Balitang Global

Personalidad at kuwento ng kilusang protesta sa ibang bayan


Noong unang linggo ng Hulyo, ginanap sa Maynila ang ika-apat na asembliya ng International League of People’s Struggles (ILPS), ang anti-imperyalistang liga na binubuo ng daan-daang personalidad at organisasyon, na kumakatawan sa iba’t ibang kilusan ng mamamayan sa buong daigdig. Nakapanayam ng Pinoy Weekly ang ilang mga delegado ng ILPS na bukod-tangi at nagbibigay-inspirasyon ang […]

Noong unang linggo ng Hulyo, ginanap sa Maynila ang ika-apat na asembliya ng International League of People’s Struggles (ILPS), ang anti-imperyalistang liga na binubuo ng daan-daang personalidad at organisasyon, na kumakatawan sa iba’t ibang kilusan ng mamamayan sa buong daigdig.

Nakapanayam ng Pinoy Weekly ang ilang mga delegado ng ILPS na bukod-tangi at nagbibigay-inspirasyon ang mga kuwento, ng personal nilang buhay at buhay at pakikibaka ng kanilang mga mamamayan. Tunghayan sina Anna Kouvarsch ng Kurdistan, Fred Engst ng China, Alexis Adarfio ng Venezuela, at Rosa Martha Macias ng Mexico:

Anna Kouvarsch: Boses ng kababaihang Kurdish sa Europa

Anna Kouvarsch ng Kurdish Women’s Peace Office (Ilang-Ilang Quijano)

Namulat sa kontra-pasistang kilusang kabataan sa Germany si Anna, nagtatrabaho para sa Kurdish Women’s Peace Office. Napukaw ang kanyang interes sa pakikibaka ng Kurds noong 1994, nang sinunog ng dalawang kababaihang Kurdish ang kanilang sarili bilang protesta sa pagbibigay ng Germany ng armas sa Turkey para supilin ang Kurds. Nahati sa apat na bansa (Turkey, Syria, Iraq, Iran) ang mga mamamayan ng Kurdistan matapos paghati-hatiin ng mga imperyalistang bansa matapos ang World War II. Ngayon, nakikibaka sila para sa pambansang kalayaan sa pamamagitan ng pakikibakang kapwa ligal at armado.

Dahil nakita ang diskriminasyon at seksismo kahit sa loob ng kontra-pasistang kilusan sa Germany, alam niyang mahalaga na sa anumang pakikibaka, dapat ipinaglalaban din ang kalayaan ng kababaihan mula sa patriyarkal na pagsasamantala. Kaya naman manghang-mangha siya sa kababaihang Kurdish, na unti-unting binago ang pyudal na mga kagawian, gaya ng forced marriages at pagbabawal sa kanilang lumabas ng bahay o magsalita sa presensiya ng kalalakihang kamag-anak. “Because of their participation in the struggle for national liberation, they gained courage and self-respect,” aniya.

Ngayon, malayung-malayo na sa dati ang kalagayan ng kababaihang Kurdish. Sa kilusang gerilya na pinamumunuan ng Kurdistan Workers Party (PKK), may sariling mga yunit na kinukumand ang kababaihan. Samantala, may women’s council o konseho ng kababaihan na nakatayo sa mga bayan ng Kurdistan. Bagaman nakapaloob pa rin sa buong kilusan, isa itong hiwalay na mekanismo para sa pagdedesisyon ng kababaihan.

Kababaihang Kurdish na gerilya (Mula sa internationalpeaceandconflict.org)

Ayon pa kay Anna, nailuluklok sa liderato ang mga kababaihan kapwa sa pamahalaan, bilang alkalde o miyembro ng parlamento, at sa lihim na rebolusyonaryong pamahalaang pinatatakbo ng Kurds. Dahil malakas ang kilusang gerilya sa Kurdistan, kuwento niya, nakakapamuno ang rebolusyonaryong pamahalaan na ito. Lahat ng mga pamilya ay may dalawa hanggang tatlong kamag-anak na rebelde. “Thus, the mass movement has close emotional and personal relations with the guerilla struggle,” aniya.

Tumutulong si Anna sa kanilang pakikibaka sa pamamagitan ng pangangalap ng suporta mula sa Europa, kung saan marami ang migranteng Kurds. Binansagan ng gobyernong US at European Union ang PKK na teroristang grupo.  Pero sa karanasan ni Anna, makatuwiran—at malayo sa terorismo—ang isinusulong nitong pakikibaka.