Popularisasyon ng reporma sa lupa sa pelikula


Ngayong nasa internet na Ang Pagbawi sa Luisita, inaanyayahan ng Mayday Multimedia at PinoyMedia Center ang lahat na panoorin at higit pang palaganapin ito

Inilabas na ng Mayday Multimedia sa internet ang kanilang bidyo-dokumentaryo hinggil sa mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Tumatakbo ng 32 minuto, Ang Pagbawi sa Luisita ay isang malikhaing presentasyon ng kasaysayan ng kanilang laban para sa reporma sa lupa, at ang kasalukuyang mga balakid na kanilang kinakaharap sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Panoorin ang pelikula:

Pagbawi sa Luisita from mayday multimedia philippines on Vimeo.

Noong Nobyembre 15, nakipagtulungan ang PinoyMedia Center (PMC) sa Mayday Multimedia para ilunsad ang Pagbawi sa Luisita. Dumalo ang halos 100 katao sa nasabing fundraising premiere na ginanap sa College of Mass Communications, Unibersidad ng Pilipinas Diliman.

King Catoy ng Mayday Multimedia
King Catoy ng Mayday Multimedia

Sa kanyang pananalita, nagpasalamat si King Catoy, production head ng Mayday para sa nasabing pelikula, sa lahat ng mga nakibahagi sa proyektong popularisasyon ng isyu ng reporma sa lupa sa pamamagitan ng pelikula. “Gusto man naming libre ang ating panonood ngayong hapon, tulad ng karaniwang pagpapalabas ng mga likha ng Mayday at mga kapanalig na multimedia groups, kinailangan po naming tiyakin na maipapamahagi ang kopya ng Pagbawi sa Luisita sa mga organisasyon ng mga manggagawa at magsasaka sa iba’t ibang panig ng bansa,” aniya.

Hinikayat ni Catoy ang lahat na palaganapin ang pelikula, lalo sa antas komunidad, kung saan salat ang impormasyong makabuluhan para sa pagpapataas ng kanilang pampulitikang kamulatan. “Huwag kayong mag-alinlangan sa pagpapadami ng hawak ninyong kopya sapagkat ito ay maaaring maging armas – armas na katulad ng mga tula, painting, graffiti at mga lathalian…para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at pambansang demokrasya,” aniya.

Samantala, ipinaliwanag ni Kenneth Guda, isa sa mga direktor ng PMC, na bilang instistusyong pangmidya na nagsisilbi sa interes ng mga mardyinalisadong sektor, hindi na lamang dapat magpakasapat sa produksiyon ng mga balita. Umano’y kailangang aralin ang subukan ang lahat ng malikhaing mga porma at pamamaraan ng paghahatid ng impormasyon.

Premiere night ng Pagbawi sa Luisita sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong Nobyembre 15
Premiere night ng Pagbawi sa Luisita sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong Nobyembre 15

Nagsalita rin sa premiere si Rodelson Mesa, tagapagsalita ng Alyansa ng Manggagawang-Bukid sa Asyenda Luisita. Nagpasalamat siya sa PMC at Mayday para sa pagtuon ng atensiyon sa isang nagbabaga pa ring usaping panlipunan.

Kinabukasan, pinalabas din ang pelikula sa pagdiriwang ng ika-anim na anibersaryo ng masaker sa Hacienda Luisita sa Brgy. Mapalacsiao sa loob ng asyenda sa Tarlac City. Daan-daan ang nakapanood nito, karamiha’y mga taga-asyenda, mga magsasaka mula sa iba’t ibang rehiyon, at kanilang mga tagasuporta.

Ngayong nasa internet na ang Pagbawi sa Luisita, inaanyayahan ng PMC at Mayday ang lahat na panoorin at higit pang palaganapin ito. Batid namin na marami sa mga masang manonood na higit na kailangan ang impormasyong hatid ng pelikulang ito ang walang computer at internet. Ngunit sa tulong ng mga sumuporta, maaari na kaming magpalaganap pa ng mga kopya sa DVD format para makarating ang pelikula sa mas maraming mga tahanan at komunidad.

Sa mga interesadong makakuha ng kopya ng Ang Pagbawi sa Luisita, makipag-ugnayan lamang sa mayday.philippines@gmail.com