Uncategorized

Sapat na bang laging “public domain” ang sangkalan sa permiso sa produksiyon ng mga lumang likhang-sining?


Sa ngalan ng batas, ang pagsunod sa mga pariralang “public domain” sa pagbuo, pagbibigay-interpretasyon at pagpoproduksiyong muli ng mga lumang artistikong bagay ay laging ligtas sa anumang katungkulan, tungkulin o responsibilidad ng mga nagbibigay-kabuuan, naglalapat ng ibang interpretasyon at pagganap sa bagong poduksyon ng mga nakaraang likhang-sining mga ilang taon o dekada na ang nakakaraan. […]

Sa ngalan ng batas, ang pagsunod sa mga pariralang “public domain” sa pagbuo, pagbibigay-interpretasyon at pagpoproduksiyong muli ng mga lumang artistikong bagay ay laging ligtas sa anumang katungkulan, tungkulin o responsibilidad ng mga nagbibigay-kabuuan, naglalapat ng ibang interpretasyon at pagganap sa bagong poduksyon ng mga nakaraang likhang-sining mga ilang taon o dekada na ang nakakaraan.

Napakaluwag at napakasuwerteng situwasyon ito para sa mga kasalukuyang henerasyon sa pagbuong uli ng nakaraang obra, nakasulat man o hindi.

Kasi nga’y nakasaad sa batas na ang anumang dokumentong pinaglipasan na ng panahon, halimbawa’y limampu o higit pang taon, at naisipang kutingtingin muli o bigyan ng makabagong pananaw ay hindi na kailangang humingi ng pahintulot sa pagbabagong-anyo nito kundi man paglalaman ng ibang nilalaman.

Halimbawa’y ang mga akda ni Dr. Jose P. Rizal na “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo,” mga nobelang sinulat ng awtor noong kanyang kapanahunan noong mga 1800s.

Kung pagbabatayan ang pagka-public domain nito sa loob ng takdang panahon na nakasaad sa batas, aba’y talagang hindi na nga pagmamay-ari ito ni Rizal kundi ng lahat ng tao na sa buong daigdig.

Paano naman ang mga taong may kaugnayan kay Rizal, wala na ba silang karapatan na magmay-ari nito kahit na patay na ang orihinal na lumikha nito’t kaanak nila?

***

Ito ang isa sa mga sanligan ng argumento na puwedeng ilapat o gawing sangkalan sa talakayan sa pagmamay-ari o karapatang pagmamay-ari ng isang likhang-sining.

Kapuna-puna na ang daming mga organisasyong panteatro, nakabase man sa mga eskuwelahan o komunidad o simbahan o korporasyon na humahalaw kundi man buung-buong kumukopya ng mga nilalaman, ideya o anumang impluwensiya ng mga akda ng mga nagdaang panahon halimbawa’y ang pagsasalin sa dula ng mga nobela o mga pampanitikang gawa ni Rizal.

Sapat na bang sabihing “public domain” naman ang mga trabaho ng Pambansang Bayani kaya kahit sino na lang ay maaaring magbigay ng bagong pananaw o pamamaraan sa kanyang mga nilikha?

Sapat na bang sabihing “public domain” naman ang mga literatura ni Rizal o ni Andres Bonifacio o ang pinta ni Juan Luna o ang mga musika nina Nicanor Abelardo o ni Lucio San Pedro o ang mga pelikula nina Jose Estela o Vicente Salumbides o Jose Nepomuceno o Fernando Poe, Sr. kaya puwedeng basta na lang ilagay sa makabagong konteksto at ihain sa publiko?

Kung nakasalalay pa ang komersyal na layon o negosyo o pagbebenta sa mga modernong edisyon o bersyon ng mga nakalipas na obra, paano na?

Epektibo o makatarungan pa ba ang mga katagang “public domain” para sabihing sunod sa batas at legal ang mga hakbang?

***

Naisip naming talakayin ito sa konteksto ng aming tanong at pakikipagbalitaktakan sa paglulunsad sa mga miyembro ng peryodismo sa komedya ni Francisco Baltazar na “Orosman at Zafira” na binigyang-hugis at nilalaman ng Bit by Bit Development Company sa pakikipagtulungan ng Dulaang UP sa IMAX sa Mall of Asia kamakailan para itanghal sa Center Stage Theater sa MoA rin mula sa ika-4 ng Pebrero, 2011.

Tinanong namin ang prodyuser na abugado ng Bit by Bit na si Darwin Mariano kung paano ang paghingi ng kanyang kumpanya ng persimo mula sa pinagmulan ng teksto ng “Orosman at Zafira” una at bukod tangi na’y si Baltazar.

