Magsasaka ng Hacienda Luisita, muling pinresyur ang Korte Suprema


Nagtungo ngayong araw sa harap ng Korte Suprema ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita para muling igiit ang pagbabasura sa Stock Distribution Option (SDO) at pamamahagi ng lupain sa 6,453-ektaryang asyenda ng pamilya Cojuangco-Aquino. Ilang araw bago ang selebrasyon ng anibersaryo ng unang People Power, binatikos din ng mga magsasaka ang umano’y pagtatangka ni Pang. […]

Piket sa harap ng Korte Suprema ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita (Macky Macaspac)

Nagtungo ngayong araw sa harap ng Korte Suprema ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita para muling igiit ang pagbabasura sa Stock Distribution Option (SDO) at pamamahagi ng lupain sa 6,453-ektaryang asyenda ng pamilya Cojuangco-Aquino.

Ilang araw bago ang selebrasyon ng anibersaryo ng unang People Power, binatikos din ng mga magsasaka ang umano’y pagtatangka ni Pang. Benigno Aquino III na pagtakpan ang pagiging kontra-magsasaka nito at ng kanyang ina.

“Sinira ni Cory Aquino ang diwa ng People Power nang minasaker niya ang mga magsasaka sa Mendiola noong Enero 22, 1987. Malala pa rito, isinabatas niya ang inutil at kontra-magsasakang Comprehensive Agrarian Reform Program. Ipinangako ni dating pangulong Aquino na ipamamahagi ang Hacienda Luisita, pero hindi niya ito ginawa,” sabi ni Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon.

Ang hindi pagbabasura ng Stock Distribution Option ay nagdudulot ng land speculation at ibayong pangangamkam ng lupa sa Tarlac, ayon sa AMGL. (Macky Macaspac)

Nakabinbin sa Korte Suprema ang petisyon na ipawalang-bisa ang SDO, na nauna nang iniutos ng Presidential Agrarian Reform Commission matapos ang masaker sa Hacienda Luisita noong 2004. Ayon sa mga magsasaka, nanatili silang walang lupa at pawang mga alipin, kahit na tinaguriang ‘shareholder’ ng Hacienda Luisita Inc.

Noong nakaraang taon, isang compromise agreement ang pinasok ng manedsment at umano’y pekeng mga lider-magsasaka na pumapabor sa SDO. Kabilang sa petisyon ng mga magsasaka ang pagbasura sa compromise agreement.

“Nananawagan kami sa Korte Suprema na maging indipendiyente, na huwag matakot kay Pangulong Aquino at sa mga Cojuangco. Nais naming makakita ng institusyong nagsusulong ng pundamental na mga reporma,” dagdag ni Canlas.

Pagbubulgar ng mga magsasaka, nagdudulot na ang di-maresolbang isyu sa Hacienda Luisita ng land speculation at pangangamkam ng lupa sa mga karatig-lugar sa Tarlac. Dahil ito sa inaabangang pagpapalawak ng Metro-Luzon Urban Beltway (MLUB), kabilang ang Subic-Clark-Tarlac Expressway na hagip ang ilang bahagi ng asyenda.

“Dumagsa ang mga landgrabber at speculator sa kanayunan dahil sa inaabangang mga haywey sa programang MLUB,” ani Canlas.

Bukas, tutungo naman ang mga magsasaka sa Kongreso, kung saan igigiit nila ang pagbabasura ang CARP Extension with Reforms at ang pagsasabatas ng Genuine Agrarian Reform Bill, isang panukalang batas para sa libreng pamamahagi ng lupa. Isang hakbang umano ito sa pagkakaroon ng tunay na reporma sa lupa sa bansa.