Istorya ng Linggo

Usapang pangkapayapaan ng GPH-NDFP, matagumpay na nagtapos


Natapos na ang unang round ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyernong Aquino at National Democratic Front of the Philippines. Pinagkasunduan nila, sa wakas, na hindi terorista ang CPP, NPA at NDFP. Nagkaisa rin silang ipagpapatuloy ang implementasyon ng Carhrihl, at ang adyenda ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms sa susunod na usapan. Ngunit nagsimula pa lamang ang trabaho para sa kapayapaang nakabatay sa katarungan.

Nagtapos ang unang round ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Oslo, Norway nang nalampasan ng dalawang panig ang isa sa pangunahing balakid sa usapan.

“It has been a roller coaster ride all the way, so to speak, and until a few moments ago, no one could be quite sure whether the talks would end up on a high or a low point, or whether it might stall once more,” ayon kay Luis Jalandoni, tagapangulo ng NDFP peace panel sa kanyang panghuling pananalita.

Ani Jalandoni, maraming napagkasunduan ang dalawang panig. Pangunahin dito ang pagsang-ayon  ng GPH na hindi “terorista” ang Communist Party of the Philippines, New People’s Army (CPP-NPA), at chief political consultant ng NDFP na si Prop. Jose Maria Sison. Ginamit ng gobyernong Arroyo ang bansag na ito para puwersahin ang NDFP na pumirma sa isang dokumento ng capitulation o pagsuko.

“We welcome the declaration of the GPH that the CPP, NPA and NDFP are not terrorist organizations and therefore peace negotiations with us are possible and appropriate,” ayon kay Jalandoni. Ngunit inilinaw niya na marami ang kailangan gawin para siguruhing nirerespeto ito ng iba’t ibang departamento ng gobyerno, partikular ang mga puwersa ng pulisya at militar.

Tagapangulo ng magkabilang panig sa negosasyon na sina (kaliwa) Alexander Padilla at (kanan) Luis Jalandoni, kasama ang kinatawan ng third-party facilitator sa gobyerno ng Norway. (Raymund Villanueva)
Tagapangulo ng magkabilang panig sa negosasyon na sina (kaliwa) Alexander Padilla at (kanan) Luis Jalandoni, kasama ang kinatawan ng third-party facilitator sa gobyerno ng Norway. (Raymund Villanueva)

Napagkasunduan ng dalawang panig ang muling pagbuhay sa Joint Monitoring Committee na magbabantay sa implementasyon ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl); ang muling pagtatrabaho ng reciprocal working committees para sa Socio-Economic Reforms; at pagbuo ng working groups para sa Political and Constitutional Reforms.

Napagkasunduan din na dapat respetuhin ng GPH ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) at palayain ang mga bilanggong pulitikal.

Ilang oras bago ang pormal na pagbubukas ng usapang pangkapayapaan, dinakip ng militar at pulisya si Alan Jazmines, konsultant ng NDFP.

Gayunpaman, pinuna ng NDFP ang paglabag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tigil-putukan na idineklara bilang goodwill measure. Nakarating umano sa kanila ang mga ulat ng patuloy na mga operasyong militar ng AFP sa anyo ng Civil-Military Operations (CMOs).

Sa isang pahayag, iniulat ni Jorge “Ka Oris” Madlos, tagapagsalita ng NDFP Mindanao, na may 27 kaso ng paglabag sa ceasefire sa mga probinsya ng  Bukidnon, Davao Oriental, Compostela Valley, Davao del Norte, at Surigao del Norte. Kabilang dito ang mga opensibang combat patrol at operasyon, at iba’t ibang porma ng CMOs.

“Sa pamamagitan ng ‘pala-kaibigan’ at direktang intimidasyon, iniimbitahan (ng mga sundalo) ang mga taga-baryo para sa mga pulong at lektyur hinggil sa baluktot na konsepto ng AFP ng kapayapaan, karapatang pantao, at kaunlaran. Ang mga dumalo ay pinipilit na magbigay ng impormasyon hinggil sa mga NPA. Vini-videotape ang mga sesyong ito, na walang pahintulot ng mga dumalo,” ayon kay Madlos.

“Pagkatapos, iimibitahan ang ilang indibidwal para sa interogasyon…Kapag hindi sila kooperatibo, babantaan sila o sasaktan…Marami rin ang nirerekluta sa Cafgu (Civilian Armed Forces Geographical Unit),” dagdag pa ng lider-rebolusyonaryo.

Nagkaroon din ng mga ulat ng paglabag ng AFP sa ceasefire sa Bikol. Sa ilang baryo sa Masbate, “walang pakundangang nagpaputok ng mga baril ang mga sundalo kahit walang kalaban na nagbunga ng matinding takot sa mga sibilyan sa lugar,” ayon kay Greg Banares, tagapagsalita ng NDFP-Bikol.

Ayon kay Jalandoni, walang ilusyon na magiging madali ang daan patungong kapayapaan, pero isang malaking hakbang na kinilala ng dalawang panig na dapat magkaroon ng istruktural na mga repormang sosyo-ekonomiko at pampulitika na pakikinabangan ng mga mamamayan. Pero marami umanong makakapangyarihang interes, kapwa lokal at dayuhan, na humahadlang sa mga reporma.

“We put this fruitful and constructive round of formal talks to a close with a note of confidence, guarded optimism and hope, as well as a realistic appraisal of the difficult road that lies ahead. The Filipino people demand and will continue to struggle, by all means possible, for nothing less than a just and lasting peace,” kanyang pagtatapos.

Audio Slideshow: Talumpati ni RNG State Minister Espen Barth Eide sa pagbubukas ng usapang pangkapayapaan. Larawan at audio recording ni Raymund Villanueva.

* * *

Audio recording ng mga talumpati ng GPH at NDFP sa pagbubukas ng usapang pangkapayapaan noong Pebrero 15, 2011. Audio recording ni Raymund Villanueva.


Paunang Salita ng GPH


Paunang Salita ni Luis Jalandoni ng NDFP