Pinoy Weekly

Pagpapalaya ng Morong 43 sa humanitarian grounds, hiniling

Dalawa sa Morong 43 ang buntis at nangangailangan ng kagyat na serbisyong medikal. Isinalarawan ang kanilang kalagayan sa press conference sa Quezon City noong Hulyo 6. (Darius Galang)

Dalawa sa Morong 43 ang buntis at nangangailangan ng kagyat na serbisyong medikal. Isinalarawan ang kanilang kalagayan sa press conference sa Quezon City noong Hulyo 6. (Darius Galang)

Sa ika-limang buwan ng pagkakabilanggo ng 43 detenidong doktor at health workers, tuloy ang panawagan ng Free the 43 Health Workers Now! Alliance na palayain ang tinaguriang ‘Morong 43’.

Kagyat ang kanilang panawagan sa pagpapalaya sa mga detenido sa “humanitarian grounds”. Ito’y dahil sa anila’y maseselang kondisyon ng ilan sa mga nakakulong, lalo na ang dalawang buntis na sa piitan magsisilang ng kanilang mga anak kung hindi mapapalaya.

Inaasahang sa huling linggo ng Hulyo ang kabuwanan ni Judelyn Carina Oliveros, 26, habang sa Oktubre inaasahang manganak si Mercy Castro, 27.

Isa pa may maselang kalagayan si Jane Balleta, apo ni yumaong Anakpawis Rep. Crispin Beltran, na may pana-panahong epileptic seizures.

Sa nalalapit na kabuwanan ni Oliveros at Castro, kagyat ang pangangailangan nila ng serbisyong medikal. Para kay Oliveros, sa napipinto nitong panganganak; kay Castro na hindi pa naisasailalim sa isang diagnostics examination; at kay Balleta na dapat matanggal sa kalagayang nakakadulot ng matinding stress.

“Sa puntong ito, mas matimbang ang mga isyung medikal at pangkalusugan kumpara sa mga legal na isyu ng pagkakadetine. Dapat silang mapalaya sa ilalim ng humanitarian considerations kung nais maipakita ng estado na kahit paano’y may paggalang sila sa karapatang pantao,” ani Dr. Julie Cagiuat, tagapagsalita ng grupo.

Dagdag ni Dean Fernando Sanchez, executive director ng Association of Philippine Medical Colleges, hindi sapat ang mga pasilidad sa Camp Bagong Diwa para sa panganganak o at pagtugon sa iba pang medikal na pangangailangan ng mga detenido.

Naghain na rin ang mga abogado ng Morong 43 ng kaukulang petisyon sa Rizal Regional Trial Court, na dumidinig ng kaso ng mga detenido. “There is no reason for the court not to grant the motion,” ani Julius Matibag, isa sa mga abogado.

Dagdag pa niya, may kapangyarihan ang pulisya na pansamantalang palayain ang mga detenidong buntis o may sakit, kahit pa hindi nakakapagdesisyon ang korte. Hinihiling na itakbo sa Philippine General Hospital sina Oliveros, Castro, at Balleta.

Samantala, susubukan ng Free the 43 Health Workers Now! Alliance na makipag-usap kay Leila de Lima, kalihim ng Department of Justice, hinggil sa kaso ng Morong 43. Balak nilang sampahan ng kaso ang mga elemento ng militar at pulisya na nagsagawa ng ilegal na reyd noong Pebrero 6.

Inaresto sa nasabing reyd at kinasuhan ng illegal possession of firearms ang mga doktor at health workers na nagsasagawa ng pagsasanay-medikal. Pinagbibintangan silang mga rebeldeng New People’s Army, na mariin nilang itinatanggi.

“Naniniwala kami kay de Lima, na bukod tanging nakagawa ng resolusyon sa kaso ng aming mga kaanak at mahal sa buhay, noong siya ay tagapangulo ng Commission on Human Rights (CHR),” sabi ni Roneo Clamor, pangkalahatang kalihim ng grupong Karapatan at asawa ng detenidong si Dr. Merry Mia-Clamor.

Inirekomenda noon ng CHR na ilipat ng piitan ang Morong 43 para maalis sa kamay ng kanilang mga tortyurer sa Camp Capinpin, Rizal.

Idinagdag ng grupo na dapat simulan ni Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III ang tunay na nation-building sa pamamagitan ng pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao ng gobyernong Arroyo.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=8150

Posted by on Jul 6 2010. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes