Pinoy Weekly

‘Tortyur’ sa mga rekrut ng Philippine Army, ibinulgar sa bidyo

Umano'y tortyur ng 9th Infantry Division ng Philippine Army sa mga nirereklutang sundalo (Video grab mula sa Isnayp)

Inilabas kahapon ng Isnayp Rebolusyonaryong Midya ng Bikol ang isang bidyo na nagpapakita ng umano’y tortyur sa mga nirereklutang sundalo ng 9th Infantry Division ng Philippine Army na naka-base sa Kuta Elias Angeles, Pili, Camarines Sur.

Ayon sa grupo, binigay ang video footage ng dismayadong mga sundalo sa National Democratic Front-Bikol para iprotesta ang umano’y pang-aabuso at pagmamaltrato sa kanila ng training unit ng 9th IDPA. Kinukumand ng 9th IDPA ang lahat ng operasyong militar sa buong rehiyon.

Sa unang bahagi ng bidyo, ipinapakita ang mga rekrut na isa-isang nilalatigo ng mga sundalo, habang pinapatungan ng bota ang kanilang balikat at pana-panahong binubuhusan ng tubig o sinusuntok. Maya-maya pa, ipinakita ang mas marami pang rekrut na nilalatigo habang gumagapang sa putik.

Paulit-ulit na tinatanong ang mga rekrut na para bang sumasailalim sa totoong interogasyon.

Sa ikalawang bahagi ng bidyo, tuluy-tuloy na hinahampas ng patpat ang likod ng mga rekrut, na ang bilang ay makikitang aabot sa halos 100. Ipinapakita rin ang ilan na inilulublob sa dram ng tubig, na isang karaniwang paraan ng tortyur.

Kasalukuyan nang kumakalat sa social networking sites gaya ng Facebook ang nasabing mga bidyo.

Panoorin ang bidyo (Babala: may sensitibong mga imahe)

Ayon sa Isnayp, sinabi ng mga sundalong nagbigay ng footage na bahagi ang tortyur sa pagsasanay sa kanila, para maging handa sakali umanong mabihag sila ng New People’s Army (NPA).  “Pero ang indoktrinasyon ng 9th IDPA Training Unit ay kabaligtaran ng polisiya ng NPA. Isa pa, mismong ang mga prisoners of war ng NPA ang testigo sa pagiging makatao ng pagtrato ng NPA sa mga bihag nito,” pahayag ng grupo.

Idinagdag pa ng Isnayp, “Sa sistematikong brutalidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kahit sa sarili nitong mga sundalo, lumalabas na ang bukambibig ng militar hinggil sa karapatang pantao ay isang malaking kasinungalingan.”

Ang Isnayp ay regular na naglalabas ng mga bidyo, litrato at ulat hinggil sa NPA sa rehiyon ng Bikol.

Sa kasalukuyan, wala pang reaksiyon ang AFP hinggil sa nasabing bidyo.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12527

Posted by on Mar 18 2011. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Balita (731 of 1217 articles)