Muling pagpapatayo ng tenement sa Vitas, Tondo walang katiyakan

Paggiba ng mga istruktura sa paligid ng Diosdado Macapagal Tenement sa Vitas, Tondo, simulan na (Ilang-Ilang Quijano)
Tumangging umalis ang tinatayang 240 pamilya sa Diosdado Macapagal Tenement sa Vitas, Tondo hangga’t hindi nabibigyan ng katiyakan ng National Housing Authority (NHA) na muling itatayo ang gusali na ipinagkaloob sa kanila sa ilalim ng programang pabahay ng nagdaang mga administrasyon.
Kahapon, dumating ang may halos 100-kataong demolition team para puwersahang paalisin ang mga residente, sa kabila ng nagpapatuloy pang negosasyon sa pagitan ng mga residente at NHA.
Sinimulang gibain ang mga istruktura sa paligid ng anim-na-palapag na gusaling tinaguriang condemned. Ngunit nabigo ang demolition team na paalisin ang mga pamilyang nakatira pa sa loob ng gusali, na naninindigang hindi sila dapat dalhin sa relokasyon sa Gaya-Gaya, San Jose del Monte, Bulacan.
On-site relocation
On-site relocation ang iginigiit ng mga residente. Bukod sa malayo sa kabuhayan, wala rin umanong batayang mga serbisyo sa Gaya-Gaya. “Walang ospital doon. Ang eskuwelahan, walang titser. Ang tubig doon, iniigib, at ang ilaw tuwing gabi lang mayroon,” sabi ni Maria Bella Raganit, pangkalahatang kalihim ng Gabriela-Tenement Chapter.
Itinayo ang tenement ng dating administrasyong Macapagal. Noong administrasyong Marcos, sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 654, isinailalim naman ang 4,098 metro kuwadradong tenement sa programang pabahay kung saan magkakaroon ng karapatang-ari ang mga benepisyaryo matapos ang 25 taon.
Ayon kay Raganit, natapos na ng mga residente ang pagbabayad ng buwanang amortisasyon noong 1992, subalit hindi binigyan ng gobyerno ng katibayan.

Larawan ng Diosdado Macapagal Tenement noong bagong-tayo. Ngayon, tinaguriang condemned na ang nasabing gusali dahil sa kabiguan ng gobyernong imantine ito para sa mga maralita.
Noong 1994, idineklarang condemned o mapanganib na istruktura ang nasabing gusali. “Ang sabi nila sa amin noon, ipapaayos nila ang gusali. Kasama iyon sa binayaran namin. Pero hindi nila ito tinupad,” aniya.
Dati na ring relocatee si Raganit, na nauna nang pinalikas mula sa isang pribadong lupain sa Caloocan. “Ganito ba talaga, laging walang katiyakan ang aming paninirahan?” pagtataka niya.
Katibayan na makakabalik, hinahanap
Noong Marso 25, naglabas ng kautusan si bise-presidente Jejomar Binay, hepe ng Housing and Urban Development Coordination Council, na kailangan nang lisanin ng mga residente ang tenement sa loob ng 30 araw. Subalit inapela ito ng mga residente.
Ayon kay Boy Calleja, tagapangulo ng D.M. Housing Project Neighborhood Association at Task Force Tanggol Tenement, “Dapat muna nilang tiyakin na disente ang lilipatan namin, at na maaari kaming bumalik kapag itinayo nang muli ang gusali.”
Dagdag pa niya, bagaman noong 1994 pa tinaguriang condemned ang gusali, binalikan lamang sila ng gobyerno nang magkaroon ng lindol sa Haiti noong nakaraang taon. “Ngayon lang sila bumalik, matapos ang mahigit dalawang dekada. At bumalik sila hindi para ayusin ang tenement, kundi para gibain ito,” ayon kay Calleja, na residente ng lugar simula pa noong 1965.
Batay sa pinakahuling negosasyon, nangako sa mga residente si Manila 1st District Rep. Benjamin Asilo na magpapatayo ng apat na medium-rise building na maaaring paglipatan ng mga residente. Ngunit berbal lamang ang nasabing pangako, at hindi pa malinaw kung saan ipatatayo ang nasabing mga gusali at kung may kaukulang badyet.
May impormasyon ang mga residente na hindi na balak pang patayuan ng NHA ng bagong tenement ang lupa, kundi ipapaupa ito sa mga pribadong shipping company para gawing paradahan ng mga container van.
Ayon kay Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, posibleng biktima na ang mga residente ng proyektong Public-Private Partnership ng gobyernong Aquino. “Nakakaduda ang timing ng eviction, lalo sa gitna ng mga ulat na bahagi ang erya ng pribatisasyon ng Manila North Harbor. Sinimulan ang proyektong ito ni dating pangulong Arroyo, at ipinagpapatuloy ni Pangulong Aquino,” aniya.
Imbestigasyon ng Kongreso
Nanawagan naman si Gabriela Rep. Luz Ilagan sa NHA na magtayo muna ng pansamantalang relokasyon sa loob ng siyudad para sa mga residente ng tenement, at gibain lamang ang gusali kapag nagkaroon na ng tiyak na pondo para sa pagpapatayo ng bago.
“Tama lamang na kung totoong aayusin o itatayo muli ng gobyerno ang tenement, may legal na katibayang mahahawakan ang mga residente na maaari silang makabalik kapag naiayos at naitayo na muli ito,” ayon pa sa mambabatas.
Nitong Hunyo 9, inaprubahan ng House Committee on Housing and Urban Development ang isang resolusyon ng Gabriela na paimbestigahan kung bakit bigo ang gobyerno na imantine at ayusin ang mga pabahay gaya ng Diosdado Macapagal Tenement na binayaran na ng mga benepisyaryo.
Bukod sa Diosdado Macapagal, tinaguriang condemned na rin ang iba pang katabing tenement sa Vitas na tinitirhan ng daan-daang maralitang pamilya.
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=13974













