Sports

AFC Challenge Cup: Pilipinas-Sri Lanka tabla


Dumayo ang Pilipinas Team Azkals sa Sri Lanka upang ipagpatuloy ang pag-usad nila tungo sa hangad na makatuntong sa 2014 World Cup. Ngunit literal na mainit silang tinanggap ng mga hosts sa palaruan nila. Nasa diskomportableng kondisyon ng pambansang koponan para sa football sa kanilang karanasan sa palaruan, nang iulat nila ang pagkaroon ng makahoy […]

Dumayo ang Pilipinas Team Azkals sa Sri Lanka upang ipagpatuloy ang pag-usad nila tungo sa hangad na makatuntong sa 2014 World Cup. Ngunit literal na mainit silang tinanggap ng mga hosts sa palaruan nila.

Nasa diskomportableng kondisyon ng pambansang koponan para sa football sa kanilang karanasan sa palaruan, nang iulat nila ang pagkaroon ng makahoy na mga usbong sa damong palaruan. Ngunit hindi man maganda ang ilan sa kontrol ng bola ng mga manlalaro, hindi ito naging hadlang sa agresibong porma ng dalawang koponan mula sa kickoff.

Ngunit hindi maganda ang umpisa ng Azkals. Sa unang hati, nakitaan ng mas maraming pagkakataon na makapuntos ang Pilipinas. Lamang sila sa tala ng corner kicks at free kicks. Ngunit isang krusyal na freekick ng Sri Lankans ang nagtala sa hosts sa scoreboard, 1-0, sa ika-41 minuto.

Hindi rin naging maganda ang lagay ng paglalaro nina James Younghusband at Stephan Schrock na kapwa nakakuha ng maagang yellowcards, habang inilabas dahil sa injury si Phil Younghusband.

Ngunit maagang nakabawi ang Azkals sa sumunod na yugto. Isang goal ni Fil-Am Nate Burkey sa ikaapat na minuto lamang ng ikalawang hati ang nagtabla ng laban. Bagaman nakatabla, nakakuha naman ang Pilipinas ng ikatlong yellowcard sa ngalan ni Aly Borromeo.

Mahusay rin ang naging depensa ni Neil Etheridge nang iwaksi ng goalee ng Azkals ang ilang krusyal na tangka ng nga hosts, laluna sa pagtatapos ng laban. Sa kabila nito, nakita ang kahinaan ng depensa ng Pilipinas sa pagbibigay ng mas maluluwang na pag-atake sa katunggali, na agresibo hanggang sa pagtatapos ng laro.

Nagtapos sa tig-isang buslo para sa dalawang koponan ang laban.

May pito pang qualifying matches ang kasabay ng laban ng Pilipinas at Sri Lanka. Ito ay ang paghaharap ng Cambodia at Laos, Nepal at Timor-Leste, Afghanistan laban sa Palestine, Bangladesh at Pakistan, Mongolia sa Myanmar, Vietnam kontra Macau at Malaysia vs Taipei. Ngunit napatunayan ng laban ng Azkals kontra sa Sri Lanka na isa ito sa tatlong interesanteng laban.

Babalik sa Pilipinas ang tie sa Hulyo. At sa pag-uwi nila, kakailanganin ng Azkals ang ibayong pagpupursigi sa likod ng tatlong yellowcards at ipinakitang maluwag na depensa upang humakbang ng pasulong sa kanilang pangarap na makatungtong sa World Cup.