El Niño!


Rebyu ng pelikulang Niño ni Direktor Loy Arcenas

Rebyu ng Niño, pelikula sa direksyon ni Loy Arcenas, 2011

Unang pelikula ni Direktor Loy Arcenas ang Niño.

Unang pelikula ni Direktor Loy Arcenas, na mas kilala bilang batikan sa disenyong pamproduksyon sa dula. Unang dulang pampelikula naman ni Rody Vera, beteranong tespyan at mandudula. Sa huli, pagsasamasamahin sa isang halos absurdong tagpo ang mga kumupas na bituin at mang-aawit ng lokal na opera, na sa wari ng manonood ay gumagampan na lang ng papel bilang kanilang mga sarili. Napakasimple ngunit mabusisi. Ang pelikulang Niño na nga marahil ang pinakasariwa at pinakamaingat na pagsasalarawan ng pagbulusok at pagguho.

Masdan ang mga latak ng dating rangya ng pamilya Lopez-Aranda. Sa pamamagitan ng batang si Antony (Jhiz Deocareza) – ang “niño” na pinananaligang magsasalba sa kanila sa lahat ng kalugmukan – pinasisilip ang manonood sa bawat siwang ng dating grandyosong mansyon ng Villa Los Reyes Magos. Gupo na sa sakit ang dating pinagpipitaganang kongresman na si Gaspar (Tony Mabesa),  habang pinagsisilbihan na lang siya ng kapatid na si Celia, (Fides Cuyugan-Asensio), ang lola ni Antony na isang dating tinitingalang bituin sa lokal na opera. Habang ninanamnam sa hilig na musika ang nakalipas na katanyagan, pinagsasaluhan din ng matatanda ang nagdaang mga kabiguan sa karera at pag-ibig.

Ang panghihinayang sa lumipas na tugatog sa gitna ng kasalukuyang kalugmukan ay mas pinaigting sa katauhan ng balikbayang si Racquel (Raquel Villavicencio), anak ni Gaspar na matagal nang naninirahan sa US at nasa gitna ng kanyang ikatlong diborsyo. Pinatitingkad din ito ng mga anak ni Celia: si Mombic (Art Acuña), na wala ring tagumpay sa pag-aasawa at negosyo, at naghahanap na lang ng palad sa Dubai; at si Merced (Shamaine Centenera-Buencamino) na kahit mabigat sa loob ay nagpapasan sa obligasyon ng pag-aalaga sa mga pariwarang kaanak.

Sadyang masinsin at matalino ang pelikula sa pagbibigay-buhay sa tema at sa bawat karakter. Bagamat maaaring hindi pa nila gamay ang bagong larangan, litaw na mas nagamit para sa bentahe ng pelikula ang talento at karanasan nina Arcenas at Vera sa teatro. Ni hindi maaalala ang pangamba na baka maging lubhang “teatrikal” at wala sa hulog ang mga tagpo at dayalogo, na karaniwang obserbasyon sa mga obra ng ilang batikan na tumawid mula sa dulaan tungo sa sinema. Tila walang butas ang iskrip, angkop ang sinematograpiya sa mahigpit na pagdadala sa bawat tagpo, at pahahangain ang manonood sa kolektibong rehistro sa iskrin ng mahuhusay na artista. Syempre pa, ang tunog ng buong pelikula ay sinaklaw ng nakababagabag na mga kundiman at aria na inilangkap dito pagkat sadyang kailangan, at hindi isiningit o ipinagpilitan pagkat paborito lang o kapritso.

Sa matapat na paglalahad ay nangahas ang pelikula na pasadahan ang mga isyu ng tradisyon, relihiyon, pulitika, seks, at sekswalidad. Nagtatagumpay ito sa matingkad at nakakukumbinsing pagtalakay sa bawat isa nang hindi nagsesermon o nagiging bulgar. May kakanyahan ang bawat karakter na nagdadala at kumakatawan sa bawat usapin, habang sa kani-kanilang pag-iral sa konteksto ay nagiging matibay ang bawat tauhan. Gaya ng nararapat ay hindi nagiging kasuya-suya o palasak ang pagtukoy sa maseselang usapin gaya ng relihiyon at relasyon ng magkaparehong kasarian. Walang inaksayang eksena o linya ang pelikula.

Sa simpleng pagsipat, maaaring tingnan ang pelikula bilang isa na namang pagsasalarawan ng mga suliranin ng isang tipikal na pamilyang Pilipino. Para sa iba, maaari rin itong maging lamentasyon sa ating naglahong dangal at mga pagpapahalaga bilang isang lahi. Sa katuus-tuusan, ang lahat ng ito ay maaaring binibigyan ng pag-asa sa pananalig sa pangakong himala na hatid ng Niño para sa lugmok na pamilya. Ngunit tila mahirap paniwalaan na ang ganito kahusay na pelikula ay nakaangkla lang sa ganito ka-simplistikong pananaw o kahit interpretasyon.

Maaaring hindi intensyon, ngunit mas mainam isipin na napiling isalarawan ang angkan ng Lopez -Aranda – ang  partikular na pamilya, at partikular na mga karakter – upang mapangahas na ilahad ang di-maiiwasang pagkawasak ng isang lumang kaayusan.

Sa pelikula, binabagabag ang pamilya Lopez-Aranda ng likas na katangian at mga kahinaan bilang angkan na nananatili sa katotohanan at ilusyon ng pagiging ilustrado. Inuukilkil ito ng sariling maruruming lihim, ng sariling kabulukan, ng sariling paglulunoy sa metapisika at hibang na pananalig. Habang nangungunyapit si Celia sa nalalabing seguridad na iniaalay ng tahanan, walang alternatibo ang mga gaya nina Racquel o Mombic, kundi ang iwanan ang lahat ng ito at tumakas.  Mas mainam isipin na ang sekretong tema ng pelikula ay di lamang seks, relihiyon, pulitika o ang simpleng kasaysayan ng isang tipikal na pamilya. Sa isang banda, maaari itong maging alusyon sa kumplikadong kasaysayan ng buong sangkatauhan mismo.

Mapagpaubaya ang pelikula sa pagsasalaysay at iniiwan nito sa manonood ang pagkilatis sa likod ng utak ng bawat karakter. Kung buong lipunan ang pagbabatayan, kalakhang internal ang mga tunggalian na inilahad ng pelikula. Gayunman, masasabi pa rin na ang Niño ay masining na depiksyon ng disintegrasyon ng dekadenteng uri.

Tungkol nga marahil ang pelikula sa simpleng pananalig. Maaaring hindi lang para sa huwad na pag-asang dala ng inosenteng paslit na nasasaplutan ng lumang kaugalian – kundi para rin sa isang kinabukasang kinakatawan ng mga batang matanong at nangangahas na dumanas.