Pinoy Weekly

“Ang Bagong Harana” at ang showbiz

Matay ko mang isipin, showbiz din ang “Ang Bagong Harana” na bagong produksyon ng Philippine Opera Company ni Karla Gutierrez na kanya ring tinatampukan kasama ang mga soprano, tenor at iba pang klasikong mang-aawit ng Pilipinas.

Ang impresyon at kongklusyon ay lumitaw muli nang magkomento ang aktor na si Al Gatmaitan na naiiba ang teatro at humigit-kumulang angy nais niyang iparating ay hindi ito showbiz.

Bakit pa naman isa pa rin si Al na naglalagay ng masamang kahulugan ang salitang showbiz samantalang ang publiko na bahagi siya, ikaw, ako at tayo ang nagpasama sa salitang ito dahil ikinabit ito sa kaplastikan at paggalaw o pagsasabi nang hindi totoo samantalang marami namang taga-showbiz na tunay ang galaw at nagsasabi nang totoo?

Bakit gumagamit tayo ng mga salita na hindi muna pinag-iisipan ang akma at tamang kahulugan at implikasyon para maiwasan na lumala ito?

Palasak na kasing masama ang pakahulugan ng showbiz lalo na nang tirahin pa ni Mitos Magsaysay, isang kongresistang taga-Zambales at ilarawan si Ricky Carandang, ang sekretaryo ng Communications ng Malacanang, at sabihang ang huli ay showbiz.

Ano ba ‘yan?

Abusado na sila sa maling paggamit ng salitang showbiz at ang mga taga-showbiz naman ay kailangang ipakitang hindi negatibo ang ibig sabihin nito.

Gayunman, malaki at higanteng problema na ito sa wika at matagal pang babakahin pero kayang bakahin.

***

Nang sagutin kami ni Gatmaitan na ang paggamit ng showbiz, halimbawa’y ng mga artista sa pelikula at telebisyon, lalo na ang mga popular ay paggamit ng showbiz sa dula at isa itong positibong halimbawa.

Pero mas malalim pa r’yan ang konteksto at implikasyon ng showbiz dahil istruktura ng lipunang Filipino ang nakabatay rito sampu ng proseso ng panlipunan, pangkultura at pampulitikal na kondisyon ng kapaligiran dahil ang ekonomiko, sosyo-kultural-pulitikal na batayan nito ay pareho rin sa ekonomiko, sosyo-kultural-pulitikal na basehan ng Kongresong ginagalawan ni Mitos at ng media na pinaglilingkuran ni Ricky.

Dapat ‘yang analisahin nina Magsaysay at Carandang bago magbitiw ang congresswoman ng isang kataga at bago humingi ng paumanhin si Ricky kay Mitos.

Sila muna ang maghimay ng pang-ekonomiko, pansosyo-kultural-pulitikal na sanligan bago sila magbangayan at ikonteksto nila sa showbiz ang kanilang mga gawa at gawi at nang mamulat silang walang pagkakaiba ang isa sa isa.

***

E, kung hindi rin ba showbiz ang Kongreso at Malacanang—kung ang ilalapat na kahulugan ng showbiz ay pagbabalatkayo o kaplastikan—aba’y nangunguna ang dalawang sangay na ‘yan ng pamahalaan sa ka-showbiz-an.

Hindi naman ibig sabihin na nagbangangayan ang mga serbisyo publiko ay totoo na ang mga aksyon o motibasyon ng mga nasasangkot.

Paano kung semantiko at retorika lang ang paggamit ng matatapang o nagpapa-underdog na salita para makapagbunganga o magdrama para sa mga pansariling kapakanan at hindi talaga para sa kagalingan ng higit na nakararami, halimbawa’y ng pangkalahatang mamamayan kahit na hindi residente ng Zambales o ng mga pinaglilingkuran ng Palasyo?

Masyadong masalimuot ang halayhay at hilatsa ng mga argumentasyon at diskusyon at hindi lang ang naririnig o nakikita sa TV at radyo ang dapat pagbatayan ng tama at mali kundi ang masinsin at nakatutok na pagmamasid sa lahat ng mga elementong kaugnay sa isyu.

***

Kaya nga ipinagpipilitan din naming showbiz ang dulaan at hindi ibig sabihin na may disiplina ang mga taga-teatro ay hindi na ito showbiz.

Dahil una, tingnan natin ang dalawang salitang pinagdugtong para kumpletuhin ang katagang “showbiz.”

“Show” na ang ibig sabihin ay palabas at “biz” na ang Ingles na kahulugan ay “business.”

Pinaikling “showbiz” ang mas mahabang “show business.”

Kaya malawak at malalim ang kahulugan nito at hindi negatibong ipinagngudnguran lang sa atin ng mabababa ang tingin sa showbiz o baka galing din sa larangan ng showbiz mismo ang nagsimula nito na sa una’y walang malisya hanggang nagpasalin-salin na sa bibig ng iba kaya naging pangit na ang kahulugan nito.

