Uncategorized

Ang dapat mangyari sa lipunang showbiz ngayong 2011


Tama na ang ilusyon na ang showbiz ay hiwalay na lipunan mula sa sosyedad ng kabuuang bansang Pilipinas at tama na rin ang kaisipan at damdaming pang-aaliw lang ang pelikula, telebisyon, radyo, teatro, musika at bidyo. Hindi na totoong pang-alis-lumbay lang, pampatawa lang, pampasikdot lang, pampalibog lang, pampabalik-alaala lang, pangpahilakbot lang, pampakilabot lang, pampaibig lang, […]

Tama na ang ilusyon na ang showbiz ay hiwalay na lipunan mula sa sosyedad ng kabuuang bansang Pilipinas at tama na rin ang kaisipan at damdaming pang-aaliw lang ang pelikula, telebisyon, radyo, teatro, musika at bidyo.

Hindi na totoong pang-alis-lumbay lang, pampatawa lang, pampasikdot lang, pampalibog lang, pampabalik-alaala lang, pangpahilakbot lang, pampakilabot lang, pampaibig lang, pangkabataan lang, pampakilig lang, pangkasaysayan lang, pam-fans lang, pambakya lang at kung anu-ano pang maling oryentasyon ang showbiz.

Kundi ang showbiz at ang mga elemento nito tulad ng pelikula, musika, telebisyon, teatro, radyo, bidyo, independent o indie film, makabagong telekomunikasyon tulad ng cellphone, Ipod, computer at iba pang modernong elektroniko ay bahagi rin ng mas malawak na tunggalian ng mga puwersa sa lipunan; na bahagi ito ng mas matinding byurukrasya; na umuugit din ito sa pag-ikot ng kapital sa wala na yatang katapusang ugnayan ng pagpapawis at pagkakapera ng dalawang nag-uumpugang relasyon ng manggagawa ar kapitalista; na kasabay ito ng mas maluwang na espasyo ng maigting na sirkulo ng lamangan sa ngalan ng komersyo at negosyo, na ito ay sining na kailangan ding liripin at kayurin o kalusin kung hindi na makakatulong sa paglago at pag-unlad ng buhay sa mas napapanahong kalakaran ng kapaligiran; na ito ay ginagamit sa lisyang kahulugan ng globalisasyon kundi man sa mas pansariling kapakanan ng mga katutubong nagmamaneobra kung hindi man nanlalamang; na ang diwa, kaisipan, rikotikos at tinatalakay sa mas nangingibabaw na moda ng produksyon ng pelikula ay makaluma, tradisyunal at mas kumikiling sa obskyurantismo kaysa pagpapalaya sa isip at puso ng mga mamamayan at iba pang kumakampi sa balatkayo at pag-iwas sa katotohanan.

2011 na at tulad ng dati, nakikipaglaban pa rin ang mga tunay na diwa ng sining ng pelikula at telebisyon sa dati-rating himaymay ng kabulastugan.

***

Samantalang panahon pa ng artes y letras nina Dr. Jose Rizal at Andres Bonifacio ay uso na ang pagkontra sa diktadurya ng mapang-aping sining at sa panahon ng mga Gerardo de Leon ay nandito na sa ating piling sa showbiz ang nagpapaliwanag na sikat ng lente ng kamera at ang pagpapamalas ng totoong nangyayari sa ating paligid sa puting tabing pero wari’y mas pinaboran nating mga tagatangkilik ng showbiz ang mga kahibangan.

Lalo na naman ng panahon nina Lino Brocka at Ishmael Bernal na kay linaw ng landas na nais tahakin ng dalawa sa komersyo ng aliw kahiman at biktima rin sila ng karumal-dumal na sistema pero sa likod ng mga utak ng mga henyong ito ay gusto nilang patirin ang litid ng kawalang-pakialamanan dangan nga lamang at segun ito sa takbo ng utak ng mga tagahanga na nilaib ang buhay at pagkatao sa dahon ng kolonyal at imperyalistang edukasyon at kultura.

Ngayong uso na na ang mga malalayang pelikula o ang tinatawag na independent o indie filmmaking, mas may tunghin din ang showbiz pero bakit katiting lang ang ibinabaling na interest ng mga tao at ang puwersa ng mas naunang tradisyon ang mas sinusunod at ginawang palatandaan at patakaran sa gitna ng pagsakay nito sa popularidad ng digital na paggawa ng pelikula?

***

Hindi na marahil totoo ang kasabihang mas uunahin ang paglalaman sa kumakalam na sikmura kaysa panonood ng makabuluhang panoorin sa TV at pinalakang tabing sa mga mall o sa mga natitira pang sinehan sa mga baybay-bayan at siyudad ng sibilisasyon ng kabihasnan at kalunsuran o kahit sa pagsakop ng kunong kaunlaran sa mga kanayunan.

Dahil ano ba naman ang ipinapalaman natin sa ating mga bituka kundi wala ring kalidad na mga pagkain kaalinsabay ng pagsamba at pagtangkilik sa mga kulang sa sustansiyang panoorin sa modernong komunikasyon?

Ang sabi ng mga nakararaming progresibo at ekonomista ay uunlad lang ang sining kung busog ang kaalaman at kalamnan ng taumbayan pero paano mabubusog at lulusog ang tiyan at isipan kung pawang mga basyo at ampaw na pagkain lang ang nakahanay at nakahain sa hapag-kainan?

Sabay dapat na tinatalakay at sinusulusyunan ang kakulangan ng mga bagay-bagay at kagutuman sa sining at sa ekonomiya kabilang pa ang ibang sangay ng eksistensiya tulad ng panlipunan, teknolohiya, relihiyon, metapisika, industriya, kalinangan at marami pang iba.

Dahil sabay lang sa paggiling ang mga ito sa bawat sandali ng ating pagkatao sa araw-araw na ginawa ng Diyos kaya bakit ihuhuli ang showbiz samantalang importante rin itong nilikha sa mundo?

Magiging isang nakakatawang eksena kung babale-walain ang larangan ng aliw dahil hindi ito magiging kapani-paniwala sa paningin ng mga tao lalo na sa hanay ng mga pangkaraniwang mamamayan disenyo ng mga nagpipilit na baguhin ang sistema at takbo ng lipunang Filipino daanin man ang pagbaklas sa mapayapang pagbabago o sa madugong himagsikan.

***

Sana naman ang Star Cinema, Imus Productions, Regal Entertainment, Viva Films, GMA Films, APT Entertainment, OctoArts Films, Cinemabuhay, ABS-CBN Film Productions, M-Zet TV, RVQ Productions, Ambient Films, Centerstage Productions at iba pang lumilikha ng showbiz ay makapagbigay sa mga mamamayan ng mas kumukumpronta sa mga mapang-aping detalye ng buhay sa iskrin at hindi pulos pormula at pangkamot lang sa likod ng mga maimpluwensiya at mga kumpare at kumara sa piyudad na lipunan.

Sana naman ang GMA Network, ang ABS-CBN, ang Radio Philippines Network, ang QTV, ang Associated Broadcasting Corporation, ang Intercontinental Broadcasting Corporation, ang UNTV, ang Studio 23, ang Nation Broadcasting Network at iba pang istasyon ng radyo at telebisyon sa pambansa at panrehiyong sangay ay maglahad ng lubus-lubusang pagtataguyod  sa sambayanan kahit na kontra pa sa komersyal at tumutubong layunin ng polisiya ng bawat pangasiwaan sa isang kapitalistang kaayusan.

Manigong Bagong Taon sa lahat.