Pinoy Weekly

Sampung taon matapos ang welga, mga obrero sa Leyte ikukulong

Mga militar na umaresto sa lider-manggagawa ng PNOC na si Bebot Borja noong Mayo 7, 2007. (Larawan muna sa Free Ka Bebot Borja Movement)

Mga militar na umaresto sa lider-manggagawa ng PNOC na si Bebot Borja noong Mayo 7, 2007. (Larawan muna sa Free Ka Bebot Borja Movement)

Isang araw noong Oktubre 2000, ipinutok ng mga manggagawa sa ilalim ng Leyte-A Geothermal Project Employees Union (Lagpeu, independiyente),  ang welga sa noo’y Philippine National Oil Corporation (PNOC) upang labanan ang iba’t ibang unfair labor practices ng nasabing kumpanya.

Makalipas ang ilang araw, marahas na binuwag ng mga militar at pulis ang isa sa mga itinayong piketlayn ng mga manggagawa. Pinaulanan ng bala ang mga welgista kaya naman, matinding trauma ang dinanas ng ilan sa mga ito. Mahigit 100 manggagawa ang lumahok sa nasabing welga.

Sa takot ng mga mangagawa, nagtakbuhan ito papalayo sa company perimeter; ang iba’y naglundagan sa malapit na bangin, makatakas lamang sa marahas na aksiyon laban sa kanila. Bagamat walang naitalang patay, karamihan sa kanila’y matinding nasaktan at nasugatan. Isa pa nga sa kanila, nagkaroon ng tumor sa baywang sanhi ng malakas na palo ng mahabang baril, na nauwi sa kanser at siyang ikinasawi nito kamakailan lamang.

Makaraan ang sampung taon, Agosto 12, 2010, tatlong lider ng nasabing unyon ang nahatulan ng mahigit dalawang taong pagkakabilanggo sa salang grave coercion at malicious mischief.

Hinaharang na back wage

Ang noo’y PNOC, ngayo’y Energy and Development Corporation (EDC) matapos mabili  ng pamilyang Lopez  na siya ring nagmamay-ari ng ABS-CBN-2 at Meralco, ang siyang nagtutulak ng kaso laban sa mga manggagawa.  Naniniwala ang mga manggagawa na ang kasong kanilang isinampa sa Korte Suprema upang rebyuhin ang kanilang kaso, ang siyang dahilan kung bakit nagpapatuloy ang paninikil.

Bebot Borja (Kontribusyon)

Bebot Borja (Kontribusyon)

Isa sa tatlong nahatulan si Dante Senillo. Noong naganap ang welga, bise presidente siya ng namunong unyon at kasalukuyang nag-oorganisa sa ilalim ng National Federation of Labor Unions – Kilusang Mayo Uno (Naflu-KMU) sa Leyte. Naranasan ni Senillo ang marahas na pagbuwag sa kanilang piketlayn noong 2000 maging ang iba’t ibang klase ng pananakot katulad ng pagpapaulan ng bala habang nagmamartsa patungo sa planta upang sumama sa welga.

Batay sa desisyon ng korte, ang proof of damage sa mga kaso sa kanyang grave coercion at malicious mischief ay ang basag na signal light ng Toyota Land Cruiser na pagmamay-ari ng kumpanya sa halagang P1,400.

Mariin naman itong itinaggi ng mga mangagawa, dahil sa pangyayari iyon ay bayolenteng binuwag ang piketlayn mga pulis at militar, na kung saan sila lamang ang may armas at pamalo.

Ayon kay Senillo, inalok sila ng manedsment na maaring ilalaglag nito ang kasong grave coercion at malicious mischief kung isusuko nila ang nakasampang mosyon sa Korte Suprema. Subalit naniniwala sila na malakas ang kasong ito. Ngunit nitong nakaraang buwan lamang, tinanggihan ng korte ang nasabing mosyon dahil sa kakulangan ng pirma na siyang pinasinungalingan ng mga manggagawa. Anila, naghahanap lamang ng alibi ang korte para hindi maituloy ang rebyu ng nasabing kaso.

Ang ilan sa mga akusado na napawalang-sala sa kaso ay pumasok na sa amicable settlement. Sabi ni Senillo, nakatanggap ang iba ng P300,000 bilang pinakamababa, at P800,000 bilang pinakamataas.

Ilang araw matapos maibaba ang hatol sa kanila ay maari na silang ikulong. “Naghain na rin kami ng motion for reconsideration sa Ormoc Regional Trial Court,” ani Senillo nang tanungin kung ano ang kanilang susunod na hakbangin.

Mariin namang kinondena ng KMU ang patuloy na panghaharas ng EDC sa mga dating manggagawa nito.

Paninikil sa mga lumalabang manggagawa

Hindi bago ang nasabing paninikil. Si Vincent “Bebot” Borja,  lider ng nasabing unyon noong isinagawa nila ang welga noong taong 2000, at miyembro ng pambansang konseho ng  KMU  ay mahigit tatlong taon nang nakakulong sa Leyte Provincial Jail. Kinasuhan ng kasong rebelyon at murder si Borja.

Ayon sa KMU, sa unang dalawang taon ng pagkakakulong ni Borja, wala ni isang hearing ng kanyang kaso ang naganap. Sa ikatlong taon nito, ilang beses na naipagpaliban ang mga iskedyul ng hearing.  Kinukuwestiyon din nila ang tumatayong saksi ng prosekusyon dahil ang isa pang saksing itinuturo nito ay matagal nang patay bago paman nangyari ang aksusayong krimen.

Nangangamba ang KMU sa kalagayan ni Borja, dahil sa delaying tactics umano, baka tumagal pa ito sa kulungan kung saan laganap ang tuberculosis at may mga ilan naitalang kaso na ng pagkamatay  sanhi nito sa nasabing piitan.

Sa ngayon nananawagan ang KMU sa kasalukuyang gobyerno na palayain si Borja at iba pang political prisoners.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=9325

Posted by on Sep 9 2010. Filed under Istorya ng Linggo, Lathalain. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes