Ruta ni Ka Roda*


Malayo pero makulay at makabuluhan ang naging biyahe ni Medardo Roda sa landas ng makabuluhang pambansang pagbabago.

Si Ka Roda, kausap ang isang opisyal ng pulisya, noong dekada 80. (Boy Bagwis / PW File Photo)
Si Ka Roda, kausap ang isang opisyal ng pulisya, noong dekada ’80. (Boy Bagwis / PW File Photo)

(Unang lumabas ang artikulong ito noong Pebrero 16, 2009, matapos ang isang parangal ng mga kapwa manggagawa sa transportasyon kay Medardo “Ka Roda” Roda noong Pebrero 14 noong nakaraang taon. Muling inilagay inilalagay ng Pinoy Weekly Online sa itaas ng hanay ng mga artikulo sa seksiyong Lathalain para mabasa ng sinumang may interes sa makabuluhan at makasaysayang buhay ng isang dakilang lider-manggagawa.-Ed)

KILALA sa tawag na “Ka Roda,” pinarangalan kamakailan si Medardo Roda ng mga kapamilya, kaibigan at mga kasama sa organisasyon ng mga manggagawa sa trasportasyon. Kasalukuyan siyang tumatayo bilang chairperson emeritus ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston).

Anang marami, ang bansag sa kanya ng dating pangulo na si Ferdinand Marcos ay ang “most rebellious driver the Philippines ever had.” Paano nga ba’y mula pa noong dekada ’80, aktibo na siyang kasapi ng Piston at nakikipaglaban para sa interes ng kinabibilangang sektor. Bahagi siya ng pagpaparami ng kasapian ng Piston na sa kasalukuyan ay tinuturing na pinakamalaking organisasyon ng mga manggagawa sa transportasyon sa bansa.

Ilang beses din siyang nakulong sa pagitan ng 1983 at 1990 dahil sa kanyang paninindigan.

Sa kabila ng kasalukuyang karamdaman, tuloy pa rin si Ka Roda sa pagsisilbi sa kanyang sektor at sa buong sambayanan.

Buhay-tsuper

Ipinanganak noong Oktubre 27, 1934 at tubong Libmanan, Camarines Sur si Ka Roda. Sampu silang magkakapatid sa isang pamilya na pagsasaka ang ikinabubuhay. Madalas niyang ikuwento na sa maagang edad ay natutunan na niya ang pag-aararo.

Sa kabila ng pangangailangang tumulong sa pagsasaka habang nag-aaral, aktibo pa rin bilang estudyante si Ka Roda sa Bicol Central Academy. Nang makapagtapos sa mataas na paaralan, napadpad siya sa Maynila dahil sa “pang-ekonomiyang pangangailangan.”

Una siyang nagtrabaho sa Cavite kung saan nakasama niya ang kanyang kapatid na lalaki. Pinag-aral siya ng kanyang amo sa isang automotive school, nakapagtapos at hanggang naging tsuper sa kalaunan.

Tandang tanda pa ni Ka Roda kung kailan siya unang pumasada sa kanyang taksi: Hulyo 8, 1960.

Sa loob ng 18 taon bilang tsuper ng taksi, dalawang bagay ang nagtutunggali sa kanyang isip. Una, dama niya ang “mabuting bunga” ng pagpapatupad ng batas militar dahil sa pagbaba umano ng datos ng krimen sa Kamaynilaan. Inisip niyang nagdulot ng kaayusan ang “epektibong pagpapatupad ng batas” ng diktadura.

Ngunit sa kabila nito, kapag nagagawi ang kanyang taksi sa harap ng Kongreso na dati ay nasa Maynila, laging tumatambad sa kanyang paningin ang mga kabataan at estudyante na nagpoprotesta sa harap nito. Aniya, may armas man ang mga kapulisang pumipigil sa kanila, matapang pa rin silang humaharap sa mga ito.

Kaya naisip niyang mayroong malalim na dahilan kung bakit nila ito ginagawa.

Pagkamulat at pakikisangkot

Matapos iwanan ang pagiging tsuper ng taksi, namasada siya ng dyip na biyaheng Cubao-V. Luna noong 1978. Sa organisasyon na itinatayo ng mga tsuper sa rutang ito niya naunawaan ng kalagayan ng kanyang sektor at namulat sa iba pang panlipunang reyalidad.

Bagamat bago pa lamang na tsuper ng dyip, naging tagapangulo kaagad siya ng samahan ng mga ito sa kanyang ruta dahil na rin sa kanyang aktibong partisipasyon sa mga diskusyon at iba pang mga aktibidad. Noong 1981, nahalal si Ka Roda bilang ikatlong tagapangulo ng Piston. Matapos ito, sunud-sunod na tigil-pasada na ang matagumpay na naipanawagan ng grupo kasama si Ka Roda.

Dahil sa pakikisangkot si Ka Roda, binilanggo siya pamahalaang Marcos noong Setyembre 5, 1983 sa salang rebelyon sa ilalim ng Arrest, Seize at Seizure Order. Sa loob ng bilangguan, kasama si Ka Roda sa mga kilos-protesta kapag may paglabag sa karapatan ng mga nakalulong.

Matapos ang isang taon at tatlong buwan, nakalaya siya kasama ang ilan pa. Aniya, malungkot siyang lumabas ng piitan dahil alam niyang marami pang iba na naiwan sa loob.