Uncategorized

Carmi Martin at Pete Lacaba, mga panauhing espesyal sa 2nd Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival


Hindi na mapapasubalian pa ang impluwensiya ni Lino Brocka sa ating kamalayan sa showbiz. Mula sa mga peryodistang pampelikula hanggang sa mga filmmaker ay talagang inspirasyon siya. Kabilang sina Icy Salem, kilala rin sa tawag na Lady Ann Salem, sa mga nagtatag ng isang samahan at proyekto na nagbibigay-pugay kay Lino at sa sining na […]

Hindi na mapapasubalian pa ang impluwensiya ni Lino Brocka sa ating kamalayan sa showbiz.

Mula sa mga peryodistang pampelikula hanggang sa mga filmmaker ay talagang inspirasyon siya.

Kabilang sina Icy Salem, kilala rin sa tawag na Lady Ann Salem, sa mga nagtatag ng isang samahan at proyekto na nagbibigay-pugay kay Lino at sa sining na itinanim nito sa sanlibutan.

Nang buuin nina Icy ang Tudla Productions, nasa kanila na ang pagbibigay-galang sa kahusayan at kabuluhan ni Brocka sa lipunang Filipino at sa mga sining na kinakandili nito.

Kaya ang Pandayang Lino Brocka Political Film and New Media Festival ay isang paraan para maiparating ang mga pagtataguyod ni Brocka sa mga simulain ng kalayaan para sa sambayanang Filipino.

***

Matagumpay ang ika-2 PBL at nagdiriwang ang Tudla Productions.

Sa umaga pa lang ng ika-11 ng Agosto, 2010 ay naging makatuturan na ang talakayan sa Information Bill na talagang kontrobersyal at mahalaga para sa mga Filipino.

Hindi nga ba’t halos pinatay ng mga kongresista ang panukalang-batas na ito noong bago mawala sa kapangyarihan si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo?

Sinabi ni Prospero Nograles, ang Tagapagsalita o Speaker ng House of Representatives na walang sapat na mga kongresista sa Mababang Kapulungan para pag-usapan ang isyu?

Pero ayon naman kay Quezon District IV Congressman Erin Tañada, sapat ang bilang ng mga mambabatas ng araw na ‘yon pero sadyang nakapagtataka kung bakit halos iwasan ng mga ito ang pagtalakay sa Information Bill para maaprubahan agad.

***

Binuhay ngang muli ni Malou Mangahas, isang matapang at natatanging abugada at TV host, ang Information Bill sa kanyang talumpati sa balitaktakan sa University of the Philippines Film Institute.

Ang ipinagtataka lang ni Nonoy Lauzon, isang respetadong miyembro ng Young Critics Circle at programmer ng UPFI ay kung bakit sa Ishmael Bernal Gallery ginanap ang pagtitipon.

Gayunman, ayon kay Salem, marami rin ang dumalo at umaabot na isandaang katao ang panauhin na nakinig sa symposium.

“Sana ay magtagumpay ang Pandayang Lino Brocka. Magandang proyekto ‘yan,” dasal ni Nonoy.

Kaya naman ang isang manggagawa ng UPFI na tulad ni Lauzon na may maganda at mapagkandiling pananaw sa paglago at pag-unlad ng showbiz ay kailangang pasalamatan.

***

Sa ganap na ika-1 ng hapon nama ng araw na ‘yon ay isinagawa ang pagtatanghal ng mga piling-piling pelikulang sinipat ng PBL na makasama sa pagdiriwang.

Alam ba ninyo na may mga bus pa mula sa San Fernando City sa Pampanga na lumuwas ng Maynila para lang makasali sa okasyon ang mga estudyante ng University of Assumption ng lalawigang ito?

Nakakapangilabot na nagmula pa sa mga probinsiya ang nagpamalas ng kanilang pakikiisa sa mga gawaing ito ng pagpupugay kay Brocka.

Marami rin ang nagmula sa mga iba’t ibang paaralan sa siyudad kaya naman naliligayahan ang mga volunteer ng PBL at ang mga kasapi at opisyal ng samahan.

Ipinalabas ang siyam na pelikula na may temang pakikipaglaban sa pang-ekonomiko at pangkultural na karapatan ng mga tao.

Kinabukasan naman, ika-12 ng Agosto, 2010, sa ganap na ala una rin ng hapon, ay ang karagdagang siyam na opisyal na lahok ang ipinamalas sa mga tagapanood.

Mga pelikulang tumatalakay naman sa mga karapatang pulitikal ang ipinalabas ng PLB sa madla.

