Minahan banta sa seguridad ng pagkain sa Mindanao

Bayan ng Columbio sa Sultan Kudarat: Nanganganib ang pinagmumulan ng pagkain dahil sa pagmimina. (Google Maps)
Sa halip na makatulong, banta sa buhay, kapaligiran at seguridad sa pagkain, ang turing ng mga mamamayan sa isa sa pinakamalaking minahan sa Timog Mindanao, ang mining project sa Tampakan.
Ito ang obserbasyon ng mga kasapi ng isang environmental investigative mission (EIM) na isinagawa ng pambansa at lokal na mga grupong maka-kalikasan, non-government organizations (NGOs) at people’s organizations (POs) na isinagawa noong Agosto 26 hanggang 28 sa operasyon ng pagmimina ng Xtsrata at Sagittarius Mines Inc (SMI).
Pinamunuan ni Catherine Abon, isang geologist mula sa National Institute of Geological Sciences ng Unibersidad ng Pilipinas at miyembro ng Agham, ang EIM. Ayon sa kanya, lubos na maaapektuhan ng pagmimina ang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng mga bayan ng Hagonoy, Padada, Matan-ao at Columbio. Tataas ang siltation at kontaminasyon ng ilog ng Mal at Dalul dahil dumadaloy ang mga ito sa bulubunduking lugar kung saan itatayo ang minahan.
Epekto sa pagsasaka
Ayon naman kay Feny Cosico, isang agriculturist at miyembro rin ng Agham, lalo pang papatindihin ng pagmimina ang kahirapan ng mga residente dahil sa epekto nito sa kalidad ng tubig sa lugar. Mayorya ng mga residente, pansin pa ni Cosico, ay atrasado ang pagsasaka. Wala ring sapat na kagamitan at makinarya ang mga ito para epektibong masaka ang mga lupain at pigilan ang landslide na nagaganap tuwing malakas ang pag-ulan.
Hindi naipaliwanag ang mga epektong ito sa mga komunidad. Sa isinagawang focus group discussion (FGD) ng EIM sa komunidad ng B’laan sa Columbio, napag-alaman na hindi sila nasabihan ng mga kompanya ng minahan na maaapektuhan sila ng operasyon. Pinangakuan pa umano sila ng iskolarsyip at programang kabuhayan. Inamin ng mga residente na hanggang hindi naaapektuhan ang kanilang lupaing ancestral ay susuportahan nila ang minahan dahil nagbibigay umano ang mga ito ng mga insentibong wala ang komunidad.

Soil sampling sa tabi ng Dalul River, sa pangunguna ng geologist na si Catherine Abon (kaliwa). (Kontribusyon)
Kung matutuloy ang proyekto, makakalbo at mawawasak ang mga kabundukan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa, bukod pa sa siltasyon. Sa lambak ng Koronadal, 33,000 ektarya ng produktibong lupang agrikultural ang masisira ng siltasyon at polusyon na makakaapekto sa lupa at kabuhayan ng mga magsasaka.
Libu-libong katutubo din ang tinatayang mapapalayas mula sa kanilang lupaing ninuno. Ngayon pa lamang, ilang komunidad ng mga B’laan ang napaalis sa kanilang mga tirahan.
Hindi solusyon sa kahirapan
Ang panunuhol na ito ayon sa EIM ay isang uri ng pagbalewala sa Free, Informed at Prior Consent (FPIC) na kinukuha ng mga kompanya ng pagmimina sa mga komunidad bago simulan ang isang proyekto.
Hindi umano solusyon ang pagmimina sa kahirapan at underdevelopment sa mga apektadong komunidad at lalo lamang magpapalala sa pagkasira ng kalikasasn at kabuhayan ng mga mamamayan na pinatunayan na ng karanasan ng iba pang minahan sa bansa.
Ang imbestigasyon ng EIM ay inorganisa ng lokal na mga grupo para makakuha ng impormasyon bukod sa ibinibigay ng mga kumpanya ng minahan sa pamamagitan ng kanilang Environmental Impact Assessment (EIA).
Ang nasabing proyekto ng pagmimina ay pinakamalaki sa bansa na nagkakahalaga ng $5.2 bilyon. Sakop ng proyekto ang 31,599.64 ektarya ng mga lupain ng Sultan Kudarat, South Cotabato, Sarangani Province at Davao del Sur sa South Central Mindanao.
Kasama sa naturang EIM ang Kalikasan Peoples Network for the Environment, Center for Environmental Concerns Philippines Philippines (CEC Phils), AGHAM – Advocates of Science and Technology for the People, Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (Kamp) at Defend Patrimony! Alliance. Sa lokal na organisasyon ay kasama ang SocCSkSarGenDs-Agenda (Alliance for Genuine Development Inc.),
Tingog ug Gugma Alang sa Kinaiyahan (Tugaska), Columbio Multi-Sectoral Ecology Movement (CMEM), Columbio Parish, Save Taplan River Movement (STAR-M), at Panalipdan Youth,Save Malaglag Bay Movement, Church Peoples Advocacy for the integrity of God’s Creation at iba pang concerned religious groups, indibidwal at sektor ng negosyo.
Kabilang sa mga komunidad na pinuntahan ng grupo ang mga mga maapektuhang komunidad tulad ng Columbio, Sultan Kudarat at Malalag, Davao del Sur.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9317















