Sports

Smart-Gilas arangkada sa 22nd FIBA Asia Champions Cup


Optimistiko ang pagtingin para sa Smart-Gilas. Ito ang ipinamalas ni Sonny Barrios, executive director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), sa paglahok ng pambansang koponan para sa basketbol sa kasalukuyang 22nd FIBA Asia Champions Cup. “Definitely, we don’t expect to be eliminated after the elims,” ang deklarasyon ni Barrios bago magsimula ang torneo. Naniniwala si […]

Optimistiko ang pagtingin para sa Smart-Gilas. Ito ang ipinamalas ni Sonny Barrios, executive director ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), sa paglahok ng pambansang koponan para sa basketbol sa kasalukuyang 22nd FIBA Asia Champions Cup.

“Definitely, we don’t expect to be eliminated after the elims,” ang deklarasyon ni Barrios bago magsimula ang torneo.

Naniniwala si Barrios na ang pagkakasama ng Pilipinas sa mas magaan na grupo ay makatutulong sa pag-usad ng koponan para sa FIBA-Asia men’s basketball championship, na siyang qualifying tournament para sa 2012 London Olympics

“It’s a good thing we didn’t land in the same bracket as theirs (mga powerhouse na bansa). So, if we top our group, then we play the No. 4 team of their group in the quarterfinals,” pagpapahayag ni Barrios.

Nahahati sa dalawang grupo ang torneo. Ang Group B ay pinangungunahan ng two-time, defending champion na Mahram ng Iran. Kasama nila ang West Arab League champion Al Riyadi ng Lebanon, 2010 runner-up Al Rayyan ng Qatar, Al Jalaa ng Syria at Al Shabab ng United Arab Emirates.

Nasa Group A naman ang Pilipinas kasama ang KL Dragons ng Malaysia, Applied Science University ng Jordan, Duhok Sports Club of Iraq. at Al Ittihad ng Jedah, Saudi Arabia.

Aangat sa quarter-finals ang apat na koponan ng bawat grupo na may mataas na win-loss record sa preliminaries.

Sa kasalukuyan, dalawa na ang panalo ng Smart-Gilas sa liga. Nabiktima na ng bansa ang Saudi Arabia at Malaysia. Susunod na haharapin ng koponan ang Iraq sa ika-31, at huli ang Jordan sa unang araw ng Hunyo.

Ito ang ika-tatlong pagpasok ng Pilipinas sa palaro. Nasungkit nito ang ikalimang puwesto noong 2009 ngunit dumausdos sa ikapito noong nakaraang taon.

Ito rin ang ikalawang pagtatanghal ng FIBA Asia Champions Cup sa Pilipinas. Anim na taon ang hinintay ng bansa upang makapagtanghal ng FIBA-sanctioned na liga. Ang palaro ay gaganapin sa PhilSports Arena at nagsimula noong ika-28 at magtatapos sa 5 Hunyo, 2011.