz lalo na sa mga karapat-dapat, eksploytasyon, pagharang sa kalayaan sa pamamahayag, cacique system na piyudal pa rin saanman tingnan at marami pang iba.

***

Mabuti at nakausap natin ang peryodistang pampelikula at patnugot ng pang-aliwang mga pahina ng Bomba Balita at Saksi sa Balita na mga tabloid at sinabi niyang makapagpapaliwanag ang mga sining at kultura sa tunay na kalagayan n gating bansa.

Sinabi ni Tapalla na mataas ang ipinapataw na mga buwis sa mga produktong pang-aliwan tulad ng CD sa musika, DVD sa pelikula at iba pang transaksyong pangkomunukasyong komersyal pero ang nakokolektang mga buwis at taripa ay hindi nararamdaman ng mga mamamayan kung saan napupunta sa pagpapalaganap ng sining at kultura sa bansa.

Kulang ani Art ang de-kalidad na mga produksyon na pangmasa at hindi natutulungan na tangkilikin ang mga ito ng masa na puwedeng gawin mula sa buwis na kinolekta.

Idinagdag ni Tapalla na kailangan din na umugit ang mga mambabatas ng mga regulasyon na magpaparusa sa mga lumilikha ng mga walang kawawaang palabas sa mga popular na midyum tulad ng telebisyon, pelikula, Internet at iba pang lagusan ng sining at kultura.

Ang hindi nakakatulong sa pag-alsa ng isip ani Art ay kailangang patawan ng parusa o boykotin ng mga tao.

***

Sinabi naman ng prodyuser ng Leo Films na si Sixto Dy na kailangang mawala ang palakasan sa mga nagbibigay o nagtutustos ng gastusin sa mga proyektong pampamahalaan tulad ng Film Development Council of the Philippines o National Commission for Culture and the Arts.

Naranasan na niya anya na sila-sila, kami-kami ang pamantayan sa pagkuha ng mga ayuda mula sa mga ahensiyang ito.

Inilinaw din ni Dy yang nagaganap na kasalaulaan at kabalbalan sa mga probinsiya kaugnay sa pagpapatupad ng tamang buwis sa mga sinehan.

Ayon kay Dy, nang makausap niya kamakailan lang, bago manungkulan si Noynoy, ang isang taga-Department of Finance ni Margarito Teves, sinabi nitong hindi pa naipapatupad ang entertainment tax reduction sa mga sinehan dahil wala pa silang oras o panahon para gawin ang mandamiyento nito at ipasa sa lahat ng mga naglilingkod sa bawat sangay ng buwisan sa buong bansa.

Aprubado na ani Dy ang batas pero wala pang implementasyon.

“Sana, magawan na ng paraan ni Noynoy ngayong taong ito para maipatupad na,” sabi ni Sixto.

Kasi nga anya ay talamak ang bulsahan ng mga kita ng pelikula sa probinsiya na hindi nakakarating sa tamang pagbubuwis sa pamamagitan ng pakikipagkutsabahan sa mga awtoridad at mga namamahala ng lokal na negosyo.

***

Kasalukuyan namang nagso-SONA si Noynoy ay nakaburol ang mga labi ni Redford White sa kanyang sariling simbahan na Sto. Niño de Maligaya sa may SM at Robinsons Fairview.

Apektado ang makikipagburol kay Redford dahil sarado nga ang mahabang bahagi ng Commonwealth Avenue kaugnay sa seguridad sa SONA.

Pero ang mga tunay na nagmamahal sa komedyante ay maaaring gumawa ng paraan halimbawa’y sa Novaliches na nagmumula o sa iba pang daanan sa Rizal at mga kanugnog na lugar.

Bagamat si Redford ay isang artista pero patay na, bahagi pa rin siya ng ibubunga ng mga salita ni Aquino dahil ang iniwan niyang mga tao ay bahagi pa rin ng showbiz.

***

Namatay si Redford, Cipriano Cermeño sa tunay na buhay, noong Linggo ng alas sais ng umaga nang dahil sa komplikasyon sa utak.

Unang nadiskubre na may kanser sa baga si White noong Pebrero ng taong ito pero kinalaunan ay kumalat ang sakit at naapektuhan ang kanyang utak.

Sa kanilang tahanan pinanawan ng buhay si Redford at ililibing siya sa Sabado sa Our Lady of Peace sa Bulacan.