***

Kabilang ang mga pelikulang “Ang Sandaling Sadya Nina Lire at Isa” ni Francis Losaria, “Wag Kang Titingin” by Pam Miras, “Handum” ni Manie Magbanua, “Bingit” by Michael Christian Cardoz, “Hamon ng Panahon” ni Kodao Productions, “Ing Magdarame” ng University of Assumption Pampanga, “Babae ako” ni  Jeyow Evangelista, “Dissatisfied” ni Jet Leyco, “Tagulaylay sa Hacienda Yulo” ni Rom Factolerin, “Mga Liham mula sa Alaska” ni Roberto Reyes Ang, “Kinulayang Kiti” ni Richard Legaspi, “Kibo” ni Rosswil Hilario, “Lawa ng Bae” ni Donnie Sacueza, “Hulagway” ni Jerry Jumawan, “Kakasa ka ba?” ni Mayday Productions, “Kababayang Kalakal” nina Ilang Ilang Quijano and King Catoy, “Badjao” ng La Consolacion College Manila at ang “Dumagat” ng kolumnistang ito ang ipinalabas na nagbigay ng mas malinaw na perspektiba sa mga manonood kung ano ang papel na ginagampanan ng media sa pag-unlad ng bawat nilalang.

***

Sa gabi ng ika-11 ng Agosto ay dumating sina Carmi Martin, Jose F. Lacaba at Antonio Gonzales sa pagpapalabas ng “Bayan Ko Kapit sa Patalim” na ginawa ni Lino noong 1984.

Si Carmi ang isa sa mga aktres sa pelikula.

Siya ay nakasama sa obra nang mamatay sa aksidente si Claudia Zobel na siyang bidang babae sa pelikula.

Kailangang may kapalit sa karakter si Claudia at dahil alaga noon ni Boy C. de Guia, ang line producer ng “Bayan Ko…,” madaling nakumbinsi si Brocka na si Martin na ang ipalit kay Zobel.

Bilib din nama si Lino kay Carmi kaya lang ay nauna na sa pagkakasali sa pelikula si Claudia.

Kasagsagan din noon ng popularidad ni Zobel.

Si Jose, kilala rin sa tawag na Pete Lacaba, ang mandudulang pampelikula ng “Bayan Ko…”

Si Antonio, kilala rin bilang Tony Gonzales, ang siyang prodyuser.

***

Maaga pa’y nasa Ishmael Bernal Gallery na si Tony at nakikipagsosyalan na sa mga mag-aaral at sa mga organizer ng PLB.

Parang kung kailan lang na naaalala ni Gonzales ang mga nagdaan kung kailan anya ay bigla na lang sumulpot sa kanyang upisina si Lino na hindi naman niya kilala at nagpiprisinta na magdirek ng pelikula na tungkol sa mga manggagawa sa Pilipinas at ang kaapihang dinaranas ng mga ito sa mapagsamantalang kapitalista.

Panahon ‘yon ng diktadurya ni Marcos at kontra na rin si Tony sa pamamalakad ng diktador kaya agad siyang pumayag kay Brocka na lagakan ng pundo ang pelikula.

Mula noon ay mga karangalan na ang naibigay ng “Bayan Ko Kapit sa Patalim” kay Tony at sa lahat ng mga may kaugnayan sa obrang ito.

Pati na ang Pilipinas ay nailagay sa mapa ng magandang paggawa ng pelikula nang makasali ito sa 1985 Cannes International Film Festival sa Cannes, France.

***

Ibinigay rin sa mga sumaling mga filmmaker ang sertipiko ng paglahok at ang bawat isa ay nagpapasalamat.

May mga nanalo rin sa paligsahan.

Talagang mahal ng mga Filipino si Lino at ang mga adhikain na nais nitong makamtan ng bayan.

Puring-puri si Roland Tolentino, ang isa sa mga aktibong kasapi ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino, sa pagkakaroon natin ng isang Lino Brocka na kahit patay na ay buhay na buhay ang mga naiwang alaala kaugnay sa maganda at makabuluhang panoorin.

Isa sa mga tagasuporta ng PLB si Roland at nagpapasalamat sina Salem sa kanya.

***

Kinabukasan naman ay may talakayan sa Media and Human Rights at si Bonifacio Ilagan ang isa sa mga tagapagsalita.

May palihan din tungkol sa paggawa ng pelikula at si Nick Olanka, ang isa sa mga direktor ng “Cinco” ng Star Cinema ang namagitan.

Kaya sa PLB, mabuhay ang inyong mga layunin!