Balitang Global

Paglisan ng 30,000 tropang Kano sa South Korea, hiniling


Inihayag ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang kahilingan nito para sa paglisan ng mahigit 30,000 tropang Amerikano sa South Korea para mabigyang-daan ang “mapayapang muling pagsasanib ng Korea” at para “hayaan ang mga Koreano na matamasa ang karapatan nila sa sariling pagpapasya.” Kinondena ng ILPS ang kasalukuyan umanong panggugulo ng US at ng […]

Pagmamanman ng mga tropang militar ng US at South Korea sa North Korea (nydailynews.com)
Pagmamanman ng mga tropang militar ng US at South Korea sa North Korea (nydailynews.com)

Inihayag ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS) ang kahilingan nito para sa paglisan ng mahigit 30,000 tropang Amerikano sa South Korea para mabigyang-daan ang “mapayapang muling pagsasanib ng Korea” at para “hayaan ang mga Koreano na matamasa ang karapatan nila sa sariling pagpapasya.”

Kinondena ng ILPS ang kasalukuyan umanong panggugulo ng US at ng papet na rehimen ng South Korea sa Democratic People’s Republic of Korea (DPRK).

Ang pahayag ng ILPS, isang pandaigdigang anti-imperyalistang liga, ay nilagdaan ni Prof. Jose Ma. Sison, tagapangulo ng ILPS at Pilipinong kasalukuyang naninirahan sa Netherlands.

Laman ng mga balita ang pagdating noong Nobyembre 23 ng 70,000 tropang militar ng South Korea at US para sa isang linggong maniobra sa hangganan ng DPRK. Layon umano ng nasabing military exercises ang simulation o pag-eensayo ng aktuwal na pananakop sa DPRK.

Ayon sa ILPS, sinalakay ng mga tropang South Korean ang DPRK sa pamamagitan ng pagpapaputok sa sakop na katubigan nito bandang 1:00 ng hapon. Pagkalipas lamang ng isa’t kalahating oras rumesponde ang sundalong DPRK.

Bilang depensa ng DPRK, pinaputukan ang isang maliit na isla ng Yonphyong na hawak ng South Korea.

Sa tingin ni Sison, ang pagsalakay ng mga sundalong South Korean sa hangganan ng DPRK ay iniudyok ng mapanalakay na “amo” nitong US. Tinangka umano nitong ibandila sa pamamagitan ng mass media na ang DPRK ang nagsimula ng probokasyon.

Binabalak ngayon ng US na ipadala ang isang aircraft carrier na pinapatakbo ng enerhiyang nukleyar, ang USS George Washington. Kabilang din dito ang libu-libong war ships, destroyers, at fighter jets.

Ipinaala-ala ni Sison na ang puwersang militar ng US ay sangkot din sa giyerang mapanakop ng South Korea noong 1950-53 Korean War. Milyun-milyong Koreano ang nasawi sa nasabing giyera na nagbukas sa ibayong panghihimasok ng US sa bansa, matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.