Balitang Global

Abogado sa UK sumulat kay Aquino kaugnay ng “Morong 43”


Sumulat kay Pangulong Benigno Aquino ang pinuno ng Haldane Society of Socialist Lawyers para aksiyunan ang kaso ng mga inarestong manggagawang pangkalusugan na mas kilala bilang “Morong 43”. Sa sulat na ipinadala ni Liz Davies, tagapangulo ng naturang grupo, na may petsang Oktubre 17, 2010, sinabi nitong sinusubaybayan nila ang kaso mula pa nang maaresto […]

Sumulat kay Pangulong Benigno Aquino ang pinuno ng Haldane Society of Socialist Lawyers para aksiyunan ang kaso ng mga inarestong manggagawang pangkalusugan na mas kilala bilang “Morong 43”.

Sa sulat na ipinadala ni Liz Davies, tagapangulo ng naturang grupo, na may petsang Oktubre 17, 2010, sinabi nitong sinusubaybayan nila ang kaso mula pa nang maaresto ang mga manggagawang pangkalusugan noong Pebrero 6, 2010. Alam din umano nila ang ilegalidad ng pag-aresto dahil ibang tao ang nakalagay sa search warrant, gayundin ang pagkakait ng abugado sa mga biktima sa loob ng maraming araw.

Nagpahayag din ng pagkabahala si Davies na tumagal na nang pitong buwan ang petisyong isinampa sa Court of Appeals para idismis ang kasong habeas corpus na kumukuwestiyon sa legalidad ng pag-aresto.

Noong Setyembre 15, nakipagkita ang executive committee ng Haldane Society kay Justice Secretary Leila de Lima na nagsabing nirerebisa niya ang kaso. Nakita rin nila ang Morong 43 noong Setyembre 20, at inobserbahan ang kanilang kondisyon at pagkabilanggo. Nalaman din ng grupo na tumutulong ang mga kababaihang bilanggo sa mga awtoridad sa pagsasanay ng kasanayang pangkalusugan sa administrasyon at iba pang bilanggo.

Umaasa ang Haldane Society na irerekomenda ni De Lima na itigil na ang pagprosekyut sa Morong 43 at hiniling din ang pagsang-ayon dito ni Pangulong Aquino.

Hiniling din ng grupo kay Aquino na aksiyunan sa lalong madaling panahon ang mga isyung binanggit sa report ni de Lima at palayain na ang mga manggagawang pangkalusugan na mahigit na walong buwan nang nakabilanggo.

Maliban sa Haldane Society, na nakabase sa London, nanawagan na rin ng pagpapalaya sa Morong 43 ang iba’t ibang grupo ng mga abogado sa iba’t ibang panig ng bansa tulad ng International Association of Democratic Lawyers (IADL), Conference of Lawyers in Asia-Pacific V (COLAP V), International Association of People’s Lawyers (IAPL), Lawyers’ Rights Watch of Canada (LRWC), at National Lawyers Guild (NLG) ng US.