O dahil na rin ito sa kabalbalan ng ibang mamamayan ng showbiz?

Gayunman, dapat din itong uriratin at ilagay sa tamang konteksto ng bawat Filipino.

Kahit naman sa telebisyon at pelikula ay may disiplina ang mga artista at iba pang manggagawa at mga alagad ng sining nito.

Hindi lamang marahil ito ipinatutupad at nangingimi ang dapat magpatupad sa mas malalaki at mas malalakas na puwersa halimbawa’y ng prodyuser, may-ari ng istasyon ng telebisyon o ang mga manager o alinmang naghaharing-uri.

Dahil ang disiplina ay hindi lang naman ang pagdating sa oras o kaalamang propesyunal sa mga ginagampanang papel kundi ang pagkiling din sa tama kahit na kalabanin ang estado ng produksyon o ang nagdidikta para mapanatili ang mali kahit na sa paniniwala, lalo na ang tradisyunal.

***

Ito ngang “Ang Bagong Harana” ni Karla, katakut-takot na problema sa negosyo ang hinaharap lalo na sa marketing at ang kalakal ay bahagi ng artistikong produksyon.

Ang artista ay bahagi rin ng pang-ekonomikong tunggalian kaya hindi lang siya umaarte, kumakanta o sumasayaw, kaakibat din siya ng artistikong komersyo na nagpapaandar sa kabuuang sistema ng larangan ng mga arte at letra.

May puhunan din si Gutierrez dito (talento, bisyon, dugo, pawis, panahon kasama na rin ang pera sa anumang halaga at iba pa) at kung wala siyang tubo kahit maliit, paano aandar ang mga susunod pang produksyon kahit na sabihing mangutang siya o humingi ng utang na loob sa iba—kapanalig man o hindi?

Aminado nga siya, ang hirap magtinda o mag-market ng kanyang produkto dahil nga malawak ang implikasyon nito, showbiz na showbiz, sa tunggalian ng mga puwersa sa merkado lalo na at nangingibabaw ang mga popular na midyum tulad ng telebisyon at ng libreng Internet na kailangang kabakahin.

Ito ang dapat gawan ng paraan ng mga nagsasabing walang disiplina sa telebisyon at pelikula dahil kung tatahimik lang tayo o sasabihing ganyan talaga sa TV at pelikula o kaya ay ihihiwalay ang mundo ng teatro sa daigdig ng TV at pelikula, halimbawa, laging mahirap ang pagnenegosyo nito.

Hindi basta lumalabas ang mga taga-teatro sa TV at pelikula at ang mga taga-TV at pelikula ay gumaganap sa teatro ay wakas na ng mga problema.

Patuloy nating pinalalala ang mga suliraning panlipunan at pangkultura kung may tendensiyang ihiwalay ang isang bahagi ng buhay sa isa dahil sa totoo, wala namang hiwalay sa daigdig na ito kundi magkakadugtong lang ang lahat ng bagay—ang mahalaga lang ay tibagin ang matagal nang inaaring tama pero saliwa na sa panahon at pangangailangan ng bawat tao sa lipunang ito kabilang ang mga konsepto ng mga materyal sa anumang larangan ng sining.

Hindi nagtatapos ang pagka-showbiz ng isang produksyon, halimbawa’y ng “Ang Bagong Harana” na palabas na sa ika-29 ng Setyembre hanggang ika-1 ng Oktubre, 2011 sa RCBC Carlos P. Romulo Auditorium.

Sana naman ay hindi lang ang pagpapanatili ng pagpapayabong o pagtataguyod ng pamana ng lahi ang tuntunin ng mga ganitong produksyon kundi ang pagsusuri ng tunay na ugat ng mga problema halimbawa’y ng kahirapan o ang pagmumulat sa kamalayan ng sambayanan sa paglaya sa tanikala ng pagsasamantala.

Mahalagang makipaglangkap din ang mga artista tulad nina Marvin Gayramon, Lawrence Jatayna, Charley Magalit, Aizel Prietos, Nazer Salcedo, Jack Salud, Marian Santiago, Janine Santos, Floyd Tena at Jurgen Unterberg at direktor nilang si Floy Quintos sa pagtatampok ng mga kinagisnang musika nina Nicanor Abelardo, Ryan Cayabyab, Willy Cruz, Francisco Santiago, Antonio Molina, Resti Umali, George Canseco, Ernani Cuenco, Levi Celerio, Jose Estrella, Constancio de Guzman at Felipe de Leon para sa pagsusulong ng pagbabago sa negosyo ng aliw.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=14932

avatar Posted by on Aug 30 2011. Filed under Uncategorized. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes