Sports

Davis Cup 2011 Group 1 tie: Pinas bigo muli sa Japan


Binigo ng dumayong Hapon ang pambansang koponan ng tennis ng Pilipinas sa nakaraang laban nila para sa Asia-Oceania Davis Cup, na ginanap sa Plantation Bay Resorts and Spa clay court, sa Lapu Lapu City, nitong nakaraang linggo. Bumigay ang laro ni Cecil Mamiit sa sakit ng katawan at mula sa mas batang si Go Soeda […]

Binigo ng dumayong Hapon ang pambansang koponan ng tennis ng Pilipinas sa nakaraang laban nila para sa Asia-Oceania Davis Cup, na ginanap sa Plantation Bay Resorts and Spa clay court, sa Lapu Lapu City, nitong nakaraang linggo.

Bumigay ang laro ni Cecil Mamiit sa sakit ng katawan at mula sa mas batang si Go Soeda ng Japan upang selyuhan ng mga Hapon ang 3-1 nilang pagwawagi kontra sa mga Pilipino. Hindi na pinayagang laruin pa ang ikalima at huling laro dahil sa bagong patakaran ng Davis Cup. “It’s actually the new rule. A country is allowed not to play its last game if it already lost the tie by more than three sets in the fourth game,” paliwanag ni RP team coach Chris Cuarto.

Apat na set ang itinagal ng laban ni Mamiit at Soeda sa kanilang reverse singles na pagkikita. Naunang natalo si Mamiit kay Tatsuma Ito sa unang singles match ng Pinoy, sa haba ng limang sets at tumagal ng higit sa lima at kalahating oras, na marahil ay isa sa mga pinakamahabang laban na naitala sa kasaysaayan ng palaro.

Sa larong iyon, muntik nang maipanalo ni Mamiit ang huling set at ibigay sana ang momento ng laban para sa mga Pilipino. Ngunit nabigo siya kasama ang sunod na pagkatalo ng isa pang Pinoy upang mailubog ang Pilipinas 0-2 sa laban.

Sa panggitnang doubles match, nakuhang gapihin ni Mamiit at Trent Huey ang tambalan nina Takao Suzuki at Hirko Kondo sa tatlong sets lamang. Umasa ang mga Pilipino na mauulit nila ang ginawang come-from-behind na pagwawagi nila kontra sa South Korea noong isang taon, kung saan umangat ang Pilipinas sa Group I.

“I really tried very hard to win this game (ang huling laban niya kontra kay Soeda) because I know our countrymen wanted me to win,” ang maluha-luhang pagsasaad ng team captain ng koponan. “Although we lost, we showed them that we could compete against their level given the proper support and training. This is just the start and we will prove to them that we deserve to be in Group I.”

Sa kabuuan, naglaro ng labingdalawang sets si Mamiit kontra sa Japan para sa taon na ito.

Huling ginapi ng Pilipinas ang mga Hapon noong 1995 sa koponang itinanghal sina Joseph Lizardo at Bobby Angelo. Kahuli-hulihan ang paglalampaso ng mga Hapon sa Pilipinas noong 2008 sa talang 5-0, nang mayroon pang patakaran ang Davis Cup na laruin ang lahat ng laban.

Ang magwawagi sa finals ng Group I ay aakyat sa World Stage kung saan naglalaro ang pinakamagagaling na manlalaro ng tennis sa mundo. Dahil sa pagkakatalo, kakailanganin ng koponan ng Pilipinas na gapiin ang New Zealand upang manatili sa Group I.