Araw ni Bonifacio, mamarkahan ng pagkilos para sa dagdag-sahod


Sa ika-147 na kaarawan ng bayani at lider-manggagawang si Andres Bonifacio, maglulunsad ng  kilos-protesta ang mga manggagagawa ng pribado at pampublikong sektor para itulak sa gobyernong Aquino ang “makabuluhang” dagdag-sahod. Sa isang press conference kahapon, iginiit ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) na sa ika-limang buwan sa puwesto ni Pang. Benigno Aquino III, […]

Nagbihis ala-Andres Bonifacio ang mga lider-manggagawang mangunguna sa pagkilos para sa dagdag-sahod sa Nobyembre 30. (Ilang-Ilang Quijano)
Nagbihis ala-Andres Bonifacio ang mga lider-manggagawang mangunguna sa pagkilos para sa dagdag-sahod sa Nobyembre 30. (Ilang-Ilang Quijano)

Sa ika-147 na kaarawan ng bayani at lider-manggagawang si Andres Bonifacio, maglulunsad ng  kilos-protesta ang mga manggagagawa ng pribado at pampublikong sektor para itulak sa gobyernong Aquino ang “makabuluhang” dagdag-sahod.

Sa isang press conference kahapon, iginiit ng Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM) na sa ika-limang buwan sa puwesto ni Pang. Benigno Aquino III, nararapat at napapanahon nang magtaas ng sahod.

“Hindi pa namin siya naririnig na magsalita hinggil sa dagdag-sahod ng mga manggagawa. Bago pa man siya maging pangulo, nananawagan na kaming tugunan ang aming hiling para dito,” pahayag ng KPMM.

Itinutulak ng alyansa ang kagyat na P125 across-the-board na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor at P6,000 naman na dagdag sa minimum na sahod ng mga nagtatrabaho sa gobyerno.

Ayon kay Ferdinand Gaite, convenor ng KPMM, hindi sapat ang implementasyon ng Salary Standardization Law 3 para matugunan ang pangangailangan ng pampublikong mga manggagawa.

Sa ilalim ng SSL 3, itinaas sa P9,000 ang minimum na sahod ng mga nasa Salary Grade 1, pero matatanggap ito sa loob pa ng apat na taon simula nang maipasa ang batas noong nakaraang taon.

“Hindi sapat ito para sa daily of cost living dito sa National Capital Region (NCR) na P27,810 kada buwan. Kadalasan, napipilitan kaming mangutang para lamang makaagapay,” dagdag ni Gaite.

Samantala, sinabi ng Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno at convenor ng KPMM, na simula nang maupo sa puwesto si Aquino, “barya-baryang” dagdag-sahod lamang ang ibinigay ng gobyerno–mula sa halagang P10 hanggang P13–sa antas rehiyon.

Pahayag ng KPMM, “Sa kabilang banda, patuloy si Aquino sa pagbibigay ng garantiya sa malalaking dayuhan at lokal na kapitalista. Alam na natin ang ibigsabihin nito: na patuloy na ilalako ng gobyerno sa kanila ang mura at sinusupil na lakas-paggawa.”

Sa NCR, magtitipon ang mga demonstrador sa Welcome Rotonda bandang ala-una ng hapon sa Nobyembre 30, bago magmartsa patungong Mendiola Bridge. Sasabayan ito ng mga pagkilos sa iba pang rehiyon ng bansa, ayon sa KPMM.