Uncategorized

Cinemalaya Independent Film Festival muli


Minsan pa, nagpupugay ang Cinemalaya Independent Film Festival. At ikapitong taon na nito ngayon. Parang kailan lang, di ba? Bawat taon, parami nang parami at tumataas ang espektayson ng mga tao o ng publiko at ng mga tagapag-organisa nito sa mga nagnanais na makasama sa makasaysayang proyektong ito ng Cultural Center of the Philippines, Cinemalaya […]

Minsan pa, nagpupugay ang Cinemalaya Independent Film Festival.

At ikapitong taon na nito ngayon.

Parang kailan lang, di ba?

Bawat taon, parami nang parami at tumataas ang espektayson ng mga tao o ng publiko at ng mga tagapag-organisa nito sa mga nagnanais na makasama sa makasaysayang proyektong ito ng Cultural Center of the Philippines, Cinemalaya Foundation at Econolink Investments, Inc.

Showbiz na showbiz nga ito sa nilalaman at diwa dahil ang showbiz na showbiz ay malalim, malawak, matunggali, maintriga, matsismis, matalinghaga, maburloloy, madrama, madula, masalimuot, matensyon, makabago, makapostmodernismo at iba pang katangian ng buhay sa lipunang ito.

***

Ipinakilala sa madla ang mga bituin, manlilikha at ibang aspeto ng Ikapitong Cinemalaya sa CCP lobby kamakailan at halos kumpleto ang mga ito maliban kay Aureaus Solito na nasa himpapawid pa ng mga sandaling ‘yon dahil manggagaling pa siya ng France kung saan ang kanyang bagong obrang “Busong (Palawan Fate)” ay inilahok sa ika-64 Cannes International Film Festival sa Cannes, France at sa isang pestibal sa Paris, France.

Isa si Aureaus sa mga direktor na napili at ang kanyang “Busong” sa Directors Showcase ng pestibal kasama sina Jeffrey Jeturian para sa “Bisperas (Eve),” Joel Lamangan para sa “Patikul,” Adolfo B. Alix, Jr. para “Isda (Fable of the Fish)” samantalang inalis na ni Mario O’Hara sa kategorya ang kanyang “Henerala” dahil sa kawalan ng karagdagang pundo sa paggawa ng kanyang pelikula dahil P600,000 lang ang kanyang makukuhang puhunan o paluwal na perang mula sa pestibal.

***

Kung ipinalabas na sa ibang bansa at nauna pa ang Cannes sa pagpapalabas ng trabaho ni Solito, hindi ba ito lumabag sa mga probisyon at alituntunin ng pagdiriwang?

“Hindi naman. Kasi, no’ng simula pa, payag na kaming ipalabas ang isang entry kung may imbitasyon sa international film festival provided na Cannes ito,” paliwanag ni Laurice Guillen, ang isa sa mga tagapag-organisa ng Cinemalaya at Competition Director nito.

“Pero kung sa ibang international film festival ito ipapalabas, hindi puwede. Kailangang sa Cannes lang,” paglilinaw ni Laurice.

***

Samantala, ang magbubukas ng 7th Cinemalaya ay isang bagong obra ni Guillen at hindi ba ito labag sa batas o may conflict of interest sa buong kaganapan dahil ang direktora ay konektado sa gawaing ito?

“Hindi naman competition ang pelikula ni Laurice,” ang sabi ng peryodistang pampelikulang si William Reyes na inialingawngaw niya mula sa pahayag ni Robbie Tan, isa pang kapangyarihan sa likod ng Cinemalaya.

“Maskara” ang pamagat ng pelikula ni Laurice at ito ay tungkol sa mga tunay na taong gumagalaw sa showbiz.

Sinulat ito ng kanyang anak na si Ina Feleo na bituin din sa obra at ayon kay Guillen, makikita raw natin sa likhang-sining niyang ito ang mga personalidad niya, ni Johnny Delgado, Ina at iba ang mga taga-showbiz pero si Tirso Cruz III ang bidang lalaki sa pelikula.

“Kami rin ang nag-produce nito. Kasi, no’ng buhay pa si Johnny, talagang gusto na naming gumawa ng indie film pero nagkagastos-gastos kami nang magospital siya. Ngayon ay nakabawi na kami kaya ginawa na namin.

“Alam ko, maraming gustong mag-open ng Cinemalaya. Pero ang sa akin, ano ba ‘yon, ano ‘yong term do’n, akma? Akma sa indie spirit ang pelikula,” paliwanag ng direktora.

***

Samantala, ang iba pang maglalaban-laban sa ikapitong edisyon ng pestibal na ito para naman sa New Breed Full Length Category ay ang “Amok (Amok)” ni Lawrence Fajardo, “Ang Babae sa Septic Tank (The Woman in the Septic Tank)” nina Marlon Rivera at Chris Martinez, “Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa (The Dance of Two Left Feet)” nina Alemberg Ang at Alvin Yapan, “Bahay bata (Baby Factory)” nina Eduardo W. Roy, Jr. at Jerome Zamora, “Cuchera” ni Joseph Israel M. Laban, “I-Lbings: Your Loss, Our Luck (E-funerals)” ni Rommel Andreo Sales, “Ligo na U, Lapit na Me” nina Noel Ferrer, Jarry Gracio at Erick Salud, “Niño” ni Loy Arcenas at “Teoriya (Father’s Way)” ni Alistaire Christian E. Chan.

Kung mapupuna ninyo, dating sampu ang mga lahok sa kategoryang ito pero siyam na lang ngayong taong ito.

Di kasi pa’y hinugot na ni Ralston Jover ang kanyang obrang “Dog Show” sa kung anong kadahilanan.

***

Sa hanay naman ng Short Feature Category, sampu pa rin ang nagtutunggali at ang mga ito ay ang “Debut” ni Pamela Llanes Reyes, “Every Other Time” ni Gino M. Santos, “Hanapbuhay (Source of Living)” ni Henry Frejas, “Hazard” ni Mikhail Red, “Immanuel” ni Gabriel “Gino” Puyat, “Niño Bonito” ni Rommel “Milo” Tolentino, “Oliver’s Apartment” ni Misha Balangue, “Samarito (Samaritan)” ni Rafael L. Santos, “Un Diutay Mundo (One Small World)” ni Ana Carlyn V. Lim at “Walang Katapusang Kwarto (An Endless Room” ni Emerson Reyes.

Gaganapin ang Ika-7 Cinemalaya sa ika-15 hanggang ika-24 ng Hulyo, 2011 sa mga sinehan sa CCP at may ipapalabas na sa Greenbelt sa Makati City.

O, di ba, pag-usad ito sa ngalan ng malayang pamamahayag?