Pagtaas ng pasahe sa MRT, LRT tinutulan ng kabataan


Sinalubong ng mga kabataan ang nakaambang pagtaas ng pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) sa taon na ito.

Protesta ng kabataang estudyante laban sa pagtaas ng singil sa MRT, LRT at iba pang serbisyo. (Darius Galang)
Protesta ng kabataang estudyante laban sa pagtaas ng singil sa MRT, LRT at iba pang serbisyo. (Darius Galang)

Sinalubong ng mga kabataan ang nakaambang pagtaas ng pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) sa pagpasok ng bagong taon.

Nagsagawa ng noise barrage kahapon ang grupo ng kabataan sa ilalim ng Derail The Hikes Alliance sa iba’t ibang bahagi ng Maynila upang ipahayag ang kanilang pagtutol sa pagtaas ng pasahe, kasama na ang nakaambang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang nauna nang pagtaas ng toll fees.

Nakikita ng mga estudyante na ang kanilang gastusin sa pasahe ay dagdag sa taunang pagtaas ng matrikula, mga mamahaling libro at tirahan. Maraming estudyante ang sumasakay sa MRT at LRT araw-araw, kaya malaking pagkabahala ang kanilang isinaad ukol rito.

“Ang pagdagdag ng pasahe sa MRT at LRT, at ang bagong-taas na toll, ay dagdag-pasanin sa mga estudyante at ang aming mga magulang,” pahayag ni Casiana Giron, tagapangulo ng League of Filipino Students sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman.

“Tulad ng maraming estudyante na sumasakay sa MRT at LRT araw-araw upang tumungo sa paaralan, tutol kami sa anumang hakbangin upang magtaas ng pasahe. Kaya pahayag namin na sa susunod na mga araw, magsasagawa kami ng malalaking pagkilos upang tutulan ang mga pagtaas sa pasahe na ito,” sabi pa ni Giron.

Sunud-sunod na pag-aapruba ng pagtaas sa pasahe ang sumalubong sa bagong taon. Nauna nang itinaas ang toll fees sa South at North Luzon Expressways, at ang flagdown rates ng mga taxi mula P30 patungong P40. Naaprubahan na rin ng Malakanyang ang pagtaas ng pasahe sa LRT at MRT, at hihintayin ang iba pang hakbang sa lubos na pagpapatupad ng bagong pasahe sa darating na Marso.

Kaya para kay Vencer Crisostomo, tagatipon ng alyansa, serbisyo publiko ang sistema ng mass transit at dapat manatili ito sa ganoong paraan. “Ang kabiguan ng gobyernong Aquino na maprotektahan ang sambayanang Pilipino sa kakapatupad na hikes sa SLEX at NLEX, ang pag-apruba sa pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT, sa mga taxi at iba pang pampublikong transportasyon, ay nagpapatingkad sa pagiging manhid ng administrasyon sa mga pasakit ng sambayanan.”

Binubuo ang Derail the Hikes Alliance ng progresibong mga grupo ng kabataan maging ng mga konseho ng mga mag-aaral at publikasyong pangkampus.