Uncategorized

Patuloy na nabubuhay ang pelikulang Filipino


Kung sinuman ang nagsasabing patay na o kaya’y naghihingalo ang pelikulang Filipino ay isang hangal. Nagtataka nga ako kay Celso Ad. Castillo nang makakuwentuhan ko lang noong Sabado ng gabi sa kanyang bahay sa Siniloan, Laguna at sabihin niyang “there’s no more movie industry.” Ano ba ‘yan? Baka ‘yong nakasanayan niyang linggo-linggo ay may ipinalalabas […]

Kung sinuman ang nagsasabing patay na o kaya’y naghihingalo ang pelikulang Filipino ay isang hangal.

Nagtataka nga ako kay Celso Ad. Castillo nang makakuwentuhan ko lang noong Sabado ng gabi sa kanyang bahay sa Siniloan, Laguna at sabihin niyang “there’s no more movie industry.”

Ano ba ‘yan?

Baka ‘yong nakasanayan niyang linggo-linggo ay may ipinalalabas na dalawa o tatlo o apat o higit pa na pelikulang lokal sa mga sinehan.

Bakit sasabihin niyang wala nang industriya ng pelikulang Filipino samantalang pinarangalan na nga siya at sukat ng 2010 Cinema One Originals Film Festival ng natatanging pagkilala bilang tagalikha ng pelikula kung wala nang larangan ng aninong gumagalaw.

‘Yan nga at buhay na buhay ang industriya—ang dami-daming pelikula.

***

Noong dalawang linggo na ang nakakaraan ay sabay-sabay pang palabas ang “Petrang Kabayo” ng Viva Entertainment sa pangunguna ni Vice Ganda at “Till My Heartaches End” ng Star Cinema sa pagbibida nina Kim Chiu at Gerald Anderson.
Samantala, bago ang dalawang ito ay ipinalabas ang “White House” ng Regal Entertainment at GMA Films sa paglulunsad sa tambalang Gabby Concepcion at Iza Calzado.

At kasabay ng obra ni Vice at nina Kim at Gerald ay nag-premiere night ang “Ang Babae sa Sementeryo” nina Maria Isabel Lopez, Isadora, Mon Confiado, Eddie Tuason, Danny Labra, Roi Vinzon, Boots Anson Roa, Ella Guevarra, Jigo Garcia, Brylle Mondejar, Chito Alcid, Ivy Batulahar at marami pang iba sa direksyon ni Neal “Buboy” Tan.

Mula ito sa produksyon ng dating konsehal ng Lunsod ng Quezon na si Atty. Ariel Inton na showbiz naman ang muling pinagkakaabalahan matapos matalo sa pagkaalkalde ng siyudad noong nakaraang halalan.

Nagbuo si Ariel ng kumpanya na tinawag niyang AEI Movie Production at sumumpang lilikha ng maraming pelikula.

O, e, ano pa ang tawag natin d’yan?

Hindi ba’t papalawak ang produksyon ng pelikula.

Kaya ang ibig sabihin nito ay umuunlad ang industriya, ang showbiz kaya lang nga ay ang tanong ay saan napupunta ang kinikita nito samantalang pahirap din nang pahirap ang mga manggagawa rito?

***

Nagpa-presscon na ang Department of Health at ang Exogain Productions sa pinagsanib nilang puwersa ng produksyon ng “HIV (Si Heidi, si Ivy at si V…)”
Tampok naman sa pelikula sina Jake Cuenca, Candy Pangilinan, Maria Isabel Lopez, Mara Yokohama, Iza Calzado, Abby Cruz, Precious Lara Quigaman at marami pang iba.

Tungkol ito sa mga taong may HIV o Human Immuno Virus na siyang lumilikha ng Acquired Immune Deficiency Syndrome o AIDS.

Gagampanan ni Jake ang isang documentary filmmaker na gumagawa ng dokyumentaryo tungkol sa mga pasyente ng HIV at AIDS at kung paano maiiwasan o malalagpasan kundi man malulunasan sa ngayon ang mga karamdamang ito.
Mula ito sa konsepto at kuwento ng isang tunay na may HIV na si Wanggo Gallaga, ang bagets na anak ng premyadong direktor na si Peque Gallaga.

“Gusto kong makapagmulat sa mga tao ng tungkol sa HIV at AIDS. Ayaw kong lumala pang lalo ang mga sakit na ito sa ating bansa. Sa pamamagitan ng pelikulang ito, masasagot ang mga katanungan sa mga bagay na nais malaman ng mga tao tungkol sa HIV at AIDS.

“Maraming natatakot lumantad kung sila ay may HIV o AIDS pero mas mabuti na ang lumantad kaysa magtago at maging sanhi ng depression pang lalo.

Kailangang mabigyan natin ang mga tao ng tamang edukasyon tungkol sa mga sakit na ito,” pahayag ni Neal na siya ring direktor ng obra.

Mabili si Tan sa pagdidirek dahil marami pa siyang mga trabahong ipapalabas.

***

Kilala nga ang showbiz sa pananaw na maraming mahiligin sa seks sa larangang ito.

Ano nga kaya ang magagawa ng mga artista ng pelikulang ito para mabura ang impresyong ito sa mga taga-showbiz?

“I don’t recommend sex but I don’t wanna sound preachy about it. I don’t want to curtail freedom. But we have to be responsible. I guess the main line here is to educate the people about the effects of promiscuity and the aggressiveness of people about sex.

