Pinoy Weekly

Pangkababaihan ang pagpinta ng mga musa ng kagandahan habang buntis si Andi Eigenmann

Paano ipipinta ng mga musa ng kagandahan tulad nina Maria Isabel Lopez, Melanie Marquez, Nina Ricci Alagao, Evangeline Pascual at Lani Lobangco ang maagang pagbubuntis ng batang aktres na si Andi Eigenmann?

Kinumpirma ni Jaclyn Jose na apat na buwan nang nagdadalantao ang kanyang anak na si Andi at nangingilid ang mga luhang sinabi ng ina na aalagaan niya at ng kanyang buong pamilya ang ipinagbubuntis ng kanyang bugtong na anak.

Sa madaling salita, walang plano ng pagpapalaglag kahit na batambata pa ang dalaga na ngayon ay magiging isa nang ina.

***

Sino nga ba ang may kagagawan ng pagdadalantao ni Eigenmann?

Si Albie Casiño, ang isa sa mga bidang lalaki ng “Mara Clara” ng ABS-CBN, nga kaya ang may kagandahang-loob sa paghahasik ng buhay sa sinapupunan ni Andi?

Pero ayon sa mga tala, matagal nang naghiwalay ang dalawa sapul pa nang magkaroon sila ng di-pagkakaunawaan nang akusahan umano ng batang aktres na siya ay sinampal ni Albie, isang bagay na itinanggi naman ang batambata ring aktor.

Nagsumbatan pa sa Twitter ang dating magsing-irog at pinaratangan ni Casiño na maraming kasintahang mga batang lalaki ang kanyang dating katipan.

Sinabihan din ni Albie na “cheater” si Andi at naghalo nga ang balat sa tinalupan.

***

Samantala, heto ang pangalan ni Jake Ejercito, anak ng dating pangulo ng Pilipinas na si Joseph Estrada at ng aktres na si Laarni Enriquez, at pinaparatangang siya ang ama ng dinadala ni Eigenmann.

Pero walang nagsasalita sa kampo nina Erap at Laarni gayundin naman sa panig nina Jaclyn kundi itinanggi ng huli na ang dating boyfriend ng kanyang anak ang may kagagawan ng paglobo ng tiyan ng kanyang unica hija.

Samantalang sa mga kasiyahan at kalungkutan ng mga pamilya nina Jose at Laarni ay nandoon sina Andi at Jake at mas madalas kaysa hindi ay matamis ang kanilang pagtitinginan.

Sinabi ni Jaclyn na palalakihin nila ang bata habang hilam na hilam siya sa luha.

***

Emosyon ang isa sa mga ugat ng pagpinta ng mga Evangeline, Maria Isabel, Lani, Nina Ricci at Melanie at ang kondisyon ni Andi ay isang paksang maaaring iguhit nang pasyonata ng mga ito tulad rin lang ng pagpinta nila sa mga bagay-bagay sa paligid na ang konsepto ay nagmumula sa loob at labas ng kanilang pagkatao, pangit man o maganda, magulo man o maayos, masayang panaginip man o bangungot.

Sa ika-13 nga ng Hulyo, 2011 ay sama-sama sina Pascual, Lopez, Lobangco, Alagao at Marquez sa paglalantad at paghahalayhay ng kanilang mga likhang-sining sa Ricco Renzo Galleries sa dating Reposo Street sa Makati City sa isang pagtatanghal na pinamagatang “Art & Beauty” na inorganisa at inilunsad ng Character Building Foundation, Inc. ni Heidi Sison.

Pinagsamang kagandahan ng sining kahit na mula sa pangit na katotohanan ng buhay at kariktan ng mga musa ng kagandahang pisikal ang una at huling batayan ng pagpinta ng mga beauty queen na ito.

***

Ayon kay Vangie Pascual, sa kanyang paggising ay nakakaisip agad siya ng ipipinta at kahit ang isang basurahan na punumpuno ng mga layak ay maaaring pagandahin sa mata ni Vangie.

Samantala, ayaw na muna ni Nina Ricci na maging sosyalistang reyalista sa arte dahil ang mas nais niya ngayon ay ang kakinisan muna ng mga bagay-bagay para maging inspirasyon halimbawa’y ang mga bulaklak at ibon sa punongkahoy.

Kung ano namang mga pilosopiya ng buhay ang kayang iguhit sa lona ni Maribel mula sa hubad na katawan ng babae hanggang sa mga abstraktong konsepto ng ideya ng buhay at karunungan.

Para kay Lani, kung may hubad man siyang babaing iginuhit may karampatan siyang hubad ring anatomiya ng babae na mas malalim ang dimensyon.

Nasa Amerika pa sa mga sandaling ito si Melanie pero ipapadala na niya agad ang kanyang trabahong-sining para maipresenta nang maayos sa publiko.

Sa katuusan, pangkababaihan ang paksa ng mga reyna ng kagandahang ito na magpapalaya kahit paano sa kanilang lipi.

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=14317

Posted by on Jul 3 2011. Filed under Showbiz. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Log in | Designed by Gabfire themes