Uncategorized

Ang koneksiyon ng kamatayan ni Carmen Ronda kay Manny Pacquiao


Nanalo si Manny Pacquiao sa laban pero natalo naman si Carmen Ronda sa pakikipagtunggali sa malalang karamdaman. Naigupo ni Manny si Antonio Margarito sa desisyon ng mga hurado samantalang nabali ng kamatayan ang hininga ni Carmen Ronda. Idolo ng bagong milenyo si Pacquiao at diyosa ng kagandahan at kaseksihan si Carmen noong dekada sitenta. Magkahiwalay […]

Carmen Ronda
Carmen Ronda

Nanalo si Manny Pacquiao sa laban pero natalo naman si Carmen Ronda sa pakikipagtunggali sa malalang karamdaman.

Naigupo ni Manny si Antonio Margarito sa desisyon ng mga hurado samantalang nabali ng kamatayan ang hininga ni Carmen Ronda.

Idolo ng bagong milenyo si Pacquiao at diyosa ng kagandahan at kaseksihan si Carmen noong dekada sitenta.

Magkahiwalay na panahon pero magkadugtong na mga bahagi ng buhay—buhay at kamatayan, tagumpay at kabiguan, ngiti at pighati, halakhak at pagtangis—mga diyalektikong elemento ng buhay at kasaysyan.

Magkakakonektado naman sa isa’t isa at hindi maisasaisantabi ang isa sa isa.

Kahit na nga magkalayo ang mga panahon, parang isang iglap lang o isang kurap lang ang pagitan.

***

Bakit may kaugnayan si Pacquiao kay Ronda?

Sagot:

Dahil kay Rhene Imperial.

Si Rhene Imperial na kahanay nina Rudy Fernandez, Bembol Roco, Ace Vergel, Phillip Salvador at iba pang bantog na bituing lalaking pang-aksyon.

Nang mamayagpag si Carmen sa bold films sa panahon ng pagbabasa ng mga kamison ng mga bidang babae tulad nina Alma Moreno, Alona Alegre, Brenda del Rio, Daria Ramirez, Tina Monasterio, Trixia Gomez at iba pa, nagandahan na agad sa kanya si Rhene.

Nang magsolo sa pelikula si Imperial sa pamamagitan ng produksyon ng kanyang sariling pelikula, si Ronda ang kinuhang kapareha ni Rhene at mula noon ay nagkaibigan sila at nagpakasal.

Hindi na lumabas sa puting tabing ang aktres at naging ina at simpleng maybahay na lang ni Rhene.

***

Lagi kami noon sa Alta Vista Subdivision sa may Katipunan Road malapit sa PSBA dahil sa shooting nina Rhene at Carmen at sa mga piging na kanilang idinaraos.

Sa pugad na ito nagsilang si Ronda ng kanyang apat na anak, sina Karen, JR, King at Banjo Chua dahil ang tunay na pangalan ni Rhene Imperial at Renato Chua.

Hanggang lahat ng mga obra ni Imperial ay kumita sa takilya.

Anuman ang sabihin ng mga kritiko kaugnay sa kanyang mga likha, natatabunan ito ng kalansing at sinag ng pilak na nakukuha sa balon ng pagkita ng pelikula.

Hanggang sa makasalamuha si Rhene ng iba pang mga karakter sa lipunang ito at siya ay nag-iba at nagdagdag ng larangang negosyo pero magkasama pa rin si Ronda.

Ayon sa panayam namin kay Imperial dalawang araw pagkatapos bawian ng buhay si Carmen nang dahil sa cancer, “ang naging kasalanan ko lang siguro kay Carmen ay nang ipakilala ko siya sa mga general at sa kanilang misis noon.”

Ayon sa kanya, doon na nagsimula ang kanilang problema sa pamilya.

Nagkaroon ng ibang pamilya si Carmen kaya bilang lalaki sa isang patriyarkal na lipunan, hindi ito natagalan ni Imperial dahil sa isang machong tulad niya ay hindi puwedeng iputan siya sa ulo.

Kaya nagdeklara siyang makipaghiwalay sa aktres.

Nagkanya-kanya sila ng diskarte sa buhay pati na ang kanilang mga anak pero ayon kay Rhene ay hindi niya pinabayaan si Carmen at ang kanyang mga anak.

“Ibinili ko pa siya ng bahay sa Tierra Verde,” pagtatapat ni Rhene.

Pero nang malugso ang kanilang pagsasama ay ipinagbili na ang tahanang ‘yon.

***

Sa pagdaan ng panahon, nakilala ni Rhene si Janet Amora, isang dalaga sa General Santos City.

Kakambal ni Janet si Jinkee Amora na noon ay kasal na kay Manny Pacquiao, isang nagsisimulang boksingero sa Gensan.