“Na baka magkaroon sila ng HIV o AIDS pero hindi ibig sabihin nito ay kailangang diktahan natin ang mga tao. We have the freedom to choose and that is very important,” pahayag ni Iza sa isang eksklusibong panayam.

Isang modelo ng kagandahang-ugali at magandang pagkatao ang pagkababae ni Iza kaya naman marami ang humahanga sa kanya sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig ng aliw.

***

Hindi nga pinagtatalunan ang kantidad ng kung marami o wala nang pelikula kundi ang kalidad ng karamihan o kauntian ng mga ito.

Kasi nga’y namamayagpag ang telebisyon ngayon dahil libre itong panoorin kaysa naman pelikula na may bayad.

Sa mahal ng mga bilihin ngayon at sa kapos na sahod o kita ng mga tao, mas uunahin nila ang pagtangkilik sa libre kaysa may bayad pa.

Pero may kalidad ba ang kanilang napapanood tulad rin sa tanong kung makabuluhan din ang namamalas sa puting tabing.

Sangrekwa nga ang mga pelikula, ano naman ang halaga ng mga ito sa buhay ng mga tao?

May mapupulot ba ang mga nilikha na sukat ipagpabago ng kanilang buhay?

***

Panoorin ang pitong lahok sa ika-6 na Cinema One Originals Film Festival na palabas sa Shang Cineplex sa Shangri-La Plaza sa Mandaluyong City at kapuna-puna na hindi patay ang larangan.

Buhay na buhay ito.

Nand’yan ang “Ishmael” ni Richard V. Somes tampok sina Ronnie Lazaro, Pen Medina, Mark Gil, Dan Alvaro at Ria Garcia kasama ang peryodistang pampelikulang si Bunch Cortez.

Tungkol ito sa pagbabalik sa lipunan ng isang dating sundalo na pumatay ng kanyang misis nang madiskubreng sumisiping ito sa ibang lalaki. Pagkatapos mabilanggo ay ibang pakikipaglaban naman ang ginaygay ni Ishmael na ginagampanan ni Ronnie dahil iniligtas niya sa kapahamakan ang isang batambatang babae na si Agnes (Ria Garcia) sa kamay ng buhong na lider ng kultong pangrelihiyoso na si Ama (Mark Gil).

Nand’yan din ang “Tsardyer” ni Sigfreid Barros-Sanchez na ukol naman sa isang batang Muslim na si Shahib na siyang tagapag-charge ng battery ng cellphone ng mga Abu Sayyaf sa ibaba ng kabundukan upang gamitin sa negosasyon ng mga rebelde sa mga pamilya ng kanilang dinudukot.

***

Hindi mapapasubalian ang katuturan ng “Third World Happy” ni EJ Salcedo na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria at Sam Milby.

Ito ay tumatalakay sa isang Fil-Am na alagad ng sining na nagbalikbayan sa Pilipinas para balikan ang kanyang nakaraan, ang mga tao at bagay sa kanyang buhay.

Ang “Dagim” ni Pedro Valdez, ayon sa peryodistang pampelikulang si Dennis Adobas ay napakaganda at kailangang panoorin ng bawat Filipino ay ipinagbunyi na ng direktor at alam ba ninyong nilimas niya ang lahat ng tiket sa takilya at ipinamudmod nang libre sa kanyang mga kaibigan, kaanak at kakilala para mapuno ang sinehan pero kahit hindi niya gawin ‘yon ay maaamoy ng mga mahiligin sa pelikula ang obra.

Hindi rin dapat kalimutan ang “Astro Mayabang” ni Jason Paul Laxamana na tungkol sa isang bagets na nais magpasiklab sa mga tao sa pagganap ng mahusay sumayaw na aktor na si Aaron Villaflor.

At ang “Layang Bilanggo” ni Michael Angelo Dagnalan na pinangungunahan ni Pen Medina ay may laban sa katinuan ng pagkakagawa gayundin ang “Ang Damgo ni Eleuteria Kirschbuam” ni Remton Siega Zuasola na pawang panggolpe de gulat din.
O, saan pa tayo pupulutin n’yan sa dami nang pelikulang ‘yan?

Ang problema na lang ay kung wala tayong panahong manood hindi ang kawalan ng mapapanood.

***

Narito nga pala ang mag nagwagi sa ika-6 na Cinema One Originals Films Festival na ginanap ang awards night sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN noong Linggo, ika-14 ng Nobyembre, 2010:
Best Film—“Layang Bilanggo”

Jury Prize—“Ang Damgo ni Eleuteria Kirschbaum”
Special Citation—“Astro Mayabang”
Best Director—Michael Angelo Dagnalan (“Layang Bilanggo”)
Best Actor—Pen Medina (”Layang Bilanggo”)
Best Supporting Actor—Marc Abaya (“Dagim”)
Best Supporting Actress—Jodi Sta. Maria, (“Third World Happy”)
Best Screenplay—“Layang Bilanggo”
Best Cinematography—“Ishmael”
Best Editing—“Ishmael”
Best Production Design—“Ishmael”
Best Sound—“Dagim”
Best Musical Score—“Ang Damgo…”
Audience Choice—“Astro Mayabang”

Wala umanong karapat-dapat na Pinakamahusay na Aktres sa sanrekwang mga artistang babae.