Uncategorized

Ang pagtortyur kay Pilar Pilapil at ang paghahandog ng sax player ni Freddie Aguilar ng musika sa kanyang bayan


Hindi mapigil ang paghugos ng mga panauhin ni Pilar Pilapil sa The Medical City kung saan siya nakaratay nang dahil sa pagkidnap at pagsaksak sa kanya ng mga buhong na carnapper at kidnapper noong Huwebes ng gabi. Maya’t maya ay labas-masok ang mga eksklusibong bisita sa kuwarto ni Pilar bukod pa sa araw-araw na pagdalaw […]

Pilar Pilapil
Pilar Pilapil

Hindi mapigil ang paghugos ng mga panauhin ni Pilar Pilapil sa The Medical City kung saan siya nakaratay nang dahil sa pagkidnap at pagsaksak sa kanya ng mga buhong na carnapper at kidnapper noong Huwebes ng gabi.

Maya’t maya ay labas-masok ang mga eksklusibong bisita sa kuwarto ni Pilar bukod pa sa araw-araw na pagdalaw ng kanyang anak na si Pia at ng asawa nitong modelong bulag na si Gerry Conzalo kasama ang kanilang apat na anak.

Ipinagbabawal pa rin ang media sa pag-interbyu sa kanya pero sa tamang panahon ay magsasalita si Pilapil sa harap ng kamera at tape recorder tungkol sa detalyadong pagbihag sa kanila ng kanyang kamiting sa Robinsons Galleria noong Huwebes.

***

Isa kami sa kasama ni Pilaring ng araw na ‘yon bago siya madukot.

Nang tawagan ko siya noong Huwebes ng umaga ay niyaya niya ako sa pakikipagpulong niya sa mga miyembro ng peryodismong pampelikula sa Pilipinas kaugnay sa pagtatanghal ng “Vagina Monologues” sa ika-29 at ika-30 ng Abril, 2011 sa Teatrino sa Greenhills.

Humingi kasi ako sa kanya ng pakikipagkita ng kontrobersyal na direktor na si Jowee Morel na noong araw na ‘yon ay kagagaling lang sa London.

May gagawing pelikula si Jowee na pinamagatang “Leona Calderon” tungkol sa OFW sa London na may uterine cancer at hindi malaman kung saan siya mamamatay, kung sa UK o sa Pilipinas.

Unang naisip noon pa man ni Morel na si Pilapil ang kanyang bida sa obra pero nang tawagan niya noon ang aktres ay malala at sabid-sabid ang iskedyul ng mga opisyo nito.

Kaya nga naisip din niya si Tia Pusit dahil bagay rin ang papel sa komedyana.

***

Nagbaka-sakali pa rin siya kay Pilar kaya nang araw na ‘yon ay sinabi ng bituin na pagkatapos na niya sa kanyang pulong sa Robinsons Galleria puwede siyang makipag-usap sa direktor.

Magpapamasahe pa kasi siya sa kanilang bahay pagkatapos ng presscon at pagkuwan ay sa tumutulong sa kanyang Pilar V. Pilapil Foundation niya itututok ang kanyang pansin at panahon.

***

Pero nang mga bandang alas kuwatro ay hindi pa nagpapadala ng mensahe sa kanya ang kamiting ng alas siyete ng gabi kaya mag-antabay anya muna kami.

Pero dahil parang naaantala ay bakit hindi na lang anya kami ni Jowee pumunta sa kanyang bahay sa Belson Mansion sa Valle Verde.

Na ginawa namin at pagkatapos ay sinabi ni Pilar na ipagpatuloy ang usapan namin sa Levitown sa Parañaque City kasama ang prodyuser ng “Vagina Monologues” na si Mia D’Bayan.

Pinauna na niya kami ng kanyang asawang si Pastor Bernie Peñas, Jowee at ang bagong aktor na si Jay-R Sta. Maria sa Levitown at susunod na lang siya.

***

Habang umiinom kami sa Parañaque City ay maindayog at panatag pa ang lahat subalit nang mag-alas onse na ng gabi ay may tumawag sa telepono at hinanap si Pastor Bernie.

Matensyon ang usapan at biglang lumabas sa may hardin ang katulong nina Pilar at Bernie at bumunghalit, nagpahayag sa lahat na nasaksak ang kanyang amo kaya parang nasindak kaming lahat pero bigla kaming tumakbo sa van at pinalipad halos ni Peñas ang kanyang sasakyan hanggang Pasig City.

***

‘Yon na nga.

Pinagsasaksak si Pilar ng pitong beses ng mga armadong lalaki samantalang ang kanyang kamiting na si Roselle Rosalem ay pinagmaneho ng mga walanghiya.

Itinapon si Pilaring sa isang damuhan sa Barangay San Luis sa Antipolo City at nakahingi naman ng tulong na dalhin siya sa ospital pero pagkatapos sa Antipolo District Hospital ay nagpalipat ang aktres sa The Medical City.

Samantala, napag-alaman na pinakalawan din ng mga kidnapper at carnapper ang babaing kamiting ni Pilar na taga-Nestle Philippines.

Habang sinusulat namin ang pitak na ito ay naghahanda nang lumabas sa pagamutan ang premyadong aktres.

***

Samantala, kahit na ako ay aligaga sa pagbabantay kay Pilar ay nag-aasikaso ako ng aking pa-concert sa Lopez, Quezon na pinamagatang “Masters & Diva Homecoming,” isang konsiyertong musikal na tatampukan nina Armie Zuñiga, ang tinaguriang Amazing Diva, Nelson Olalde, ang piano prodigy at Pete Canzon, ang sax player ni Freddie Aguilar at nagsimula sa musika noong 1973 bilang miyembro n Batucada Band ni Bong Peñera.

Kapwa mga taga-Quezon sina Armie, Nelson at Pete dahil taga-Calauag ang dalawang nauna samantalang taga-Lopez ang huli.

Hahandugan nila ng musikang matatayog ang mga taga-Quezon sa tulong nina Engr. at Mrs. Manny Argante, Ted Tejada, Dr. Nestor de la Rosa, UNTV, Zeny Marcelo-Poe, UK Derm Pharma at marami pang iba.