Pinoy Weekly

Magkasunod na sunog sa QC, hinihinalang nakakabit sa demolisyon

May 90 pamilya ang apektado sa sunog kahapon sa Brgy. Central, Quezon City (Ilang-Ilang Quijano)

Pinaghihinalaan ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD) na may kinalaman sa napipintong demolisyon ang dalawang magkasunod na sunog sa Quezon City kahapon, na nagdulot ng pagkasugat ng ilang residente at pagkawala ng tahanan ng daan-daan.

Sa isang piket sa kanto ng BIR Road at Quezon Ave., kinondena ng alyansa ang umano’y kahina-hinalang sunog sa BIR Road sa Brgy. Central at Purok 1-A sa Brgy Culiat.

Piket ng Alyansa Kontra Demolisyon (Ilang-Ilang Quijano)

“Hindi maalis sa aming isipan na posibleng sinadya ang pagkasunog mga komunidad laluna’t may mga nakaambang demolisyon dahil sa development projects kuno. Ang panununog ang pinakamabilis na paraan para mapalayas ang mga maralitang naininirahan sa komunidad,” ani Jocy Lopez, tagapagsalita ng AKD at residente ng Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa.

Pinaaalis ang mga residente sa Brgy. Central at iba pang katabing barangay gaya ng Brgy. Bagong Pag-asa para sa itatayong QC Central Business District (QC-CBD). Samantala, ang nasunog na bahagi ng Brgy. Culiat ay bahagi naman ng C-5 Extension Project.

Tinatayang 300 pamilya ang apektado sa sunog sa Brgy. Culiat, at 90 pamilya naman sa Brgy. Central.

Nagpahayag ng suporta ang alyansa sa mga pamilyang nasunugan sa Brgy. Central, na ngayo’y pansamantalang naninirahan sa gilid ng BIR Road.

Nakakampo ngayon sa gilid ng BIR Road, Brgy. Central ang mga pamilyang nasunugan (Ilang-Ilang Quijano)

Pinayuhan ng mga residente ng Sitio San Roque ang mga nasunugan na maging mapagbantay dahil siguradong aalukin sila ng National Housing Authority na mag-relocate na lamang sa Montalban, Rizal at posibleng hindi pabalikin sa lugar para muling itayo ang kanilang mga tahanan.

Karamihan sa mga residenteng nakapanayam ng Pinoy Weekly ay nagdududa sa pinagmulan ng sunog na umano’y pumutok na linya ng kuryente. Masyado umano itong mabilis kumalat, at posibleng sinadya.

Matatandaang may nasunog ding bahagi ng BIR Road noon lamang Pebrero, na pinaghihinalaang sinadya at may kinalaman sa proyektong QC-CBD.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=12871

Posted by on Apr 12 2011. Filed under Balita. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes