Pagpapalaya sa pitong kabataang aktibista pinanawagan


Nagpahayag ng disgusto ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) at Anakbayan  sa pagkadakip at pagkabilanggo ng ilan sa kanilang mga kasamahan nang magsagawa sila ng  protesta laban sa palalang krisis sa edukasyon sa bansa. Nagsasagawa ng isang kilos protesta ang mga estudyante na nanggaling sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos nang […]

Kinondena ng mga lider-estudyante ang pagkakadakip at pagkakakulong sa pitong kabataang aktibista sa isang protesta sa Calamba, Laguna sa pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal na dinaluhan ni Pangulong Aquino. (Darius Galang)

Nagpahayag ng disgusto ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) at Anakbayan  sa pagkadakip at pagkabilanggo ng ilan sa kanilang mga kasamahan nang magsagawa sila ng  protesta laban sa palalang krisis sa edukasyon sa bansa.

Nagsasagawa ng isang kilos protesta ang mga estudyante na nanggaling sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos nang dakpin ng Calamba Police ang dalawang lider-kabataan at lima pang mag-aaral ng UPLB.   Isinagawa ng mga estudyante ang kanilang pagkilos para sa paglaban sa karapatan ng mga kabataan sa edukasyon sa araw ng paggunita ng ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal. Nagkaroon rin ng unveiling ng isang rebulto ni Rizal si Pangulong Benigno Aquino III sa Calamba, Laguna.

Ang mga dinakip ay sina Mikel Mozo ng Anakbayan UPLB, Cathy Gagantone ng Gabriela Youth UPLB, Bhen Aguihon ng League of Filipino Students UPLB, Ynik Ante ng University Student Council ng UPLB, at Ruffa Solano ng National Union of Students of the Philippines UPLB. Kasama rin sa nadakip sina Joeffrey Barreto at Rodel Badayos ng Anakpawis Partylist-Southern Tagalog.

“Tinawag ni Gat Jose Rizal ang mga kabataan bilang pag-asa ng bayan,” sabi ni Vanessa Faye Bolibol, pangkalahatang-kalihim ng NUSP, “ngunit walang maningning na kinabukasan sa isang administrasyong nagkakait ng karapatan sa edukasyon  at sa malayang pagpapahayag.”

Tinagurian ni John Paulo Bautista koordoneytor ng Kabataan Partylist sa Timog Katagalugan na ang nangyaring lightning rally ay “pauna lamang sa ma matinding mga pagkilos ng kabataan laban sa palalang krisis sa edukasyon sa ilalim ng administrasyong Aquino.”

Larawan ng limang lider-estudyante ng UP Los Banos na kabilang sa pitong kabataang inaresto. Mula kaliwa: Bhen Aguihon, Ynik Ante, Ruffa Solano, Cathy Gigantone, at Mikel Mozo. (Kontribusyon)
Larawan ng limang lider-estudyante ng UP Los Banos na kabilang sa pitong kabataang inaresto. Mula kaliwa: Bhen Aguihon, Ynik Ante, Ruffa Solano, Cathy Gigantone, at Mikel Mozo. (Kontribusyon)

Nagpahayag rin ng disgusto si Dan Ramos ng Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP) sa pagpapabaya ng administrasyong Aquino sa sektor ng edukasyon sa bansa. “Habang nananatili ang krisis sa ekonomiya at edukasyon, magpapatuloy ang mga mag-aaral at kabataan na ipaglaban ang para sa kanila,” ani Ramos.

Nagpahayag rin ang mga kabataan sa kanilang paghahanda sa darating na State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III, upang anila’y ipakita ang pagkakaisa ng kabataan sa paglaban para sa karapatan sa edukasyon. Panawagan rin ng mga grupo ang pakikiisa ng mga kabataan at mag-aaral na sumama sa kanilang pagkilos

Hinihimok ng mga grupo ng kabataan ang pakikiisa ng kanilang kapwa-magaaral upang ipanawagan ang maagap na pagpapalaya sa kanilang kapwa-mag-aaral, at i-dismiss ang mga kaso sa mga ito. “Patunayan natin muli kung ano ang magagawa ng sama-samang pagkilos upang tapusin ang ganitong kasalukuyang represyon,” pagtatapos ni Ramos.