Istorya ng Linggo

Matinding panganib ng plantang nukleyar, nakita sa Japan


Naipamalas sa nagaganap ngayon sa Hilagang-Silangang bahagi ng Japan ang matinding panganib ng mga plantang nukleyar sa ordinaryong mga mamamayan. Buntung-hininga ang mundo sa posibilidad ng nuclear meltdown. Samantala, para sa isang grupo ng makabayang mga siyentista, parehong panganib ang dala ng plano ng gobyerno na revival ng Bataan Nuclear Power Plant.

Fukushima Power Plant (Larawan mula sa maps.google.com)
Fukushima Power Plant (Larawan mula sa maps.google.com)

Matapos ang pinakamalakas na lindol (at walang tigil na aftershocks) at pinakamatinding pagragasa ng tsunami sa bansang Japan, nanganganib naman ito ngayon na makaranas ng aksidenteng nukleyar. Walang dudang naipamalas dito, ayon sa mga lokal na grupo ng makabayang mga siyentistang Pilipino, ang matinding panganib na dulot ng plantang nukleyar.

Sa nabalitang pagsabog ng isa sa mga plantang nukleyar ng Japan at posibilidad ng nuclear meltdown sa Hilagang bahagi ng bansa, nanawagan din ang nabanggit na grupong tutol sa plantang nukleyar sa Pilipinas na tapatin ng gobyernong Hapon ang mga mamamayan nito hinggil sa posibilidad ng malawakang nuclear emergency.

“Dapat ihayag ng Japan ang tunay na istatus ng mga plantang nukleyar nito at agarang sundin ang mga protokol para mapigilan ang potensiyal na meltdown. Dapat maprotektahan ang mga komunidad at kailangang maghanda ang mga karatig na bansa tulad ng Pilipinas kung sakaling maapektuhan ito ng mga emission,” sabi ni Dr. Giovanni Tapang, propesor ng Physics sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at convenor ng network na No to the BNPP Revival!

Bataan Nuclear Power Plant sa Morong, Bataan. (Arkibong Bayan)
Bataan Nuclear Power Plant sa Morong, Bataan. (Arkibong Bayan)

Ibinalita sa midya na nagkaroon ng pagsabog at pag-usok sa plantang nukleyar 250 kilometro sa Hilagang-Kanluran ng Tokyo matapos pumalya ang cooling systems ng nukleyar na pasilidad dito.

Kabilang sa dalawang apektadong plantang nukleyar ang planta sa Fukushima na pag-aari ng Tokyo Power Electric Company. Inihayag ng mga awtoridad ng Japan na napalikas na ang aabot sa 200,000 katao sa loob ng 10-kilometrong radius ng planta. Ngunit mayroon nang nabalitang leak ng mapanganib na radiation sa labas ng pasilidad.

Sinabi ni Philip White, international liaison officer ng Citizens’ Nuclear Information Center,  na matagal nang babala ng mga eksperto sa Japan na may panganib na maganap ang isang nuclear meltdown sa mga plantang nukleyar nito kung magkakaroon ng malakas na lindol.

“A nuclear disaster which the promoters of nuclear power in Japan said wouldn’t happen is in progress. It is occuring as a result of an earthquake that they said would not happen,” ani White.

Sa Pilipinas, sinabi rin ni Tapang na dapat maging babala ang nagaganap sa Japan sa gobyerno na huwag magpadalusdalos sa itinutulak na revival ng Bataan Nuclear Power Plant.

Hindi pa nareresolba ang mga panganib sa kalikasan, kaligtasan at viability ng plantang nukleyar sa Bataan pero tila desidido ang Department of Energy at National Power Corporation na itulak ang mga plano na isapribado ang operasyon ng BNPP,” paliwanag ni Tapang.

Nagkaroon ng katulad na mga problema sa aksidenteng Kashiwarazaki-Kariwa sa Niigata, Japan noong 2007 nang magkaroon ng 6.6 magnitude na lindol sa lugar. Nagkaroon ng radiation leak sa dagat, tulad ng 400 drums ng low-level nuclear waste.

Nuclear reactor sa Bataan Nuclear Power Plant. (Arkibong Bayan)
Nuclear reactor sa Bataan Nuclear Power Plant. (Arkibong Bayan)

“Posibleng magkaroon ng katulad na aksidente sa Pilipinas kung patatakbuhin ng gobyerno ang BNPP. Bulnerable sa mga lindol ang Pilipinas dahil malapit ito sa Manila Trench at matatagpuan ang planta sa paanan ng Mt. Natib,” sabi pa ni Tapang.

Tinitingnan ng grupo na lalong magiging problematiko kung ipapasa ang pagpapatakbo ng plantang nukleyar sa pribadong dayuhang kompanya tulad ng Korean Electric Company (Kepco) na nagsagawa na diumano ng feasibility tests sa naturang planta.

“Isa lamang ang mga planong pagbukas ng BNPP ng administrasyong Aquino na di kaiba sa mga plano ng nakaraang administrasyon. Hindi magbebenepisyo rito ang mga mamamayang Pilipino at sa halip ay malalantad tayo sa di-kailangang panganib,” paliwanag pa ni Tapang.

Itinutulak ng grupo na baliktarin ang pagsasapribado ng power industry sa bansa at magtayo ng ligtas at maaaasahang pagmumulan ng elektrisidad.

“May malawak na katutubong rekursong pang-enerhiya ang bansa mula sa fossil fuels hanggang sa alternatibong enerhiya na magagamit natin kung ititigil lang ng gobyerno ang pagbenta nito sa pribadong investors,” sabi pa ni Tapang.