Kabataan, napaslang sa paglabag ng AFP sa tigil-putukan


Nilabag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pinakamahabang deklaradong tigil-putukan sa pagitan ng mga puwersa ng gobyerno at rebeldeng New People’s Army (NPA), ayon sa pahayag ng Lucio de Guzman Command ng NPA sa Mindoro. Sa isang hiwalay na pahayag, kinumpirma naman ng Anakbayan-Timog Katagalugan na napatay sa nasabing opsensiba ng 80th Infantry […]

Lester Barrientos (gitna, naka-puti), miyembro ng Southern Tagalog Cultural Network, sa isang pagtatanghal noong kilos-protesta sa ika-100 araw ni Panguong Aquino. Napaslang si Barrientos sa umano'y opensiba ng 80th ID ng AFP sa Occ. Mindoro, sa kabila ng tigil-putukan.

Nilabag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pinakamahabang deklaradong tigil-putukan sa pagitan ng mga puwersa ng gobyerno at rebeldeng New People’s Army (NPA), ayon sa pahayag ng Lucio de Guzman Command ng NPA sa Mindoro.

Sa isang hiwalay na pahayag, kinumpirma naman ng Anakbayan-Timog Katagalugan na napatay sa nasabing opsensiba ng 80th Infantry Batallion ng AFP sa San Jose, Occidental Mindoro si Stephen Lester Barrientos, isang 19-gulang na miyembro ng Southern Tagalog Cultural Network (STCN).

Sa salaysay ng NPA, “patraydor na sinalakay” ng mga elemento ng 80th IB ang isang pangkat ng mga rebelde na nakahimpil sa isang bahay sa So. Upper Balading, Brgy. Bayotbot bandang alas-12 ng hatinggabi noong Disyembre 23.

“Napilitang umatras ang mga NPA upang maiwasan ang pinsala sa mga masa sa lugar,” ayon kay Ka Higom Maragang, tagapasalita ng Lucio de Guzman Command.

Samantala, sinabi naman ni Neil John Macuha, deputy secretary general ng Anakbayan Southern Tagalog, na nagpunta si Barrientos sa lugar para bisitahin ang kanyang ama na nakatira sa lugar.

“Bago siya umalis papuntang Mindoro, nasasabik siya at kampante na hindi siya mapapahamak sa kanyang bisita dahil sa deklaradong ceasefire,”  ani Macuha.

Idineklara ng AFP at NPA ang tigil-putukan mula Disyembre 16, 2010 hanggang Enero 3, 2011 bilang bahagi ng confidence-building measures para sa pagsisimula ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines sa unang kwarto ng susunod na taon.

Miyembro si Barrientos ng STCN, isang grupong pangkultura sa rehiyon. Pinakahuli siyang nagtanghal sa kilos-protesta sa Mendiola noong Disyembre 10, International Human Rights Day.

Tumigil si Barrientos sa pag-aaral sa Batangas State University dahil sa kakapusang pampinansiya. Simula noong 2006, naka-fulltime siya sa STCN, isang grupong nagsasanay sa larangan ng teatro, sayaw, at musika para mailarawan ang kalagayan ng mga kabataan at iba pang mardyinalisadong sektor ng lipunan.

“Isa siyang dedikadong manggagawang pangkultura–kumikinang ang kanyang talento sa bawat street play.  Malaki siyang kawalan. Nabuhay siya sa nang di-makasarili at puno ng sakripisyo para lamang maintindihan at mahikayat ang iba na lumahok sa pakikibaka,” sabi ni Macuha.

Iginiit ng Anakbayan-ST na dapat panagutan ng 80th IB ang paglabag nito sa tigil-putukan. Nanawagan ang grupo ng hustisya para kay Barrientos.