Malinaw ang sagot ni Darwin na ito ay nasasakop ng “public domain.”

Bagamat nawala sa aming isip na oo nga pala, “public domain” ang laging katwiran at batayan ng mga sumisipi sa mga nakaraan o matagal nang teksto para gamitin sa anumang paraan sa kasalukuyan pero puwedeng humayon o lumagpas pa sa “public domain” ang argumentasyon para sa paglalapat ng bagong bisyon sa mga lumang dokumento o papeles.

Ipagpalagay nang sakop ng probisyon ng “public domain” ang eksistensiya ng kongkretong mga elemento ng “Orosman at Zafira,” ano pa ang ibang hantungan at sangkalan ng moral na obligasyon ng sinuman sa paggamit at pagpapalawig ng mga ideya ni Francisco Balagtas sa kanyang likhang-arte?

***

Halimbawa’y wala bang batas na maaaring ang mga naiwang kaanak o sa wikang Ingles ay “heirs” na puwedeng bigyang-pansin, hingan ng permiso o bayaran ang mga may intensyong halawin o ihaing muli ang mga pamana ng nauna lalo na at kinomersyal o pinunuhunanan ang mga ito?

Hindi kami abugado at sa bumabahang impormasyon sa mga kalsada ng pang-araw-araw na buhay ng palasak na computer o IT o cyber, kulang na ang ating mga oras sa pananaliksik na masinsin sa mga polisiya ng anumang detalyado at marirotitos na mga katotohanan ng mga bagay-bagay subalit maaaring bigyan din ng panahon bagamat kulang talaga sa kinalaunan sa mga katuturan at sa mga sandali.

Napakadali naman yatang lapatan agad-agad ng mga ibang pagtingin halimbawa’y ang tula ni Bonifacio o ang maiikling kuwento ni Amado V. Hernandez o ang mga nobela ni Rizal para gawing rock opera o post-modern stage play o musicale samantalang may nakaambang responsibilidad pa na kakawing ito.

Ano pa ang ibang responsibilidad sa paghalaw ng dula ni Aurelio V. Tolentino bukod sa paglalagay ng mga pangalan ng mga may kaugnayan o koneksyon sa kanya sa pasasalamat samantalang kinomersyal ang bersyon nito at maaaring pagkakitaan?

Halimbawa’y sa kaso ng mga manunulat o mananaliksik na may ginagawa o ginawang bagong edisyon ng mga dating libro o dokumento na nagkakasya lang marahil sa pasasalamat sa “public domain” ng mga nakaraang trabaho o sa nagpalipat-lipat na pagmamay-ari ng mga ito.

***

Sapat na bang sabihing ipinagpapatuloy ng mga alagad ng sining at ng mga komersiyante ang mga ideyal at matatayog na adhika ng mga nakaraang manunulat o artista?

Sapat na bang nagbabaga ang ating mga diwa at nag-aapoy ang ating mga layunin at simulain sa pagpapatuloy ng mga pakikipaglaban sa makadiyos, makatao, makabayan at makakaluluwang pangarapin?

Sapat na bang makasining at sumusunod sa mga kilusan ng mga artes ang mga inilalapat na estilo o pamamaraan sa nakalipas na mga gawaing iniluwal na ng “public domain”?

Sapat na bang kung anik-anik na lang ang hukus-pokusin para sa mga antigo nang likhang-sining sa ngalan ng “public domain”?

Paano na ang mga pinagpawisan o pinaghirapang gawain ng mga bayani o kaya’y mga pambansang alagad ng sining?

Huwag nang isali ang mga kuwentong-bayan o mga awiting-bayan na walang nagmamay-ari dahil ang mga ito ay nand’yan naman sa ating kamalayan at kapaligiran pero gayunman ay may pinagmulan din ito na kakayanan, pusod at sinapupunan ng mga isinilang na piyesa ng sining at kultura na maaaring lingunin, indibidwal man o grupo ng mga tao o institusyon o ideya na maaaring handugan ng bagong hilatsa at pakiwari, pera man ang katumbas o ibang mahahalagang materyal na bagay.

O wala na bang karapatang maghabol ang sinumang natitirang buhay sa mga pamilya ng nagpasimuno sa kapirasong sining na binubuhay o kaya naman ay walang nagpapaalala sa kanila ng kanilang mga karapatan?

O ang probisyon ban g “public domain” ay kailangan nang repasuhin?