Sa isang eksklusibong interbyu kay Imperial, sinabi niyang noong panahon ni Joseph Estrada nakilala niya si Janet.

“E, dalawang baril ang naka-tuck in sa bewang ko no’n. Talagang kingpin ako sa Mindanao. Pinuntahan ako ni Manny sa bahay ko. Nandoon kasi si Janet at kasama noon si Jinkee.

“Sabi ni Manny, ‘Sir, si Janet sana, gusto siyang makita umuwi na ng pamilya niya.’ Sabi ko, ‘oo ba.’ Sabi ko nga kay Manny no’n, ‘kilala kita. ‘Malayo ang mararating mo sa boxing.’ Ang tawag naman niya sa akin, ‘idol.’

“Naka-owner type jeep lang siya noon. Tapos, naging close na kami. Hanggang magkaanak na kami ni Janet. Magkakasama kami sa isang bahay. For a time, ako pa ang manager ni Manny sa boxing at sa showbiz,” pagkukuwento ni Imperial.

***

Hanggang naghiwalay rin sina Janet at Rhene.

Samantala, nababalita naman noon na nakatira sa ilalim ng tulay ng Mandaluyong City si Carmen.

“Naku, matagal nang isyu ‘yon. At saka, kahit naman no’ng mga panahong ‘yon, hindi naman tulay ang kanyang tinirhan. Kasi, sa Bonifacio kasi sa may Mandaluyong, may isang mahabang riles d’yan na aabot hanggang sa may Acacia Lane mula ro’n sa may Marketplace.

“Pero ang tinirhan ni Ate noon, hindi sa ilalim ng tulay. Sa isang bahay sa may dating riles ng tren siya tumira pero hindi sa ilalim ng tulay at marami nang malalaking building do’n no’n.

“Ewan ko ba kung saan nanggaling ang balitang ‘yon? Walang katotohanan ‘yon. Magkasama kami dahil close na close ako sa kanya,” pahayag ni CloudyRain Ignacio, kapatid sa ina ni Carmen.

Carmen Ronda ang tunay na pangalan ng aktres at ang ama nito ay may dugong Espanyol at Irish.

Nang mawala ang ama ni Carmen, nag-asawang muli ang kanyang ina ng isang Ignacio at apat ang kaputol sa puso ng seksing aktres.

“Si Ate na ang itinuturing naming panganay,” pahayag ni CloudyRain at ni Lenlen Ignacio, isang lalaki.

May anak na lalaki si Carmen sa kanyang natagpuang bagong pag-ibig pagkatapos ni Rhene, Anthony ang pangalan ng bagets at inaari ring anak ni Rhene.

***

Ngayong pumanaw na si Carmen na nakilala sa mga pelikulang “Piknik” kasama sina Ricky Belmonte, Ernie Garcia at Daria Ramirez, “Bata Pa Si Sabel” kasama si Tommy Abuel, “Kapag Tumabang Ang Asin” kabituin si Chanda Romero at iba pa at marami pang obra, naglalabasan ang mga katotohanan ng buhay.

May iba na ring pamilya si Rhene at ayon sa balita, mas bata pa kaninuman ang kanyang kasalukuyang mahal.

Pero nagkakasundo nga ang kanilang mga anak kahit na ang mga supling ng aktor sa iba’t ibang babae.

“Sinasabi ko sa mga anak ko na mahal na mahal namin silang lahat. Mali lang ang mga pagkakataon kaya nagkaganito,” sabi ni Imperial.

Pero sa unang tingin ay maliligaya at masasaya ang mga batang ito.

***

Nagkita nang muli sina Rhene at Manny pero ayon kay Imperial, iba na ang sitwasyon ngayon dahil sa New World Hotel sa Makati City kung saan nakahimpil si Manny at ang kanyang pamilya pagkarating-rating nila mula sa Estados Unidos.

Balita kasing sumasayaw na sa matatamis na musika sina Janet at Chavit Singson.

“Sa malayo ko lang nakita ang dalawang anak ko kay Janet,” paglalarawan ni Rhene nang pasyalan niya ang kampeyon.

Isa pa’y napakaraming taong nais makipag-usap kay Pacquiao.

Kasama nga ni Rhene sa pagdalaw kay Manny sa otel ang kapwa niya mga stuntman na sina Danny Labra, Jess Sanchez at Richard Duran kasama ang peryodistang pampelikulang si Linda Cabuhayan.

Nagpadala na si Pacquiao ng korona ng patay kay Carmen at ayon kay Imperial, balak bumisita at sumulyap ng boksingero sa kanyang namayapang asawa sa punerarya.

Samantala’y patuloy ang buhay sa lahat ng mga tauhan ng dulang ito ng tunay na kaganapan.