Desisyon sa kasong Vizconde, may epekto sa iba pang kaso ng karahasan sa kababaihan


Malinaw na larawan ng kapalpakan ng sistemang hustisya ang kinahinatnan ng kaso sa Vizconde Massacre, ayon sa militanteng alyansang pangkababaihan na Gabriela.

Carmela Vizconde, 18-anyos noong 1991, biktima ng karahasan sa kababaihan

Malinaw na larawan ng kapalpakan ng sistemang hustisya ang kinahinatnan ng kaso sa Vizconde Massacre, ayon sa militanteng alyansang pangkababaihan na Gabriela.

Naaalarma ang grupo na maaari umanong magkaepekto ang kasong Vizconde sa iba pang kaso ng karahasan sa kababaihan (violence against women, o VAW), tulad ng panggagahasa, panghaharas, at iba pa.

“Pinangangambahan namin ang epekto nito sa ibang biktima ng VAW. Maaaring makapanghina sa iba pang biktima na magreklamo at humiling ng hustisya ang pagbalik pa sa square one ng isang high profile case na ito matapos ang 20 taon ng imbestigasyon at paglilitis,” sabi ni Joms Salvador, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Nagagalit din umano ang Gabriela sa kung papaano naging inutil ang sistemang hustisya sa bansa sa pagbigay ng hustisya sa pamilyang Vizconde.

Itinuro ni Salvador ang kapalpakan umano ng pulisya na imbestigahan ang kaso. Lalong nakakapanduda sa resulta ng imbestigasyon ang pagkakasangkot ng isa sa mga pulis sa krimen noong 1991.

“Naghintay ang mga kaanak ng mga biktima ng 20 taon, para lamang desisyunan ng Korte Suprema na palayain ang mga suspek,” sabi pa ni Salvador.

Para sa Gabriela, “walang kapatawaran” ang kainutilan umano ng mga awtoridad sa kasong ito.

Nanawagan ng bagong imbestigasyon ang grupo sa kaso ng Vizconde Massacre, lalunang malapit nang matapos ang 20-taong prescription period (panahong maaaring litisin ang suspek sa kaso) sa Hulyo 2011.

Noong Hunyo 30, 1991, natagpuang patay sina Estellita, Carmela at Jennifer Vizconde sa kanilang tahanan sa BF Homes, ParaƱaque. Puno ng saksak ang tatlong biktima, at may ebidensiyang ginahasa ang 18-anyos na si Carmela.

Matapos ang dalawang set ng suspek na nahuli at pinalaya ng pulis, lumantad ang diumano’y isang saksi, si Jessica Alfaro, noong 1995 para ituro sina Hubert Webb, Antonio Lejano II, Hospicio Fernandez, Michael Gatchalian, Miguel Rodriguez, Peter Estrada, Joey Filart, at Artemio Ventura.

Nahatulan silang maysala ni Judge Amelia Tolentino ng ParaƱaque RTC noong Enero 2000, at pinatotoo ng Court of Appeals noong Disyembre 2005. Ngunit nitong Disyembre 14, 2010, binaliktad ng Korte Suprema ang desisyon, at lumaya ang mga suspek.