Uncategorized

Biglang umalis patungong London si Pilar Pilapil habang niyayakap ni Angelica Panganiban si Derek Ramsay


Ayaw mang umalis ni Pilar Pilapil sa Pilipinas patungong London ay kailangan niyang sundin ang tagubilin ng kanyang direktor, ang Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel ng mga pelikulang “Moma,” “Ec2luv,” “When a Gay Man Loves,” “Latak,” “Moving Dreams,” “HiStory” at “Strictly Confidential,” para nasa oras at huwisyo ang kanilang pagsasapelikula ng isang Overseas Filipino […]

Ayaw mang umalis ni Pilar Pilapil sa Pilipinas patungong London ay kailangan niyang sundin ang tagubilin ng kanyang direktor, ang Fil-Briton filmmaker na si Jowee Morel ng mga pelikulang “Moma,” “Ec2luv,” “When a Gay Man Loves,” “Latak,” “Moving Dreams,” “HiStory” at “Strictly Confidential,” para nasa oras at huwisyo ang kanilang pagsasapelikula ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na kuwento tungkol kay Leona Calderon.

Kasi nga’y inaasikaso pa ni Pilar ang mga kasong kanyang isinampa laban sa mga buhong na dumukot, kumidnap, nagbanta at sumaksak sa kanya mga tatlong buwan na ang nakakaraan nang siya ay matagpuang duguan at nanghihina sa isang ilang na lugar sa Antipolo City.

Bukod pa rito ay tinututukan niya ang mga miyembro ng kanyang pamilya, sina Pia Pilapil, ang asawa nitong bulag na si Gerry Gonzalo at ang apat na mga anak ng mga ito.

May mga personal pang kuskos-bangunos si Pilapil kaya naman bantulot siyang lumipad patungong London.

***

Pero naghihintay ang trabaho at opisyo para sa kanya sa kapital ng England at kailangan niyang tupdin ang mga kasunduang kanyang nilagdaan kay Jowee nang siya ay nakaratay pa sa The Medical City ilang oras pagkatapos na pahirapan ng masasamang-loob ang aktres.

Kaya noong Huwebes ay umalis si Pilaring kasama ang kanyang asawang pastor na si Bernie Peñas at tutuloy sila sa bahay ng kaibigang matalik ni Morel na si Simon Luckin, isang berdaderong Ingles.

Pagkuwan ay maghahanda na ang aktres para humarap sa mga kamera ng “Leona Calderon” na magtatampok din sa beterana at premyadong aktres sa Hollywood at Britain na si Virginia McKeena.

Kahit si La Pilapil ay nananabik na ring makadaupang-palad at makasama sa mga eksena sa pelikula si Virginia.

***

Sino nga ba si Virginia McKeena para sa mga taong hindi pa nakakakilala sa kanya, mga taong kung tutuusin ay dapat alam ang lahat ng tao sa mundo pero masyado ngang mabilis ang pag-inog ng planetang ito at ang daming kailangang maisakatuparan lalo na ang mga pang-araw-araw na buhay kaya ang pagkilala kay McKeena ay naisasaisantabi na lamang samantalang nand’yan lang naman si Virginia at isang premyadong aktres sa British Academy of Film and Television Arts para sa pelikulang “Born Free” kung saan siya  ay nominado sa Golden Globe samantalang nagwagi naman siyang Best Actress sa Olivier Award sa London para sa stage play na “The King & I” katambal si Yul Brynner at ang kanyang pinakahuling pelikula ay ang “Sliding Doors” kasama si Gwyneth Paltrow.

***

Samantalan, habang nasa London naman si Pilar ay ninanamnam ni Angelica Panganiban ang wagas na pag-ibig kay Derek Ramsay dahil pagkatapos na matuklasan ni Angelica na may pinakasalan na si Derek noong 2002 ay sige pa rin ang batang aktres sa pag-ibig sa kanya.

Nais lang niya ani Panganiban na maging maligaya ang kanyang mahal sa buhay at maipakita ang kasiyahan sa bawat sandal.

Walang paki si Angelica kesehodang may pananagutan na sa buhay at sa ibang babae si Ramsay dahil siniguro naman ang aktor na gagawin ng kanyang mga abugado ang lahat ng paraan para maging matiwasay ang lahat.

Pero hayun ang peryodistang pampelikula na si Morly Alinio ng TV5 at hanap nang hanap kay Christine Jolly, ang Fil-Indian na asawa ni Derek para makapanayam pero hanggang ngayon ay hindi pa niya natatagpuan o kung matagpuan man ay makuha naman kaya ng mga peryodistang pampelikula ang opisyal na pahayag nito.

Pero matiyaga si Morly sa kanyang misyon para maihatid sa madla ang mga kaganapan sa tunay na dramang ito ng buhay.

Kahit na ito ay itinuturing na tsismis at intriga ng mga mapangmaliit at mapagbalatkayong lipunang ito, ang mga balitang panshowbiz ay repleksyon lang ng mga nagaganap sa ating kapaligiran.